Saturday, 24 June 2017

Ano ang Pentateuch?

Ang Pentateuch ay isang pangalan para sa unang limang aklat ng Bibliya, na pinaniniwalaan ng karamihan ng mga konserbatibong iskolar ng Bibliya na isinulat ni Moises. Bagama't hindi tinukoy mismo ng mga aklat na ito na si Moises ang manunulat, maraming mga talata sa Bibliya na pinatutungkulan si Moises bilang manunulat (Exodo 17:14; 24:4-7; Bilang 33:1-2; Deuteronomio 31:9-22). Ang isa sa mga pangunahing ebidensya na si Moises ang manunulat ng Pentateuch ay ang mismong kumpirmasyon ng Panginoong Hesus ng tukuyin Niya ang mga aklat na ito sa Lumang Tipan na mga “Kautusan ni Moises” (Lukas 24:44). Habang may mga talata sa Pentateuch na idinagdag ng ibang manunulat maliban kay Moises - halimbawa, ang Deuteronomio 34:5-8, na naglalarawan ng kamatayan at paglilibing kay Moises at kahit na sabihing si Josue o iba pang manunulat ang aktwal na sumulat ng mga orihinal na manuskrito, ang mga katuruan at kapahayagan ay masususog mula sa Diyos sa pamamagitan ni Moises. Kahit na sino pa ang aktwal na sumulat ng mga aklat na ito, ang Diyos ang ultimong manunulat ng mga ito at ang mga aklat na ito ay Kanyang kinasihan. 

Ang salitang “Pentateuch” ay nagmula sa kumbinasyon ng dalawang salitang Griyego na ‘penta,’ na ang kahulugan ay “lima,” at ‘teuchos,’ na nangangahulugan na “balumbon.” Kaya nga, ang “Pentateuch” ay simpleng nangangahulugan na ‘limang balumbon’ ng mga aklat na binubuo ng unang dibisyon ng canon ng mga Hudyo. Ang pinanggalingan ng salitang Pentateuch ay masususog noong 200 A.D. ng tukuyin ni Tertullian ang unang limang Aklat sa Lumang tipan sa pangalang ito. Kilala rin sa tawag na “Torah” na ang kahulugan sa salitang Hebreo ay “Kautusan,” ang limang aklat na ito ay ang Genesis, Exodo, Levitico, mga Bilang at Deuteronomio.

Sa pangkalahatan, hinahati ng mga Hudyo ang Lumang Tipan sa tatlong magkakaibang dibisyon, ang Kautusan, ang mga Propeta at ang mga Sulat. Ang Kautusan o Torah ay naglalaman ng kasaysayan ng paglikha at ang pagpili ng Diyos kay Abraham at sa bansang Israel bilang Kanyang lahing hinirang. Ang Torah naman ay naglalaman ng mga kautusan na ibinigay ng Diyos sa Israel sa bundok ng Sinai. Tinukoy ng Kasulatan ang limang aklat na ito sa iba't ibang pangalan. Sa Josue 1:7, sinabi na ang mga ito ay ang “kautusan (Torah) na iniutos sa iyo ni Moises na aking lingkod,” at sila ay tinatawag na “kautusan ni Moises” sa aklat ng 1 mga Hari 2:3. 

Ang limang aklat ng Bibliya na bumubuo sa Pentaeuch ay ang pasimula ng nagpapatuloy na kapahayagan ng Diyos sa tao. Sa Genesis, makikita natin ang pasimula ng paglikha, ang pagbagsak ng tao sa kasalanan, ang pangako ng katubusan, ang pasimula ng sibilisasyon ng tao at ang pasimula ng tipan ng Diyos sa kanyang lahing hinirang, ang bansang Israel. 

Ang sumunod na aklat ay ang aklat ng Exodo kung saan itinala ang pagliligtas ng Diyos sa Kanyang bansang hinirang mula sa pagkaalipin at ang kanilang paghahanda sa pag-angkin sa Lupang Pangako na itinalaga ng Diyos na kanilang tatahanan. Itinala sa Exodo ang pagliligtas ng Diyos sa Israel mula sa kanilang pagkaalipin sa Ehipto sa loob ng apat na raang (400) taon gaya ng Kanyang ipinangako kay Abraham (Genesis 15:13). Itinala din sa Exodo ang Tipan ng Diyos sa bansang Israel sa bundok ng Sinai, ang tagubilin sa pagtatayo ng Tabernakulo, ang pagbibigay ng Sampung Utos, at ang iba pang mga tagubilin kung paano sasambahin ng Israel ang Diyos. 

Sumunod sa aklat ng Exodo ang aklat ng Levitico. Ito ang pagpapatuloy ng tagubilin kung paano sasambahin ng bayang hinirang (Israel) ang Diyos at kung paano Niya pamamahalaan ang Kanyang bansa. Inilatag sa aklat na ito ang mga kinakailangan sa sistema ng paghahandog ng mga dugo ng hayop para sa kasalanan na nagbigay daan sa pagpapahinuhod ng Diyos sa mga kasalanan ng kanyang bayan hanggang sa dumating ang perpektong handog ni Kristo na siyang lubusang pumawi ng poot ng Diyos sa kasalanan. 

Sumunod sa aklat ng Levitico ang aklat ng mga Bilang na naglalaman ng mga pangunahing kaganapan sa loob ng apatnapung taon ng paglalagalag ng bayang Israel sa ilang sa loob ng apatnapung (40) taon, gayundin ang pagtuturo ng Diyos kung paano nila Siya sasambahin at kung paano sila mamumuhay bilang Kanyang sariling bansa. Ang huli sa limang aklat na ito ay ang aklat ng Deuteronomio. Ang aklat ng Deuteronomio ay karaniwang tinutukoy din bilang “pangalawang Kautusan” o “paguulit sa Kautusan.” Itinala sa aklat na ito ang mga huling salita ni Moises bago pumasok ang Israel sa Lupang Pangako (Deuteronomio1:1). Sa Deuteronomio, inulit at ipinaliwanag ang kautusan na ibinigay ng Diyos sa bundok ng Sinai. Habang pumapasok ang Israel sa panibagong kabanata ng kanilang kasaysayan, ipinaalala sa kanila ni Moises ang mga utos ng Diyos at ang mga pagpapala na mapapasakanila kung susunod sila sa kalooban ng Diyos at ang mga sumpang kanilang mararanasan kung susuwayin nila ang mga kautusan ng Diyos. 

Sa pangkalahatan, ang limang aklat ng Pentateuch ay itinuturing na mga aklat ng kasaysayan dahil itinala sa mga aklat na ito ang mga pangyayari sa kasaysayan ng Israel. Habang tinatawag din ang mga aklat na ito na “Torah” o “Kautusan,” sa katotohanan, nagtataglay sila ng higit pa sa mga kautusan. Ipinahahayag sa mga aklat na ito ang sulyap sa plano ng Diyos na pagtubos sa tao mula sa kasalanan at ito ang nagsisilbing “telon” (backdrop) ng mga aklat ng Kasulatan. Gaya ng iba pang mga aklat sa Lumang tipan, ang mga pangako, tipo at mga hula na taglay ng Pentateuch ay natupad sa persona at gawain ng Panginoong Hesu Kristo. 

https://www.gotquestions.org


Aklat ng 1 mga Hari

Manunulat: Hindi pinangalan ang manunulat ng Aklat ng 1 mga Hari. Ang tradisyonal na kinikilalang manunulat ay si Propeta Jeremias. 

Panahon ng Pagkasulat: Ang Aklat ng 1 mga Hari ay maaaring nasulat sa pagitan ng 560 at 540 B.C.

Layunin ng Aklat: Ang Aklat na ito ay kadugtong ng 1 at 2 Samuel at nagsisimula sa pagtatalaga kay Solomon sa trono ng Israel pagkatapos ng kamatayan ni David. Nagsimula ang kuwento sa nagkakaisang kaharian, ngunit nagtapos sa pagkahati ng kaharian sa dalawang bansa na nakilala sa tawag na Judah at Israel. Sa Bibliya na salin sa Hebreo, ang 1 at 2 mga Hari ay iisang Aklat. 

Mga Susing Talata: 1 mga Hari 1:30, "Nanumpa ako noon sa ngalan niya, na ang anak mong si Solomon ang siyang hahalili sa akin. Tutuparin ko ngayon ang aking pangako."

1 mga Hari 9:3, "Sinabi sa kanya: "Ipinagkakaloob ko ang lahat mong hiniling sa iyong panalangin. Pinababanal ko ang Templong ito at lalagi rito ang aking pangalan magpakailanman. Lilingapin ko at mamahalin ang pook na ito habang panahon."

1 mga Hari 12:16, "Nang makita ng bayan na hindi sila pinansin ng hari ay sinabi nila: "Ano ang mahihita natin kay David? Wala tayong pakialam sa anak ni Jesse. Umuwi na tayo, mga anak ni Israel. David, buhat ngayo'y bahala ka na sa iyong sambahayan." na nga sa kani-kanilang tahanan ang sampung lipi ng Israel."

1 mga Hari 12:28, "Kaya nga, matapos mapagkuru-kuro ang bagay na ito, gumawa siya ng dalawang toreteng ginto at sinabi sa bayan: "Huwag na kayong mag-abalang umahon sa Jerusalem. Narito, bayang Israel, ang inyong Diyos na humango sa inyo sa Egipto.'"

1 mga Hari 17:1, "v1Nagsalita kay Acab si Elias na taga-Tisbe: "Isinusumpa ko, sa ngalan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel na pinaglilingkuran ko: hindi uulan, ni hindi man lamang magkakahamog sa mga darating na taon hanggang hindi ko sinasabi."

Maiksing Pagbubuod: Nagsimula ang Aklat ng 1 mga Hari kay Solomon at nagtapos kay Elias. Ang pagkakaiba sa dalawa ang magbibigay sa atin ng ideya kung ano ang nangyari sa kalagitanaan. Isinilang si Solomon pagkatapos ng isang iskandalo sa palasyo sa pagitan ni David at Batsheba. Gaya ng kanyang ama, babae ang kanyang kahinaan na siyang nagpabagsak sa kanya. Naging maayos ang pamamahala ni Solomon sa una. Nanalangin siya para sa karunungan at itinayo niya ang templo sa loob ng 7 taon, ngunit gumugol siya ng 13 taon para itayo ang kanyang sariling palasyo. Ang pagkakaroon niya ng maraming asawa ang nagtulak sa kanya sa paglayo sa Diyos at sa pagsamba sa mga diyus diyusan. Nang mamatay si Solomon, ang Israel ay pinamunuan ng mga haring nag-agawan sa trono. Marami sa kanila ay masama at sumasamba sa diyus diyusan. Ito ang dahilan kung bakit lumayo sa Diyos ang bansang Israel na kahit na ang pangangaral ni Elias ay walang nagawa upang papanumbalikin sila sa Diyos.

Isa sa pinakamasamang Hari ng Israel ay si Haring Ahab at ang kanyang reynang si Dyesebel. Sinikap ni Elias na papanumbalikin ang Israel sa pagsamba kay Jehovah, hanggang humantong iyon sa isang hamon sa mga saserdote na sumasamba sa mga diyus diyusan sa isang paligsahan sa bundok ng Carmelo. Nanalo siyempre ang Diyos. Ito ang naging dahilan ng matinding pagkagalit ni Dyesebel. Iniutos niya na patayin si Elias na tumakas naman at nagtago sa ilang. Pagod at pinanghihinaan ng loob, sinabi ni Elias sa Diyos, "hayaan mo na akong mamatay." Ngunit nagpada ang Diyos ng pagkain at pinalakas ang kanyang loob at nagsalita ang Diyos sa Kanya sa isang mahinang tunog. Sa gayon nanumbalik ang lakas ni Elias at naligtas ang kanyang buhay upang gampanan ang mga sa susunod pa niyang mga gawain. 

Mga pagtukoy kay Kristo: Ang templo sa Jerusalem kung saan nananahan sa dakong kabanal-banalan ang Espiritu ng Diyos ay naglalarawan ng mga mananampalataya kay Kristo na pinananahanan ng Banal na Espiritu sa oras ng kanilang kaligtasan. Gaya ng mga Israelita na kailangang itakwil ang kanilang mga diyus diyusan, kailangan din nating itakwil ang anumang bagay na naghihiwalay sa atin sa Diyos. Tayo ang Kanyang bayan, ang templo ng Diyos na buhay. Sinasabi sa atin ng 2 Corinto 6:16, "O ng templo ng Diyos sa diyus-diyusan ng mga pagano? Tayo ang templo ng Diyos na buhay! Siya na rin ang may sabi: "Mananahan ako at mamumuhay sa piling nila, ako ang magiging Diyos nila, at sila'y magiging bayan ko.'"

Ang propetang si Elias ay larawan ni Hesus at ng mga propeta sa Bagong Tipan. Binigyan si Elias ng Diyos ng kakayahan na gumawa ng mga himala upang patunayan na isa siyang tunay na lingkod ng Diyos. Binuhay niya ang anak ng babaeng balo sa Zarepta na dahilan upang sabihin ng balo, "Ngayon ay nalalaman ko na ikaw ay isang lingkod ng Diyos ang Salita ng Diyos na nagumumula sa iyong bibig ang katotohanan." Sa ganito ring paraan ang mga lingkod ng Diyos sa Bagong Tipan ay gumawa rin ng himala ayon sa kapangyarihan ng Diyos. Hindi lamang binuhay ni Hesus si Lazaro mula sa mga patay, kundi binuhay din Niya ang anak na lalaki ng babaeng balo sa Nain (Lukas 7:14-15) at ang anak na babae ni Jairo (Lukas 8:52-56). Binuhay din ni apostol Pedro si Dorcas (Mga Gawa 9:40) at binuhay naman ni Pablo si Eutico (Mga Gawa 20:9-12).

Praktikal na Aplikasyon: Maraming aral ang Aklat ng 1 mga hari para sa mga mananampalataya. Makikita natin ang mga babala ng Diyos sa ating pakikipagrelasyon lalo na sa pagaasawa. Ang mga hari ng Israel na gaya ni Solomon na nag-asawa ng mga taga ibang bansa ay inilantad ang kanilang sarili at ang bayan na kanilang pinamamahalaan sa kasamaan. Bilang mga mananampalataya ni Kristo, dapat tayong magingat sa pagpili ng ating kaibigan, kasosyo sa negosyo at magiging asawa. "Kaiingat kayo: "Ang masasamang kasama'y nakasisira ng magagandang ugali." 1 Corinto 15:33). 

May mahalagang aral na itinuturo sa atin ang karanasan ni Elias sa ilang. Pagkatapos ng kanyang kahangahangang tagumpay laban sa 450 propeta ni Baal sa Bundok ng Carmelo, ang kanyang kagalakan ay napalitan ng kalungkutan ng habulin siya ni Dyesebel at tumakas siya para sa kanyang kaligtasan. Ang karanasan ng pagtatagumpay ay kalimitang sinusundan ng kabiguan, depresyon at panghihina ng loob. Dapat na lagi tayong magbantay sa ganitong mga uri ng sitwasyon sa ating buhay Kristiyano. Ngunit ang ating Diyos ay tapat at hindi tayo iiwan ni pababayaan man. Ang mahinahong tunog na nagbigay ng lakas kay Elias ang siya ring magbibigay kalakasan sa atin. 

https://www.gotquestions.org


Paano nilikha ang kaluluwa ng tao?

Mayroong dalawang pananaw ang Bibliya kung paano nilikha ang kaluluwa ng tao. Ang "Traducianism" ay ang teorya na ang kaluluwa ay nilikha mula sa pisikal na magulang kasama ang pisikal na katawan. Ang mga suporta ng "Traducianism" ay ang mga sumusunod: (A) Sa Genesis 2:7, "At nilalang ng Panginoong Diyos ang tao sa alabok ng lupa, at hiningahan ang kanyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging kaluluwang may buhay." Wala ng naitala sa Banal na Kasulatan na inulit itong gawin ng Diyos. (B) Nagkaanak si Adan ayon sa kanyang wangis (Genesis 5:3). Ang anak ni Adan ay "kaluluwang may buhay" na hindi na hiningahan ng Diyos. (C) Sa Genesis 2:2-3 ay tila inihayag na tinapos na ng Diyos ang Kanyang malikhaing gawa. (D) Sakop ng kasalanan ni Adan ang lahat ng tao - pisikal at espiritwal - nararapat lamang itong sabihin kung ang katawan at kaluluwa ay mula sa mga magulang. Ang kahinaan ng "Traducianism" ay hindi malinaw kung paano ang kaluluwa mabubuo sa pamamagitan ng pisikal na pamamaraan. Ang "Traducianism" ay masasabi lamang na totoo kung hindi mapaghihiwalay ang katawan at kaluluwa. 

Ang Kreasyonismo (Creationism) ay ang paniniwala na lumilikha ng bagong kaluluwa ang Diyos sa tuwing may ipinagdadalang-tao. Ang Kreasyonismo ay pinanghahawakan ng maraming sinaunang lider ng simbahan at may mga batayan din sa Banal na Kasulatan. Una, inilahad sa Bibliya ang kaibahan ng pinagmulan ng kaluluwa sa pinagmulan ng katawan (Eclesiastes 12:7; Isaias 42:5; Zacarias 12:1; Hebreo 12:9). Ikalawa, kung ginagawa ng Diyos ang bawat kaluluwa sa tuwing ito'y kailangan, ang pagkakahiwalay ng kaluluwa at katawan ay mapagtitibay. Ang kahinaan ng Kreasyonismo ay ang pagsasabing ang Diyos ay patuloy na lumilikha ng bagong kaluluwa, samantalang isinaad sa Genesis 2:2-3 na tinapos na ng Diyos ang paglikha. Gayundin naman, mula pa ng umiral ang tao - ang kanyang katawan, kaluluwa, at espiritu - ay may bahid ng kasalanan at kung ang Diyos ay lilikha ng bagong kaluluwa para sa bawat isinisilang na tao, paanong ang kaluluwa ay nababahiran ng kasalanan?

Ang ikatlong pananaw ngunit walang batayan sa Bibliya ay ang konsepto na nilikha ng Diyos ang lahat ng kaluluwa ng tao ng sabay-sabay at isinasanib ang kaluluwa sa isang tao sa sandali ng paglilihi. Sinasabi dito na mayroong "lalagyan ng kaluluwa" sa langit kung saan inilagak ng Diyos ang mga kaluluwa na naghihintay ng katawan na sasaniban nito. Muli, ang paniniwalang ito ay walang suporta sa Bibliya at madalas na pinaniniwalaan ng mga naniniwala sa mitolohiya at "reinkarnasyon".

Alinman sa Traducianism o Creationism ang tama, kapwa ito sumasang-ayon na ang kaluluwa ay hindi umiiral bago ang paglilihi. Ito ang malinaw na katuruan sa Bibliya. Kung ang Diyos man ay gumagawa ng bagong kaluluwa sa panahon ng paglilihi, o dinisenyo ang proseso ng reproduksyon sa paglikha ng kaluluwa, ang Diyos ang Siya pa ring lumikha sa bawat kaluluwa ng tao.

https://www.gotquestions.org


Sunday, 4 June 2017

Ano nga ba ang kahulugan ng buhay?

Ano ang kahulugan ng buhay? Paano ako makakasumpong ng layunin, katagumpayan at kasiyahan sa aking buhay? Mayroon ba akong kakayahan upang punuin ang isang bagay na pangwalang hanggan? Napakaraming tao ang patuloy na hinahanap kung ano nga ba ang kahulugan ng buhay. Kanilang inaalala ang mga taong nagdaan at nagtataka sila kung bakit hindi nagtagumpay ang kanilang mga relasyon at sa wari nila'y walang saysay ang lahat ng kanilang mga nagawa, kahit naabot pa nila ang mga nais marating at matupad na pangarap. May isang sikat na manlalaro ng larong baseball na kabilang sa prestihiyosong “Hall of Fame” ng larong baseball. Tinanong siya kung ano ang nais niyang sinabi sana sa kanya bago pa man siya nagsimulang maglaro ng baseball. Sumagot siya, nais ko sanang may nagsabi sa akin noon pa, na kung maabot ko man ang tuktok ng tagumpay wala pala itong saysay. Maraming mga pangarap ang natuklasang wala palang saysay matapos ang maraming taong nasayang sa pagsusumikap upang makamit mga ito.

Sa mundo ng tao, sinisikap niya na makamit ang kanyang mga layunin at iniisip na dahil sa kanilang mga ginagawa ay masusumpungan nila ang kahulugan ng buhay. Ilan sa mga pinagsisikapang makamit ng tao ay ang tagumpay sa negosyo, pagkakamal ng maraming salapi, pagkakaroon ng mabuting relasyon, pag-aasawa at paggawa ng mabuti sa kapwa at marami pang iba. Subalit maraming tao ang nagsabing sa kabila ng nakamit na nila ang lahat ng kanilang mga pangarap, nagkamal na ng kayamanan at nagkaroon ng mabuting relasyon at nakamit ang pinapangarap na maging asawa ngunit tila mayroon pa ring kulang sapagkat may puwang sa kanilang mga puso na kailanma'y hindi kayang punan ng ano mang bagay sa sanlibutan na Diyos lamang ang tanging makapupuno.

Inilarawan ng may-akda ng Mangangaral ang kanyang nararamdaman nang kanyang sinabi na walang kabuluhan, walang kabuluhan, ang lahat ay walang kabuluhan. Ang may-akda ng aklat na ito ay isang napakayamang tao at walang katulad ang kanyang angking talino mula noong kanyang kapanahunan hanggang sa ngayon. Napakarami rin niyang naging asawa, napakaganda ng kanyang palasyo at hardin na kinainggitan ng ibang mga kaharian. Natikman rin niya ang pinakamasarap na mga alak at pagkain at naranasan ang lahat ng uri ng mapaglilibangan. Sinabi din niya na dumating siya sa punto ng kanyang buhay na lahat ng gusto ng kanyang puso kanya ng nakuha ngunit sinabi pa rin niyang ang buhay ay walang kabuluhan. Bakit may ganitong kakulangan ang tao? Sapagkat nilalang tayo ng Diyos para sa isang mas mataas na patutunguhan at ang layunin Niya sa atin ay hindi lamang para sa buhay na ito sa mundo. Sabi nga ni Solomon, inilagay ng Diyos sa puso ng tao ang pagnanasa sa walang hanggang mga bagay. Sa ating mga puso alam nating ang “Dito at Ngayon” ay hindi ang siyang kabuuan ng ating buhay. Alam nating mayroon pang mas higit dito.

Sa unang aklat ng Bibliya, ang Genesis, makikita natin na nilalang ng Diyos ang tao ayon sa Kanyang wangis (Genesis 1:26) Ang ibig sabihin nito ay mas katulad tayo sa Diyos kaysa sa ano pa mang bagay. Nalaman din nating nahulog sa kasalanan ang tao. Ang mga sumusunod ay totoo: (1) Ginawa ng Diyos ang tao na marunong makisama (Genesis 2:18-25), (2) Binigyan ng Diyos ang tao ng trabaho (Genesis 2:15), (3) Nakihalubilo ang Diyos sa tao(Genesis 3:8) at (4) Ibinigay ng Diyos sa tao ang pamamahala sa mundo. (Genesis 1:26) Ano ba ang kahalagahan ng mga nabanggit? naniniwala akong ang lahat ng ito ay ibinigay ng Diyos upang maging ganap ang kasiyahan at katagumpayan ng tao. Subalit ang lahat ding ito lalong lalo na ang pakikihalubilo ng Diyos sa tao ay naapektuhan ng mahulog ang tao sa kasalanan (Genesis 3).

Sa huling aklat ng Bibliya, ang Pahayag, sinasabi dito na sa wakas ng panahon, gugunawin ng Diyos ang kasalukuyang langit at lupa at gagawa siya ng bagong langit at bagong lupa. Sa panahong iyon, ibabalik rin niya ang pakikihalubilo Niya sa mga taong Kanyang tinubos. Ang mga taong hindi karapat-dapat ay itatapon sa lawang apoy.(Pahayag 20:11-15) At ang sumpa ng kasalanan ay mawawala na, wala na ring kasalanan, kalungkutan, karamdaman, kamatayan, gutom, sakit at lahat ng masasakit na karanasan. (Pahayag 21:4) Ang lahat ng mananampalataya ay magmamana ng lahat ng mga bagay. Ang Diyos ay maninirahang kasama nila at sila ay magiging mga anak ng Diyos. (Pahayag 21:7) Ginawa tayo ng Diyos upang makasama Siya. Nagkasala ang tao at dahil dito nasira ang relasyon natin sa Diyos, subalit ibinalik ng Diyos ang relasyong iyon sa mga taong kanyang hinirang upang sumampalataya.

Ang pagkakamit ng lahat ang kagustuhan sa lupa ngunit mamatay na hiwalay sa Diyos ay mas nakakatakot na higit sa anupamang bagay! Subalit ginawa ng Diyos na posible pang magkamit ang tao ng walang hanggang kaligayahan (Lucas 23:43) at pwede pa Niyang gawing ganap at makabuluhan ang ating buhay sa mundo. Ngayon, paano natin makakamit ang walang hanggang kasiyahan at ang katiyakan ng buhay sa langit habang tayo ay naririto pa sa lupa?

Ang Kahulugan ng Buhay na Tinubos ni Hesu Kristo

Ang totoong kahulugan ng buhay ngayon at ang buhay na walang hanggan ay matatagpuan lamang kung makakaroon muli ang isang tao ng relasyon sa Diyos. Naputol ang naturang relasyon noong nagkasala si Adan at Eba. Ngayon, ang relasyon ng tao sa Panginoon ay posibleng maibalik sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Hesu Kristo. (Gawa 4:12, Juan 14:6, Juan 1:12) Makakamit ng isang tao ang buhay na walang hanggan kung pagsisisihan niya ang kanyang mga kasalanan (Kung ayaw na niyang ipagpatuloy ang kanyang pagkakasala, at nais niyang baguhin siya ni Hesus at gawing bagong nilalang) at mananampalataya kay Hesus bilang kanyang tagapagligtas ( Tingnan ninyo ang katanungang “Ano ang Plano ng Kaligtasan” para sa karagdagang impormasyon sa napaka-importanteng isyu na ito.)

Ang totoong kabuluhan ng buhay ay hindi makakamtan kung alam lang natin na si Hesus ay ang tagapagligtas. Sa halip, ang totoong kahulugan ng buhay ay matatagpuan kung ang isang tao ay susunod kay Kristo bilang Kanyang alagad, kikilalanin Siya at magbigay ng panahon para sa Kanya at sa Kanyang Salita, Ang Bibliya. Kasama dito ang pagsamba, pasasalamat, paghingi ng tawad at pagpapaabot sa Diyos ng kahilingan sa pamamagitan ng panalangin at paglakad sa buhay na ito kasama ang Panginoon, bilang pagsunod sa kanyang kautusan.

Kung ikaw ay hindi pa mananampalataya maaaring sabihin mo sa iyong sarili na “Hindi ko iyan gusto o hindi iyan ang magdudulot ng kaganapan sa aking buhay” ngunit kung maaari ipagpatuloy mo ang iyong pagbabasa. Sinabi ni Hesus ang mga sumusunod na salita.

“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako'y maamo at mababang loob, at makasusumpong kayo ng kapahingahan para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.” (Mateo 11:28-30) “Naparito ako upang ang mga tupa'y magkakaroon ng buhay, isang buhay na ganap at kasiya-siya” (Juan 10:10b) “Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, Kung ibig ninuman na sumunod sa Akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa Akin ay siyang magkakamit noon.” (Mateo 16:24-25) Sa Diyos mo hanapin ang kaligayahan, at ang pangarap mo'y iyong makakamtan (Awit 37:4).

Ang isinasaad ng mga naturang talata ay mayroon tayong kakayahang pumili. Maaari nating ipagpatuloy na pangunahan ang ating sariling buhay (ngunit ang resulta nito ay walang saysay na buhay) o puwede nating piliin ng buong puso ang Diyos at ang kanyang kagustuhan sa ating buhay (Magreresulta ito sa buhay na ganap, katugunan sa mga hangarin ng iyong puso at pagiging kuntento sa buhay.) Mangyayari ito dahil minamahal tayo ng ating Manlilikha at ang nais Niya ay para sa ating ikabubuti. (Hindi nito ibig sabihin na wala ng problema sa buhay kung hindi isang buhay na ganap at kasiya-siya sa kabila ng mga kahirapan at mga suliranin sa buhay.)

Sa huli nais kong ibahagi ang isang kuwento mula sa isang kaibigang pastor. Kung ikaw ay mahilig manood ng laro at nagdesisyon kang pumunta at manood sa isang larong propesyonal, puwede kang magbayad ng mumurahing tiket subalit ang iyong uupuan ay napakalayo sa pinangyayarihan ng laro. O puwede ka ring magbayad ng mas mahal na tiket subalit mas malapit ka naman sa mga atleta at sa mga nangyayaring aksyon. Kagaya din ito sa ating buhay Kristiyano. Ang pagmamasid sa pagkilos ng Diyos ay hindi gawain ng mga hindi mananampalataya. Ito ay gawain ng isang taong buong pusong nananampalataya kay Hesu Kristo na tumigil na sa pagsisikap na maabot ang kanyang mga pansariling kagustuhan sa buhay, upang masunod niya ang kagustuhan ng Diyos. (Isinuko na niya ng buong puso ang kaniyang buhay kay Kristo at sa Kanyang kagustuhan). Nararanasan niya ang kaganapan ng kaniyang buhay, puwede siyang humarap sa kanyang kapwa at sa Diyos ng walang dapat ikahiya.

Isinusuko mo na ba ang iyong buhay kay Hesus at sa Kanyang kagustuhan? Nais mo bang gawin ito? kung gagawin mo ito, hindi ka na muling maghahanap pa ng kahulugan at layunin sa buhay. Sa Kanya mo matatagpuan ang isang buhay na ganap at kasiya siya.

https://www.gotquestions.org


Aklat ng 2 Samuel

Manunulat: Hindi tinukoy sa Aklat ng 2 Samuel kung sino ang manunulat. Hindi maaaring si Propeta Samuel ang sumulat dahil namatay na siya sa 1 Samuel. Ang mga posibleng sumulat nito ay si Nathan at Gad (tingnan ang Mga Cronica 29:29).

Panahon ng Pagkasulat: Sa orihinal, ang mga aklat ng 1 at 2 Samuel ay iisang aklat. Pinaghiwalay ito ng mga tagasalin ng Septuagint, at magbuhat noon ay pinanatili na ang pagkakahiwalay ng mga ito. Ang mga kaganapan sa 1 Samuel ay nangyari sa loob ng 100 taon, mula c. 1100 B.C. hanggang c. 1000 B.C. Ang mga kaganapan naman sa 2 Samuel ay nangyari sa loob ng 40 taon. Sinulat ang aklat pagkatapos ng 960 B.C.

Layunin ng Sulat: Ang aklat ng 2 Samuel ay tala ng pamumuno ni Haring David. Inilagay ng aklat na ito sa makasaysayang konteksto ang pangako ng Panginoon kay Haring David.

Mga Susing Talata: "At ang iyong sangbahayan at ang iyong kaharian ay matitiwasay magpakailan man sa harap mo: ang iyong luklukan ay matatatag magpakailan man." (2 Samuel 7:16).

"At tinakpan ng hari ang kaniyang mukha, at ang hari ay sumigaw ng malakas. Oh anak kong Absalom, Oh Absalom, anak ko, anak ko!" (2 Samuel 19:4).

"At kaniyang sinabi, Ang Panginoo'y aking malaking bato at aking katibayan, at tagapagligtas sa akin, sa makatuwid baga'y akin; Ang Diyos, ang aking malaking bato, na sa kaniya ako'y manganganlong; Aking kalasag, at siyang sungay ng aking kaligtasan, aking matayog na moog at ampunan sa akin; Tagapagligtas sa akin, ikaw ang nagliligtas sa akin sa karahasan; Ako'y tatawag sa Panginoon na karapat-dapat purihin: Sa ganya'y maliligtas ako sa aking mga kaaway" (2 Samuel 22:2-4).

Maiksing pagbubuod: Ang aklat ng 2 Samuel ay maaaring hatiin sa dalawang bahagi" ang pagtatagumpay ni Haring David (mga kabanata 1-10) at ang mga pagsubok ni David (mga kabanata 11-20). Ang huling bahagi ng aklat (mga kabanata 21-24) ay walang partikular na pagkakasunod-sunod ngunit nagtataglay pa rin ng mga karagdagang detalye tungkol sa pamumuno ni David.

Ang aklat ay nagsimula ng matanggap ni David ang balita na si Saul at ang mga anak nito ay patay na. Ipinagluksa niya ang mga nangyari. Kalaunan, si David ay kinilalang hari ng Juda, habang si Isboset, isa sa mga natitirang anak ni Saul ay kinoronahang hari ng Israel (kabanata 2). Nagkaroon ng digmaang sibil, ngunit pinatay si Isboset, at hiniling ng mga Israelita na pamunuan sila ni David (mga kabanata 4-5).

Pinalitan ni David ang kabisera, mula Hebron ay naging Jerusalem at pagkatapos ay inilipat din ang Kaban ng Tipan (mga kabanata 5-6). Ang plano ni David na magtayo ng templo sa Jerusalem ay hindi pinahintulutan ng Diyos, sa halip ay ipinangako ng Diyos kay David ang mga sumusunod: 1) Magkakaroon ng anak na lalaki si David na siyang susunod na hari pagkatapos ng kanyang pamumuno; 2) Ang kanyang anak ang magtatayo ng templo; 3) ang trono ng kaharian ni David ay itatatag magpakailanman (2 Samuel 7:4-16).

Pinamunuan ni David ang tagumpay ng Israel laban sa mga kaaway na bansang nakapaligid sa kanila. Nagpakita rin siya ng kabutihang loob sa pamilya ni Jonathan ng kanyang kunin si Mefiboset, ang lumpong anak ni Jonathan (mga kabanata 8-10).

Nahulog si David sa kasalanan. Natukso siya sa isang magandang babae na nagngangalang Bathsheba, at nagkasala siya ng pangangalunya at sadyang pagpatay ng asawa nito (kabanata 11). Nang pagsabihan ng propetang si Nathan si David tungkol sa kanyang kasalanan, kanya itong inamin agad at pinatawad siya ng Diyos. Gayon pa man, sinabi ng Panginoon kay David na magkakaroon ng malalaking pagsubok sa kanyang tahanan.

Nagsimula nga ang pagsubok, ginahasa ng panganay na anak ni David na si Amnon ang kanyang kapatid na babae sa ama na si Tamar. Bilang ganti, pianatay naman ng kapatid ni Tamar na si Absalom si Amnon. Nilisan ni Absalom ang Jerusalem sa halip na harapin ang galit ng kanyang ama. Pagkatapos, pinamunuan ni Absalom ang isang paghihimagsik laban kay David, at ang ilan sa mga dating kasamahan ni David ay umanib sa rebelyong ito (mga kabanata 15-16). Napilitan si David na lisanin ang Jerusalem, idineklara ni Absalom ang sarili bilang hari sa loob ng maiksing panahon. Subalit napabagsak din ang huwad na pinuno, at pinatay siya kahit labag sa kalooban ni David. Ipinagdalamhati ni David ang kamatayan ng anak. 

Nangibabaw ang halos walang katapusang problema sa paghahari ni David. Nagbanta ang mga Israelita ng paghiwalay sa Juda, at kinailangang sugpuin ni David ang panibagong namumuong pag-aaklas (kabanata 20).

Kabilang sa mga karagdagang pahina ng aklat ang mga kabatiran ukol sa tatlong taong ng tag-gutom sa bansa (kabanata 21), ang awit ni David (kabanata 22), talaan ng mga pagsasamantala ng mga pinakamatatapang na mandirigma ni David (kabanata 23), at mga listahan ng kasalanan ni David at mga salot na bunga ng mga ito (kabanata 24).

Mga pagtukoy kay Kristo: Makikita ang Panginoong HesuKristo sa dalawang pangunahing bahagi ng 2 Samuel. Una, ang pangako ng Diyos kay David ayon sa 2 Samuel 7:16: "At ang iyong sangbahayan at ang iyong kaharian ay matitiwasay magpakailan man sa harap mo: ang iyong luklukan ay matatatag magpakailan man." Inulit ito sa Lucas 1:3-33 sa mga salita ng anghel na nagpakita kay Maria upang ipaalam ang kanyang pagsilang kay Hesus: "Siya'y magiging dakila, at tatawaging Anak ng Kataastaasan; at sa Kaniya'y ibibigay ng Panginoong Diyos ang luklukan ni David na kaniyang ama; At Siya'y maghahari sa angkan ni Jacob magpakailan man; at hindi magkakawakas ang Kaniyang kaharian." Si Kristo ang katuparan ng pangako ng Panginoon kay David; Siya ang Anak ng Diyos na magmumula sa lahi ni David na maghahari magpakailanman.

Ikalawa, si Hesus ay nakita rin sa awit ni David sa katapusan ng kanyang buhay (2 Samuel 22:2-51). Kanyang binanggit sa awit ang kanyang "Bato, Katibayan at Tagapagligtas, ang kanyang Kanlungan at Tagapagligtas." Si Hesus ay ating Bato (1 Corinto 10:4; 1 Pedro 2:7-9), Tagapagligtas ng Israel (Mga Taga-Roma 11:25-27), ang Katibayan kung saan tayo "nangagsitakas na sumakanlong upang mangapit sa pag-asang nalalagay sa ating unahan" (Hebreo 6:18), at ang ating Tanging Tagapagligtas (Lucas 2:11; 2 Timoteo 1:10).

Praktikal na Aplikasyon: Kahit sino ay maaaring mahulog sa kasalanan. Maging ang gaya ni David, na tunay na nagnanasang sumunod sa Diyos at lubos na biniyayaan ng Diyos, ay maaaring mahulog sa tukso. Ang pagkakasala ni David ng pakikiapid kay Bathsheba ay dapat na magsilbing babala sa ating lahat na palagiang bantayan ang ating mga puso, mata at pag-iisip. Ang ating pagmamalaki sa ating kalaguang espiritwal at ang pagtitiwala natin sa ating kakayanan na labanan ang tukso sa ating sariling lakas ang unang hakbang sa pagbagsak (1 Mga Taga-Corinto 10:12).

Ang Diyos ay tunay na Maginoo at mapagpatawad maging sa pinakakasuklam-suklam na kasalanan na ating nangawa kung tunay tayong magsisisi. Gayunman, ang paghilom ng sugat na dulot ng kasalanan ay hindi laging nabubura ang pilat. Ang kasalanan ay may likas na bunga, matapos patawarin si David ng Diyos, kanyang inani ang kanyang itinanim. Ang kanyang anak sa asawa ng iba ay kinuha sa kanya ng Panginoon (2 Samuel 12:14-24) at naghirap ang kanyang kalooban dahil sa pagkasira ng kanyang relasyon sa kanyang Ama sa langit (Mga Awit 32 and 51). Hindi ba'y mas mabuting umiwas sa kasalanan sa umpisa pa lamang, sa halip na magdusa at humingi ng kapatawaran pagkatapos? 

https://www.gotquestions.org


The Bible prophesy a one-world government and a one-world currency in the end times.

The Bible does not use the phrase "one-world government" or "one-world currency" in referring to the end times. It does,...