"Ang aming kasagutan sa katanungang ito ay hindi lamang nagpapakita kung ano ang aming pananaw sa Bibliya at ang importansiya nito sa aming buhay kundi kung paano din na mayroon itong walang kapantay na halaga para sa amin. Kung ang Bibliya ay totoong Salita ng Diyos, samakatuwid kinakailangan natin itong pagaralan, sundin at pagtiwalaan. Kung ang Bibliya ay totoong Salita ng Diyos, nangangahulugan na hindi natin tinatanggap ang Diyos kung hindi natin ito tatanggapin.
Ang katotohanang binigyan tayo ng Diyos ng Bibliya kung saan ipinasulat Niya ang Kanyang mga Salita ay isang ebidensya ng pagpapadama Niya sa atin ng Kanyang pag-ibig. Ang ibig sabihin ng salitang “Pahayag” ay ang pagpapaunawa ng Diyos sa sangkatauhan kung sino Siya at kung papaano tayo magkakaroon ng tamang relasyon sa Kanya. Ang mga bagay na ito ay hindi natin malalaman kung hindi ito inihayag sa atin ng Diyos sa Bibliya. Kahit na inihayag ng Diyos sa progresibong paraan ang Kanyang sarili sa Bibliya sa loob ng humigit kumulang isanlibo at limang daang (1,500) taon, naglalaman pa rin ito ng lahat na kinakailangan na malaman ng tao patungkol sa Diyos upang magkaroon siya ng tamang relasyon sa Kanya. Kung ang Bibliya ay totoong Salita ng Diyos, samakatuwid ito ang pinakamataas na awtoridad sa lahat ng bagay na may kinalaman sa pananampalataya, relihiyon at moralidad.

