Ang pagiging magulang ay maaaring
isa sa pinakamahirap na hamon sa isang mananampalataya, ngunit ito rin ay
maaaring ang pinakamapagpala at pinakamatagumpay na bagay na ating magagawa.
Ang Bibliya ay nagtataglay ng maraming katuruan kung paano tayo magiging
matagumpay sa pagpapalaki sa ang ating mga anak upang sila ay maging mga lalaki
at babae ng Diyos. Ang pinakaunang bagay na kailangan nating ituro sa kanila ay
ang katotohanan patungkol sa Salita ng Diyos.
Kaalinsabay ng pagmamahal sa
Diyos at pagiging mga maka-Diyos na halimbawa sa pamamagitan ng pagtatalaga ng
ating sarili sa Kanyang mga utos, kailangan nating sumunod sa ipinag-uutos ng
Deuteronomio 6: 7-9 patungkol sa pagtuturo sa ating mga anak . Ang mga talatang
ito ay nagbibigay-diin sa patuloy na pagtuturo ng Salita ng Diyos sa ating mga
anak sa lahat ng pagkakataon. Ito ay dapat na itinuturo sa lahat ng panahon -
sa tahanan o sa kalsada man, sa araw at gabi. Sinasabi ng Bibliya na
kinakailangang ang Salita ng Diyos ang maging panuntunan sa ating mga tahanan.
Sa ating pagsunod sa mga tuntunin at sa mga kautusan ng Bibliya, itinuturo
natin sa ating mga anak na ang pagsamba sa Dios ay sa tuwina hindi lamang
tuwing Linggo ng umaga o sa mga sama-samang pananalangin.
Kahit ang ating mga anak ay maraming
natututunan mula sa ating pagtuturo, mas marami silang natututunan sa
pagmamasid sa atin. Ito ang dahilan kung bakit kailangan tayong maging maingat
sa lahat ng ating mga kilos at ginagawa. Kailangan muna nating kilalanin ang
mga tungkuling iniatang ng Diyos sa atin. Ang asawang lalaki at asawang babae
ay dapat na may paggalang at pagpapasakop sa isa't isa (Efeso 5:21). Kaugnay
nito, itinatag ng Dios ang linya ng pamamahala upang mapanatili ang kaayusan sa
tahanan. "Ngunit nais kong maunawaan ninyo na si Kristo ang nakakasakop sa
bawat lalaki, ang lalaki ang nakakasakop sa kanyang asawa, at ang Diyos naman
ang nakakasakop kay Kristo" (1 Corinto 11:3). Nalalaman natin na si Kristo
ay hindi mas mababa kaysa Diyos, tulad sa asawang babae na hindi mas mababa
kaysa asawang lalaki. Gayunman, kinikilala ng Diyos na kung walang pagpapasakop
sa namamahala ang tahanan ay walang kaayusan. Ang tungkulin ng asawang lalaki
bilang ulo ng sambahayan ay ibigin ang asawang babae tulad ng pag-ibig niya sa
kanyang sarili tulad ng paghahandog ni Kristo ng kanyang sariling buhay dahil
sa Kanyang pagibig sa iglesia (Efeso 5: 25-29).
Ang pagdidisiplina at pagtuturo
ay mga mahalagang sangkap ng pagiging magulang. Ayon sa Kawikaan 13:24,
"Mapagmahal na magulang, anak ay dinidisiplina, anak na di napapalo, hindi
mahal ng magulang." Ang mga anak na lumaki sa sambahayang walang disiplina
ay nakadarama na hindi sila tinatanggap at hindi sila karapatdapat sa kanilang
tahanan. Kulang sila ng gabay at pagpipigil sa sarili, at habang sila ay
nagkaka-edad sila ay magiging palaban at may kaunti o walang paggalang sa ano
mang uri ng kapangyarihan, kasama na ang Dios. "Ituwid mo ang iyong anak
habang may pagkakataon pa, kung hindi’y ikaw na rin ang nagtulak sa pagkawasak
niya" (Kawikaan 19:18). Ang pagdidisiplina ay kailangang tapatan ng
pag-big, kung hindi, lalaki ang mga anak na may hinanakit, mahina ang loob at
mapaghimagsik (Colosas 3:21). Kinikilala ng Dios na ang pagdidisiplina ay
masakit habang ito ay inilalapat (Hebreo 12:11), subalit kung ito ay natutukan ng
may mapagmahal na pagtuturo, pambihirang kabutihan ang maidudulot nito sa bata.
"Mga magulang, huwag kayong gumawa ng mga bagay na ikagagalit ng inyong
anak. Sa halip, palikihin ninyo sila ayon sa disiplina at katuruan ng
Panginoon" (Efeso 6:4).
Mahalaga na isali ang mga anak sa
gawain at ng iglesya habang sila ay bata pa. Laging dumalo sa isang iglesya na
naniniwala sa Bibliya (Hebreo 10:5), hayaan mong makita ka nila na nag-aaral ka
ng Salita ng Diyos at mag-aral ka na kasama sila. Pag-usapan ang kanilang
pananaw sa mundo at turuan sila patungkol sa kaluwalhatian ng Diyos sa
pang-araw araw na buhay. "Ituro sa bata ang daang dapat niyang lakaran, at
hanggang sa paglaki"y di niya ito malilimutan" (Kawikaan 22:6). Ang
pagiging mabuting magulang ay patungkol sa pagpapalaki ng mga anak na susunod
sa iyong halimbawa sa iyong sariling pagsunod at pagsamba sa Dios
No comments:
Post a Comment