Tuesday, 7 November 2017

Ang Bibliya ba ay isa lamang kathang isip?

Hindi na bago ang paratang na ang Bibliya ay isa lamang kathang isip o aklat ng mga kuwentong kathang isip. Walang duda na ang Bibliya ang pinakamakapangyarihang aklat na dumating sa mundo na bumago ng hindi mabilang na buhay ng tao. Bakit ngayon pagdududahan kung ang Bibliya ay isa lamang kathang isip o isang lehitimong aklat sa puso ng maraming tao? 

Mula sa aklat ng Genesis hanggang sa aklat ng Pahayag, mababasa natin ang kuwento ng walang hanggang plano ng Diyos upang tubusin ang isang makasalanang mundo. Dahil ang Diyos ang totoong may akda nito, ang Bibliya ang pinakadakilang likha sa literatura at sa pagdaan ng panahon, napakaraming tao ang ginugol ang kanilang buhay sa pagpapahayag ng katotohanan nito. Sa katotohanan, marami na ang nagbuwis ng kanilang buhay, upang mapasakamay lamang ng iba ang kopya ng mga pahina nito. Gayunman, walang ibang aklat sa kasaysayan ang brutal na inatake gaya ng Bibliya. Ito ay ipinagbawal, sinunog, tinuya, pinagtawanan at siniraan. Marami ang pinatay dahil lamang sa simpleng pagtataglay ng Bibliya. Ngunit nagpapatuloy pa din ang ideya na isa lamang itong kathang isip. 

Binubulag ng prinsipe ng sanlibutang ito ang isip ng mga tao upang hindi nila makita ang katotohanan ng Bibliya mula pa sa simula. Inumpisahan niya ang kanyang gawain sa mundo ng ng pagdudahin niya ang unang tao tungkol sa katotohanan ng Salita ng Diyos (Genesis 3:1-5), at ginagawa na niya ito magmula pa noon. Kahit saan tayo tumingin, nagkalat ang maling katuruan – sa telebisyon, sa radyo, sa mga aklat at pahayagan, sa ating mga paaralan at unibersidad at nakalulungkot na maging sa maraming iglesya at mga Kristiyanong kolehiyo, mga lugar na dapat sana’y masigasig na itinuturo at ipinagtatanggol ang Salita ng Diyos. Nang ituro sa ating mga anak na ang ating mga ninuno ay dating hayop na gumapang mula sa dagat bilyong taon na ang nakakaraan, hindi ba’t hinahayaan natin na ituring ng ating mga anak na ang paglikha ng Diyos kina Adan at Eba ay kathang isip lamang? Ito rin ang nangyayari sa tuwing sinasabi ng mga siyentipiko at ng mga ateistang propesor na sinasayang lamang natin ang ating sarili sa paghahanap sa “maalamat” na arko ni Noe. 
Sa katotohanan, sa tuwing hinahayaan ng marami sa iglesya ang mundo ng akademya na bigyan ng bagong pakahulugan ang aklat ng Genesis upang pakibagayan ang modernong katuruan ng ebolusyon, ipinararating natin sa mundo na ang kahulugan ng Bibliya ay hindi ayon sa literal na pagpapakahulugan nito sa kanyang sarili. Sa tuwing itinuturing ng mga naturalista na ang mga supernatural na pangyayari sa Bibliya ay hindi literal kundi pigura lamang ng pananalita, ito ang dahilan kung bakit nagdududa ang mga hindi nag-aral ng Bibliya sa katotohanan nito. Para sa mga hindi tinatanggap ang katotohanan ng Bibliya, paano sila maniniwala na totoong may isang asno na pinagsalita ng Diyos o may isang tao na nilunok ng isang dambuhalang isda at pagkatapos ay iniluwa sa isang dalampasigan o may isang babae na naging haliging asin? 

Gayunman, tiyak na tiyak na hindi lamang kathang isip ang Bibliya. Sa katotohanan, ang Bibliya ay “hiningahan ng Diyos” (2 Timoteo 3:16) at nangangahulugan ito na ang Diyos mismo ang may akda nito. Ang mga taong sumulat nito ay mula sa Diyos at sumulat sila sa gabay ng Banal na Espiritu (2 Pedro 1:21). Ito ang dahilan kung bakit ang halos milyong salita na nakasulat dito ay perpektong nagkakaisa mula sa simula hanggang sa katapusan. Walang kahit anong pagkakasalungatan sa aklat na ito kahit na ang animnapu’t anim na aklat nito ay sinulat ng apatnapung (40) manunulat at nakumpleto sa loob ng isanlibo at anim na raang (1,600) taon. Paano magiging posible na magkakaroon tayo ng ganitong kahanga-hangang pagkakaisa ng mensahe kung hindi dahil sa paggabay ng Diyos sa mga manunulat? Hindi hahayaan ng makatarungang Diyos na magpasulat ng isang salaysay na may kamalian. Hindi tatawaging “banal at totoo” ng isang makatarungang Diyos ang isang Kasulatan na puno ng pagkakamali. Hindi sasabihin ng isang mahabaging Diyos na ang Kanyang salita ay perpekto kung hindi ito totoo, at kayang kaya ng isang Diyos na walang hanggan ang kaalaman na ipasulat ang Kanyang salita na mananatiling angkop sa kalagayan ng lahat ng tao sa lahat ng panahon. 

Muli at muli, pinatunayan ng biolohiya, geolohiya at astronomohiya ang katotohanan ng Bibliya. At bagamat hindi laging sumasang-ayon ang Bibliya sa teorya ng mga naturalista, hindi ito sumasalungat sa anumang totoong tuklas at mga napatunayan na ng siyensya. Sa arkelohiya, nagdala ang nagdaang isang daang (100)taon ng liwanag sa mga Biblikal na katotohanan na kinukwestyon at pinagduduhan ng mga iskolar sa loob ng maraming siglo, gaya ng balumbon ng kasulatan na natagpuan malapit sa Dagat na Patay, ang mga bato na kinasusulatan ng mga tatak ng “Bahay ni David,” ang isang amulet na tinatayang ginawa noong ikapitong siglo na nagtataglay ng pangalan ng Diyos, at ng baton na kinasusulatan ng pangalan at titulo ni Pontio Pilato, ang gobernador sa Judea na nagpataw ng parusang kamatayan kay Hesu Kristo. Walang duda na ang Bibliya ay isang dokumentong napatunayang totoo mula pa noong sinaunang mundo na may mahigit sa dalawampu’t apat (24,000) na libong buo o piraso ng Biblikal na manuskrito. Walang ibang dokumento mula sa sinaunang panahon na may katumbas na dami ng ebidensya upang patunayan ang pagiging katiwa-tiwala nito gaya ng Bibliya. 

Ang isa pang patunay na ang Diyos ang may-akda ng Bibliya ay ang napakaraming bilang ng mga detalyadong hula na natupad ng eksakto gaya ng pagkahula. Halimbawa, ang hula tungkol sa pagpapapako kay Hesu Kristo sa krus na inihula halos isanlibong taon bago iyon mangyari (Awit 22) at bago pa naimbento ang ganitong uri ng paglalapat ng parusang kamatayan! Sa isang simpleng salita, imposible para sa mga tao na makita ang napakalayong hinaharap ng may eksaktong katuparan ng daan-daang beses. Hindi ilohikal na paniwalaan na ang mga naganap na hula ay gawa ng Diyos. Kahanga-hanga na sinasabi ng mga eksperto sa probabilidad na ang pigura sa Matematika para lamang sa apatnapu’t walong (48) hula tungkol sa isang tao na nagkatotoo ay isa sa 10 na may isandaan at limamput pitong zero (1 in 10 to the 157th power)!

Ngunit ang pinakamalaking katibayan na hindi lamang kathang isip ang Bibliya ay ang hindi mabilang na buhay na binago nito. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, pinapaging banal nito ang milyun-milyong makasalanan, pinagaling ang mga durugista, binago ang mga bakla at tomboy at mga iresponsable, mga tamad at ang mga pusakal na kriminal, sinaway ang mga makasalanan, at pinalitan ng pag-ibig ang pagkamuhi. Walang parehong epekto sa kaluluwa ng tao ang pagbabasa ng mga kathang isip gaya ng “Cinderella” o “Snow White and the Seven Dwarfs.” Nagtataglay ang Bibliya ng kapangyarihang magbago ng puso at buhay ng tao at naging posible ito dahil tunay na ito ang Salita ng Diyos. 

Sa liwanag ng mga naunang pahayag, ang mas malaking tanong ngayon ay, paanong hindi maniniwala ang isang tao sa mga kapani-paniwala, walang kamalian, at mga salitang hiningahan ng Diyos at mga katotohanan na bumabago sa buhay ng tao? Sa kasamaang palad, napakadali ng sagot. Sinabi ng Diyos na kung hindi natin bubuksan ang ating puso sa Kanya, hindi Niya imumulat ang ating mga mata sa katotohanan. Ipinangako ni Hesus na tuturuan tayo ng Banal na Espiritu (Juan 14:26) at gagabayan sa lahat ng katotohanan (Juan 16:13). At ang katotohanan ay matatagpuan sa Salita ng Diyos (Juan 17:17). Kaya nga para sa mga sumasampalataya, ang mga Salita ng Diyos ay buhay ngunit para sa hindi nagtataglay ng Espiritu, ang mga katotohanan ng Bibliya ay isa lamang kahangalan.

https://www.gotquestions.org

No comments:

The Bible prophesy a one-world government and a one-world currency in the end times.

The Bible does not use the phrase "one-world government" or "one-world currency" in referring to the end times. It does,...