Tuesday 28 November 2017

Ano ang ilang modernong anyo ng pagsamba sa diyus diyusan?

Ang lahat ng anyo ng modernong pagsamba sa diyus diyusan ay iisa ang sentro: ang sarili. Maraming tao ang hindi na yumuyukod sa mga rebulto at imahe. Sa halip sinasamba natin ang altar ng ating sarili na siya nating dinidiyos. Ang makabagong diyus diyusang ito ay may iba’t ibang anyo. 

Una, sumasamba tayo sa altar ng materyalismo, na isinusulong ang pagtataas ng ating ego sa pamamagitan ng pagkakaroon ng maraming pagaaring materyal. Ang ating mga tahanan ay punong puno ng iba’t ibang uri ng ari arian. Nagtatayo tayo ng malalaking mga bahay na may malalaking imbakan at espasyo upang paglagyan ng lahat ng mga bagay na ating binibili na karamihan ay hindi pa ganap na nababayaran. Ang ating mga ari arian ay madaling lumilipas at nagiging walang kabuluhan paglipas lamang ng napakaiksing panahon kaya’t dinadala na lamang natin ang mga ito sa ating garahe o bodega. Pagkatapos, nagmamadali tayong bibili na naman ng bagong gamit, damit at gadget at maguumpisa na naman ang buong proseso. Ang hindi napapawing pagnanais para sa mga bagong gamit, o gadget ay isang pagiimbot. Sinasabi sa ika-sampung utos ng Diyos na hindi tayo dapat mahulog sa kasalanan ng pagiimbot: “Huwag pagiimbutan ang bahay ng iyong kapwa. Hindi mo dapat na pagnasaan ang asawa ng iyong kapwa, o ang kanyang mga aliping lalaki o aliping babae, o anumang bagay na pagaari ng iyong kapwa” (Exodo 20:17). Alam ng Diyos na hindi tayo magiging maligaya sa mga bagay na materyal. Ang materyalismo ay bitag ni Satanas upang ituon natin ang ating atensyon sa ating sarili sa halip na sa Diyos. 

Ikalawa, sumasamba tayo sa altar ng pagpapahalaga sa ating sarili. Ito ay makikita sa tuwina sa anyo ng trabaho at okupasyon. Milyun milyong lalaki at dumaraming mga babae ang gumugugol ng 60 hanggang 80 oras kada linggo sa pagtatrabaho. Kahit na tuwing Sabado at Linggo o maging bakasyon, buhay ang ating mga laptop at abala ang ating isipan kung paano magiging mas matagumpay ang ating mga negosyo, kung paano tataas ang ating ranggo sa trabaho, kung paano lalaki ang suweldo o kung paano isasarado ang isang usapan sa negosyo habang ang ating mga anak ay umaamot ng ating atensyon at pagmamahal. Dinadaya natin ang ating mga sarili na ginagawa natin ang lahat ng ito para sa kanila upang mabigyan sila ng mas magandang buhay. Ngunit ang katotohanan ay ginagawa natin ang lahat para sa ating sarili upang tumaas ang ating pagtingin sa ating sarili at tumaas ang pagtingin ng mundo sa atin at maging matagumpay tayo sa paningin ng lahat ng tao. Ito ay isang kahangalan. Ang lahat ng ating tagumpay at paghihirap ay walang silbi pagkatapos nating mamatay, maging ang paghanga ng sanlibutan dahil ang mga bagay na ito ay walang kabuluhan sa walang hanggan. Gaya ng sinabi ni Haring Solomon, “Sapagka't may tao, na ang gawa ay sa pamamagitan ng karunungan, at ng kaalaman, at ng kabihasnan; gayon ma'y sa tao na hindi gumawa niyaon ay iiwan niya na pinakabahagi niyaon. Ito man ay walang kabuluhan at malaking kasamaan. Sapagka't ano ang tinatamo ng tao sa lahat niyang gawa, at sa nais ng kaniyang puso na kaniyang iginawa sa ilalim ng araw? Sapagka't lahat niyang kaarawan ay mga kapanglawan lamang, at ang kaniyang pagdaramdam ay hapis; oo, pati sa gabi ay hindi nagpapahinga ang kaniyang puso. Ito man ay walang kabuluhan” (Mangangaral 2:21-23). 

Ikatlo, dinidiyos natin ang sanlibutan – at ang ating sarili – sa pamamagitan ng siyensya at natural na pamamaraan. Nagbibigay ito sa atin ng ilusyon na tayo ang panginoon ng ating sariling mundo at ito ang nagpapalaki ng pagtitiwala natin sa ating sarili at inaakala natin na kapantay na tayo ng Diyos. Tinatanggihan natin ang Salita ng Diyos at ang paglalarawan kung paano Niya nilikha ang mga langit at lupa at tinatanggap natin ang walang kabuluhang teorya ng ebolusyon at naturalismo. Niyayakap natin ang diyus diyosan ng kapaligiran at dinadaya ang ating sarili sa pagiisip na kaya nating pangalagaan ang mundo sa kabila ng katotohanan na itinakda na ng Diyos ang wakas ng sangnilikha at sinabi na Niya sa Kanyang salita na tatagal lamang ito hanggang sa katapusan ng mga panahon. Sa panahong iyon, wawasakin Niya ang lahat ng Kanyang nilikha at gagawa Siya ng bagong langit at bagong lupa. “Datapuwa't darating ang araw ng Panginoon na gaya ng magnanakaw; na ang sangkalangitan sa araw na iyan ay mapaparam na kasabay ng malaking ugong, at ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay pawang masusunog. Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay mapupugnaw ng ganito, ano ngang anyo ng mga pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na pamumuhay at pagkamaawain, na ating hinihintay at pinakananasa ang pagdating ng kaarawan ng Dios, na dahil dito'y ang sangkalangitan na nagniningas ay mapupugnaw, at ang mga bagay sa langit ay matutunaw sa matinding init? Nguni't, ayon sa kaniyang pangako, ay naghihintay tayo ng bagong langit at ng bagong lupa, na tinatahanan ng katuwiran” (2 Pedro 3:10-13). Gaya ng maliwanag na itinuturo ng bahaging ito ng Kasulatan na ang ating atensyon ay hindi dapat nakatuon sa pagsamba sa kalikasan at sa ating sarili kundi sa pamumuhay ng may kabanalan habang naghihintay tayo sa pagbabalik ng ating Panginoon at Tagapagligtas. Siya lamang ang karapatdapat sa ating pagsamba. 

Panghuli at maaaring ang pinaka mapangwasak sa lahat, sumasamba tayo sa altar ng makasariling kasiyahan habang hindi binibigyang pansin ang kagustuhan at pangangailangan ng iba. Ito ay makikita sa pagkagumon sa alak, droga at pagkain. Ang mga nasa mayayamang bansa ay may kakayahan na makamtan ang lahat ng bagay na nagpapalimot sa tao sa Diyos gaya ng alak at gamot (maging sa mga bata) at pagkain. Ito ang dahilan ng sobrang katabaan, diabetes at iba pang karamdaman. Ang pagpipigil sa sarili na lubhang ating kailangan ay nagagapi ng ating pagnanais na kumain, uminom at gamutin ang sarili. Nilalabanan natin ang anumang pagnanais na pigilan ang ating ganang kumain at determinado tayong gawing diyos ang ating sarili. Ang ganitong pagiisip ay nag-ugat sa Hardin ng Eden kung saan tinukso ni Satanas si Eba na kumain ng bunga ng punong kahoy na nagbibigay ng kaalaman sa mabuti at masama sa pamamagitan ng pananalitang “magiging gaya kayo ng Diyos” (Genesis 3:5). Ito ang pinakakanais ng tao sa simula pa – ang maging diyos. Ang pagsambang ito sa sarili ay ang basehan ng lahat ng uri ng modernong pagsamba sa diyus diyusan. 

Sa kaibuturan ng pagsamba sa sarili ay ang tatlong pita na matatagpuan sa 1 Juan 2:16: “Sapagka't ang lahat na nangasa sanglibutan, ang masamang pita ng laman at ang masamang pita ng mga mata at ang kapalaluan sa buhay, ay hindi mula sa Ama, kundi sa sanglibutan.” Kung tatakasan natin ang makabagong pagsamba sa diyus diyusan, kailangan nating aminin na ito ay karaniwan sa ngayon at tanggihan ang lahat ng anyo nito. Hindi ito sa Diyos kundi kay Satanas. Ang kasinungalingan na ang pagibig sa sarili ang magbibigay sa atin ng kasiyahan ay ang parehong kasinungalingan na sinabi ni Satanas sa sangkatauhan mula ng una siyang magsinungaling kina Adan at Eba. Nakalulungkot na patuloy pa rin tayong bumabagsak sa mga kasinungalingang ito. Ang higit na nakalulungkot ay maraming Iglesya ngayon ang nagpapakalat ng ganitong pilosopiya sa pamamagitan ng pangangaral ng Ebanghelyo ng kalusugan at kayamanan na nakatatag sa diyus diyusan ng pagibig sa sarili. Ngunit hindi natin matatagpuan ang kasiyahan kung pagtutuunan natin ng pansin ang ating mga sarili. Ang ating puso at isip ay dapat na nakatuon sa Diyos una sa lahat. Ito ang sinabi ng Panginoong Hesus ng tanungin Siya kung ano ang pinakadakilang utos, “At sinabi sa kaniya, ibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo” (Mateo 22:37). Kung iniibig natin ang Diyos ng lahat ng mayroon tayo, walang puwang sa ating puso ang pagsamba sa diyus diyusan. 



No comments:

The Bible prophesy a one-world government and a one-world currency in the end times.

The Bible does not use the phrase "one-world government" or "one-world currency" in referring to the end times. It does,...