Thursday 22 February 2018

Mararamdaman ba ng isang mananampalataya ang Banal na Espiritu?

Habang ang ilang ministeryo ng Banal na Espirtiu ay may kasamang pakiramdam, gaya ng pagsumbat sa kasalanan, pagbibigay kaaliwan at pagbibigay ng kalakasan, hindi itinuturo ng Banal na Kasulatan na ibase natin ang ating relasyon sa Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pakiramdam. Ang bawat isang mananampalataya na isinilang na muli ay pinananahanan ng Banal na Espiritu. Sinabi sa atin ni Hesus na kung dumating ang Mangaaliw, Siya ay tatahan sa atin at sasaatin. “At ako'y dadalangin sa Ama, at kayo'y bibigyan niya ng ibang Mangaaliw, upang siyang suma inyo magpakailan man, Sa makatuwid baga'y ang Espiritu ng katotohanan: na hindi matatanggap ng sanglibutan; sapagka't hindi nito siya nakikita, ni nakikilala man siya: Siya'y nakikilala ninyo; sapagka't siya'y tumatahan sa inyo, at sasa inyo (Juan 14:16-17). Sa ibang salita, ipinadala sa atin ni Hesus ang Isang gaya Niya upang makasama natin at sumaatin.

Alam natin na ang Banal na Espiritu ay nasa atin dahil tinitiyak ito sa atin ng Salita ng Diyos. Ang bawat mananampalataya na isinilang na muli ay tinatahanan ng Banal na Espiritu, ngunit hindi lahat ng mananampalataya ay kinokontrol ng Banal na Espiritu at ito ang pagkakaiba. Sa tuwing namumuhay tayo ayon sa laman, hindi tayo nagpapakontrol sa Banal na Espiritu kahit na pinapanahanan pa rin Niya tayo. Ibinigay ni Pablo ang kanyang saloobin sa katotohanang ito at gumamit siya ng isang ilustrasyon upang tulungan tayong maunawaan ito. “At huwag kayong magsipaglasing ng alak na kinaroroonan ng kaguluhan, kundi kayo'y mangapuspos ng Espiritu” (Efeso 5:18). Maraming nagpapaliwanag sa talatang ito ang nagsasabi na itinuturo ni Pablo na hindi dapat uminom ng alak. Ngunit ang konteksto ng talatang ito ay ang pamumuhay sa Espiritu at ang pakikibakang espiritwal ng isang mananampalataya na puspos ng Banal na Espiritu. Kaya nga may higit pang kahulugan ang talatang ito kaysa sa sobrang paginom lang ng alak.

Kapag lasing ang isang tao, makikita sa kanya ang ilang katangian: naaasiwa siya, nauutal, at nawawala sa sarili. May pagkukumparang ginawa si Pablo sa talatang ito, gaya ng makikilala ang isang tao kung siya ay lasing dahil sa mga katangian na nakikita sa kanya, gayundin naman, makikilala ang isang taong kinokontrol ng Banal na Espiritu dahil sa mga katangian na makikita sa Kanya. Mababasa natin sa Galacia 5:22-24 ang mga bunga ng Espiritu. Ang mga bungang ito ng Espiritu ay resulta ng pagpapakontrol sa Banal na Espiritu ng isang mananampalataya.

Ang pandiwa na ginamit sa Efeso 5:18 ay nangangahulugan ng isang patuloy na proseso ng pagpapakontrol sa Espiritu Santo. Dahil ito ay isang payo, nangangahulugan na posible para sa isang mananampalataya na hindi makontrol ng Espiritu. Binabanggit sa mga huling talata sa Efeso 5 ang mga katangian ng isang mananampalatayang kontrol ng Banal na Espiritu. “Na kayo'y mangag-usapan ng mga salmo at mga himno at mga awit na ukol sa espiritu, na nangagaawitan at nangagpupuri sa inyong mga puso sa Panginoon; na kayo'y laging magpasalamat sa lahat ng mga bagay sa Pangalan ng ating Panginoong Jesucristo sa Diyos na ating Ama; na pasakop kayo sa isa't isa sa takot kay Cristo” (Efeso 5:19-21).

Sa huli, hindi din natin maitatanggi na minsan ay napupuspos tayo ng presensya at kapangyarihan ng Espiritu, at ito ay isang emosyonal na karanasan. Kung nangyayari ito, nakakaranas tayo ng walang kapantay na kagalakan. “Nagsayaw si David ng buong lakas” (2 Samuel 6:14) ng dalhin nila ang Kaban ng Tipan sa Jerusalem. Ang karanasan ng kagalakan sa Espiritu ay sanhi ng ating pagkaunawa na tayo ay pinagkalooban ng Diyos ng Kanyang walang kapantay na biyaya. Kaya nga, ang ministeryo ng Banal na Espiritu ay parehong may kasamang pakiramdam at emosyon. Gayundin naman, hindi natin dapat ibase sa ating emosyon at pakiramdam lamang ang katiyakan ng pananahan sa atin ng Banal na Espiritu.


No comments:

The Bible prophesy a one-world government and a one-world currency in the end times.

The Bible does not use the phrase "one-world government" or "one-world currency" in referring to the end times. It does,...