Monday, 5 February 2018

Secured ka na ba?

Laganap sa panahon natin ngayon ang iba’t ibang negosyo serbisyo na nagbibigay ng seguridad (security) sa mga tao. Tulad halimbawa ng mga security guards, naririyan sila upang mabantayan ang ating mga ari-arian maging ng ating mga sarili laban sa masasamang elemento katuwang pa ang matang robot na CCTV. 

Syempre kasama na rin dyan ang  mga institusyon sa ating bayan, ang mga kapulisan at kasundaluhan natin. Kahit ang mga mananakay nakasiguro din ang kanilang buhay na kung sakaling magkaroon ng sakuna (wag naman sanang mangyari) makakatanggap sila ng compensation o bayad para sa kanilang buhay at ari-arian. 

Ang SSS, GSIS, PAG-IBIG at ilan pang katulad nito financial security ang kanilang inaalok kasama na ang pabahay nang sa kanyang pagtanda pensionado sya at hindi manglilimos pagdating ng araw.

Sumasabay na nakikipagpaligsahan din ang pagsisiguro sa  pagpapalibing sa oras na magwakas  ang buhay ng tao dito sa mundo, bagama’t wala nang dapat pang alalahanin ang isang patay dahil patay na sya at least ang kanyang maiiwang mga mahal sa buhay ay hindi magmumukhang hilong talilong kakaikot para sa magagastos ng kanyang burol.

Hindi ako tutol sa magagandang programang ito na inaalok sa atin ng mga negosyong serbisyo. Bagkus nakakatulong pa nga itong lahat sa atin,  'yun nga may katumbas ito ng ating commitments sa paghulog o pagbabayad ng kontribusyon.

Bakit nga ba naka-embed  (tuhog) ang pag-iisip natin na dapat secured tayo sa lahat ng bagay? Ang katotohanan dito ‘sang bakol na duwag ang tao. Marami syang kinatatakutan, maraming BAKA sa kanya puso at isipan. Baka mawala ang aking pinaghirapan, baka mawalan ako ng trabaho, baka maagaw sa akin ang pwestong ito, baka hindi ako umasenso, baka pumalpak ang mga proyekto ko, baka iwanan ako ng mga kaibigan at mahal ko sa buhay dahil natatakot kang mag-isa.

Tandaan natin na ang lahat ng inaalok na serbisyong pagsiseguro ay  nai-expire. May hangganan ang lahat. Subalit ang ibinibigay na security ng Panginoong Jesus sa atin ay magpasawalanghanggan. Alam ng Diyos na takot ang tao magdusa, maghirap, magkasakit, mamatay at mawalan. Hindi kaylan man ginusto Niya na mangyari ang lahat ng ito sa atin. Bagkus nagpadala siya sa atin ng solusyon dili’t iba kundi ang Kanyang bugtong na anak na si Jesus.

Juan 15:5  Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga: Ang nananatili sa akin, at ako'y sa kaniya, ay siyang nagbubunga ng marami: sapagka't kung kayo'y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa.

Sinabi ni Jesus na ikaw ay “magbubunga ng marami” isipin mo na ngayon kaibigan ang lahat ng mga bagay na gusto mong dumami sa iyong buhay materyal o espiritwal man. Lahat ng iyon ay hindi Nya ipagkakait dahil nakaugpong ka sa Kanya. Ito ang seguridad na inaalok sa atin ni Jesus dapat nakaugpong ka sa Kanya. Wala itong expiration at libreng inaalok. Ang tanging contribution mo lamang ay  dapat nakaugpong ka sa Kanya.

Palibhasa maraming tao ang hindi nakaugpong kay Kristo tambak-tambak ang kanyang mga alalahanin sa buhay. Gustong pumasok sa pintuan ng oportunidad ayaw kumatok para mapagbuksan, may nawawalang mahalaga sa kanyang buhay ayaw hanapin kahit nasa paligid lang pala. Ibig magkaroon ng mga mabubuting bagay na pwedeng hingin ayaw humingi. Bakit? Dahil sa insecurities… natatakot na baka hindi pagbuksan, natatakot na baka hindi mabigyan… natatakot na baka hindi matagpuan sayang lang ang effort.

Mateo 7:7-11  Magsihingi kayo, at kayo'y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo'y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo'y bubuksan: Sapagka't ang bawa't humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakasusumpong; at ang tumutuktok ay binubuksan. O anong tao sa inyo, ang kung siya'y hingan ng tinapay ng kaniyang anak, ay bato ang ibibigay; O kung hingan siya ng isda, ay bibigyan niya ng ahas? Kung kayo nga, bagaman masasama ay marurunong mangagbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit na magbibigay ng mabubuting bagay sa nagsisihingi sa kaniya?

Resulta, gumigilid na lamang ang tao sa isang tabi na parang talangka at nagtatyaga sa kanyang walang kapangyarihang defense mechanism. Doon na manganganak ang pride of illusion meaning: “it looks like” may trick kumbaga sa magic nagmumukhang totoo, mukhang matagumpay, mukhang kuntento, mukhang maligaya at mukhang masarap ang buhay. Tandaan natin na ang tunay na masarap ay hindi mina-magic… hindi “magic sarap”ang ibinibigay na masarap na buhay ng ating Panginoong Jesus.wala kang pangangambahan na ito ay mananakaw sa iyo o mai-expire.

Pahayag 21:3-8  At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa luklukan, na nagsasabi, Narito, ang tabernakulo ng Dios ay nasa mga tao, at siya'y mananahan sa kanila, at sila'y magiging mga bayan niya, at ang Dios din ay sasa kanila, at magiging Dios nila: At papahirin niya ang bawa't luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na. At yaong nakaluklok sa luklukan ay nagsabi, Narito, ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay. At sinabi niya, Isulat mo: sapagka't ang mga salitang ito ay tapat at tunay. At sinabi niya sa akin, Nagawa na. Ako ang Alpha at ang Omega, ang pasimula at ang wakas. Ang nauuhaw ay aking paiinuming walang bayad sa bukal ng tubig ng buhay. Ang magtagumpay ay magmamana ng mga bagay na ito; at ako'y magiging Dios niya, at siya'y magiging anak ko. Nguni't sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan. 

Simple lang ang ating gagawin upang maging secured tayo sa lahat ng mga alalahanin natin sa buhay. Isiguro at i-ugpong natin ang ating mga sarili kay Kristo, pagsisihan natin ang mga nagawang kasalanan at tanggapin Siya bilang Panginoon at sariling Tagapagligtas. Amen!

Akda ni Jovit D. Tilo

No comments:

The Bible prophesy a one-world government and a one-world currency in the end times.

The Bible does not use the phrase "one-world government" or "one-world currency" in referring to the end times. It does,...