Ang ateismo ay ang hindi
paniniwala na mayroong Diyos. Ang ateismo ay hindi isang bagong paniniwala.
Isinulat ni David sa Mga Awit 14:1 noong mga 1,000 taon bago dumating si
Kristo, "Ang mangmang ay nagsabi sa kaniyang puso, walang Dios".
Isinasaad ng mga bagong datos na dumarami ang bilang hanggang 10 porsyento ng
mga taong hindi naniniwala na mayroong Diyos sa buong mundo. Bakit kaya parami
ng parami ang mga taong nagiging ateista? Ang ateismo ba ang makatwirang
paniniwala gaya ng mga inaangkin ng mga ateista?
Bakit mayroong ateismo? Bakit
kaya hindi na lamang ipakilala ng Diyos ang Kanyang sarili sa mga tao upang
patunayan na Siya ay hindi isang kathang isip lamang? Inaakala ng iba na tiyak
na ang lahat ay maniniwala sa Kanya kung Siya ay magpapakita. Ang problema ay
hindi lamang gusto ng Diyos na maniwala ang tao na mayroong Diyos. Ang
kagustuhan ng Diyos ay maniwala ang tao sa Kanya sa pamamagitan ng
pananampalataya (2 Pedro 3:9) at tanggapin sa pamamagitan ng pananampalataya
ang kanyang kaloob na kaligtasan (Juan 3:16). Pinatunayan ng Diyos ang kanyang
katotohanan ng maraming beses sa Lumang Tipan (Genesis 6-9; Exodus 14:21-22; 1
Mga Hari 18:19-31). Naniwala ba ang mga tao noon sa Kanya? Oo. Sila ba'y
tumalikod sa kanilang masasamang gawa? Hindi. Kung hindi handa ang isang tao na
tanggapin ang katotohanang mayroong Diyos sa pamamgitan ng pananampalataya,
hindi rin siya handang tanggapin si Hesus na kanyang tagapagligtas sa
pamamagitan ng pananampalataya (Efeso 2:8-9). Ang nais ng Diyos ay maging tagasunod
Niya ang mga tao hindi lamang maniwala na mayroong Diyos.
Ang pagkakaroon ng Diyos ay dapat
tanggapin sa pamamagitan ng pananampalataya ngunit hindi ibig sabihin nito ay
hindi mapapatunayan na mayroong Diyos. Maraming mahusay na argumento upang
patunayan ang pagkakaroon ng Diyos. Sinasabi ng Bibliya na ang pagkakaroon ng
Diyos ay pinatutunayan ng sangkalawakan (Mga Awit 19:1-4), ng kalikasan (Roma
1;18-22), at ng atin mismong mga puso (Mangangaral 3:11). Ang mga ito ay
nagpapatunay na mayroong Diyos, at kailangan itong tanggapin sa pamamagitan ng
pananampalataya.
Sa isang banda, mas kailangan ng
malaking pananampalataya upang paniwalaan ang teorya na walang Diyos. Ang
pagsasabi ng tiyakan na "walang Diyos" ay pag-angkin na nalalaman ng
isang tao ang dapat niyang malaman sa lahat ng bagay at siya ay nakarating na
sa lahat ng panig ng kalawakan at nakita na ang mga bagay na hindi pa nakikita
ng mata. Totoo na walang ateisa ang mangangahas na mag-angkin ng ganito.
Ngunit, sa esensya, ito talaga ang kanilang inaangkin sa pagsasabi na walang
Diyos. Hindi kayang patunayan ng isang ateista na ang Diyos ay hindi pwedeng
tumira sa gitna na araw, o kaya nama'y sa mga ulap ng Jupiter, o kaya'y sa
isang malayong tala. Dahil ang mga lugar na iyon ay hindi kayang abutin ng tao
upang obserbahan, hindi kaya ng tao na patunayan na walang Diyos. Kaya nga mas
kailangan ng malaking pananampalataya upang paniwalaan na walang Diyos kaysa
paniwalaan na mayroong Diyos.
Hindi kayang patunayan ng mga
ateista ang kanilang pinaniniwalaan at ang pagkakaroon ng Diyos ay dapat
tanggapin sa pamamagitan ng pananampalataya. Natural na ang mga Kristiyano ay
naniniwala na mayroong Diyos at tinatanggap na ang paniniwala sa pagkakaroon ng
Diyos ay nangangailangan ng pananampalataya. Ngunit sa kabila nito, tinututulan
natin ang ideya na hindi kayang patunayan ang pagkakaroon ng Diyos. Naniniwala
tayo na ang pagkakaroon ng Diyos ay malinaw na nakikita, nararamdaman at
mapapatunayan sa pamamagitan ng pilosopiya at siyensya.
Sinasabi sa mga Awit 19:14
"Ang kalangitan ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Dios; at ipinakikilala
ng kalawakan ang gawa ng kaniyang kamay. Sa araw-araw ay nagbabadya ng pananalita,at
sa gabi-gabi ay nagpapakilala ng kaalaman. Walang pananalita o wika man; Ang
kanilang tinig ay hindi marinig. Ang kanilang pangungusap ay lumaganap sa buong
lupa, at ang kanilang mga salita ay hanggang sa wakas ng sanglibutan. Sa kanila
inilagay niya ang tabernakulo na ukol sa araw" (Mga Awit 19:1-4).
No comments:
Post a Comment