Ang Tipan ay isang kasunduan sa
pagitan ng dalawang panig. May dalawang pangunahing uri ng Tipan: Ang tipan na
may kundisyon at tipan na walang kundisyon. Ang tipan na may kundisyon o
“bilateral” ay kasunduan na nakasalalay ang tagumpay sa parehong partido. Dapat
na pumayag ang dalawang partido sa mga nakasaad sa kasunduan. Kung mabigo ang
isang partido sa pagganap sa mga kundisyon ng kabilang partido, masisira ang
kasunduan at hindi magaganap ang layunin ng kasunduan. Ang Tipan na walang
kundisyon o “unilateral” ay isang kasunduan sa pagitan ng dalawang partido,
ngunit tanging ang isa lamang sa dalawang partido ang gagawa para sa katuparan
ng layunin ng kasunduan. Walang hinihinging kundisyon ang isang partido sa
kabilang partido.
Ang Tipan ng Diyos kay Abraham ay
isang kasunduan na walang kundisyon. Nangako ang Diyos kay Abraham, at wala
siyang hininging kapalit o anumang kundisyon kay Abraham. Inilalarawan sa
Genesis 15:18–21 ang isang bahagi ng Tipan ng Diyos kay Abraham, partikular ang
lawak ng lupain na Kanyang ipinangakong ipagkakaloob kay Abraham at sa kanyang
angkan.
Ang aktwal na Tipan ng Diyos kay
Abraham ay makikita sa Genesis 12:1–3. Ipinahihiwatig ng seremonya na nakatala
sa Genesis 15 ang walang kundisyong kalikasan ng Tipang ito. Ang tanging
pagkakataon na dumadaan ang parehong partido sa hinating katawan ng isang hayop
ay kung ang tagumpay ng Tipan ay nakasalalay sa pagtupad ng magkabilang partido
sa mga kundisyon ng Tipan. Patungkol sa kaganapan sa Genesis 15, mababasa na
isang hurnong umuusok, at ang isang tanglaw na nagniningas ang dumaan sa gitna
ng hinating katawan ng mga hayop. Nangangahulugan ito na tanging sa Diyos
lamang nakasalalay ang kaganapan ng Kanyang Tipan kay Abraham. Sa kasong ito,
walang duda na tanging sa Diyos lamang nakasalalay ang tagumpay ng Kanyang
pangako kay Abraham. Itinalaga ng Diyos ang Kanyang sarili sa Kanyang Tipan kay
Abraham. Pinatulog ng Diyos si Abraham upang hindi ito dumaan sa pagitan ng
hinating katawan ng mga hayop. Kaya nga, malinaw ang mensaheng ipinapakita sa
mga talata, na tanging sa Diyos lamang nakasalalay ang katuparan ng Kanyang
Tipan kay Abraham.
Kalaunan, ibinigay ng Diyos ang
pagtutuli bilang isang partikular na tanda ng Kanyang Tipan kay Abraham
(Genesis 17:9–14). Ang lahat ng lalaki na manggagaling sa lahi ni Abraham ay
tutuliin at tataglayin habang buhay ang tandang ito sa kanilang katawan bilang
simbolo na bahagi sila ng pisikal na pagpapala ng Diyos sa mundo. Ang sinumang
galing sa lahi ni Abraham na hindi magpapatuli ay nagdedeklara na wala siyang
bahagi sa Tipan ng Diyos. Ito ang dahilan ng pagkagalit ng Diyos kay Moises ng
hindi nito tuliin ang kanyang anak (Exodo 4:24–26).
Ninais ng Diyos na tumawag ng
isang espesyal na lahi ng tao para sa Kanyang sarili at sa pamamagitan ng
lahing ito, pagpapalain Niya ang lahat ng bansa sa mundo. Napakahalaga ng
tamang pangunawa sa Tipan ng Diyos kay Abraham sa pagkakaroon ng tamang
pangunawa sa konsepto ng kaharian ng Diyos at ito ang pundasyon sa teolohiya ng
Lumang Tipan. Ang mga sumusunod ang inilalarawan ng tipan ng Diyos kay Abraham
sa Genesis 12:1-3: (1) Ito ay isang walang kundisyong Tipan. Walang kundisyon
na nakalakip dito (walang salitang “kung” na ginamit sa mga pangunugsap na
nagpapahiwatig na ang kaganapan nito ay nakasalalay sa tao). (2) Ito ay isang
literal na Tipan at dapat na unawain sa literal na paraan. Ang salitang
“lupain” ay dapat na unawain bilang literal na “lupain,” hindi isang simbolo
para sa langit. (3) Ito ay walang hanggang Tipan. Ang pangako ng Diyos para sa
bansang Israel ay walang hanggan.
Ito ang tatlong pangunahing
nilalaman ng Tipan ng Diyos kay Abraham:
1. Ang pangako para sa isang
lupain (Genesis 12:1). Tinawag ng Diyos si Abraham mula sa Ur, Caldea patungo
sa isang lupain na Kanyang ibibigay sa kanya (Genesis 12:1). Inulit ang
pangakong ito sa Genesis 13:14–18; ibinigay ang lawak at hangganan nito sa
Genesis 15:18–21 (na sumasalungat sa teorya na ang pangakong ito ay matutupad
sa langit). Ang lupain, na isang aspeto ng Tipan ng Diyos kay Abraham, ay
pinalawak sa Deuteronomio 30:1–10, na tinatawag na Tipan ng Diyos sa Palestina.
2. Ang pangako para sa isang lahi
(Genesis 12:2). Ipinangako ng Diyos kay Abraham na manggagaling sa kanya ang
isang malaking bansa. Nang ipangako ito ng Diyos kay Abraham, 75 taon na siya
noon at wala pang anak (Genesis 12:4). Binigyang diin ng Diyos ang pangakong
ito sa Genesis 17:6 kung saan ipinangako ng Diyos na maraming bansa at mga hari
ang manggagaling kay Abraham. Ang pangakong ito (na pinalawak sa Tipan ng Diyos
kay David sa 2 Samuel 7:12–16) ay magkakaroon ng ganap na katuparan sa
paghahari ng Mesiyas o Tagapagligtas na uupo sa trono ni David at maghahari sa
Israel at sa lahat ng bansa sa mundo.
3. Ang pangako ng pagpapala at
katubusan (Genesis 12:3). Ipinangako ng Diyos na sa pamamagitan ni Abraham,
Kanyang pagpapalain ang lahat ng pamilya sa buong mundo. Pinalawak pa ang
pangakong ito sa Bagong Tipan, (Jeremias 31:31–34; tingnan din ang Hebreo
8:6–13) at may kinalaman ito sa katubusan at espiritwal na pagpapala sa bansang
Israel. Binanggit din sa Jeremias 31:34 ang pagpapatawad ng Diyos sa mga
kasalanan. Ang walang kundisyon at walang hanggang kalikasan ng Tipang ito ay
tiniyak ng Diyos kay Isaac (Genesis 21:12; 26:3–4). Ang salitang “gagawin ko”
ay nagpapahiwatig sa walang kundisyong kalikasan ng Tipang ito. Kalaunan,
kinumpirmang muli ng Diyos ang Tipang ito kay Jacob (Genesis 28:14–15).
Mahalagang pansinin na paulit ulit na kinumpirma ng Diyos ang Kanyang mga
pangakong ito sa gitna ng pagkakasala ng mga ninuno ng Israel, na nagbibigay
diin sa walang kundisyong kalikasan ng Tipang ito.
Literal ang pamamaraan sa
pagsasakatuparan ng Diyos sa Kanyang Tipan kay Abraham, gaya ng mga sumusunod
na pangyayari sa kasaysayan: Pinagpala ng Diyos si Abraham sa pamamagitan ng
pagbibigay sa kanya isang lupain (Genesis 13:14–17) at, ilang siglo ang
lumipas, tinirhan ng mga anak ni Abraham ang lupaing ito, “Sa gayo'y ibinigay
ng Panginoon sa Israel ang boong lupain na kaniyang isinumpa na ibibigay sa
kanilang mga magulang: at kanilang inari at tumahan doon” (Josue 21:43).
Pinagpala din ng Diyos si Abraham sa espiritwal (Genesis 13:8, 18; 14:22–23;
21:22); pinagkalooban siya ng Diyos ng napakaraming inapo (Genesis 22:17;
49:3–28). Gayunman, ang isang mahalagang elemento ng Tipan ng Diyos kay Abraham
ay ang paghahari ng Mesiyas sa darating na kaharian sa hinaharap:
(1) Bilang isang bansa, maaangkin
ng Israel ang buong lupain sa hinaharap. Maraming mga talata sa Lumang Tipan
ang tumutukoy sa pagpapala ng Diyos sa Israel sa hinaharap at ang pagangkin
nito sa buong lupain bilang katuparan ng pangako ng Diyos kay Abraham. Hinulaan
ni propeta Ezekiel ang darating na panahon kung kailan ibabalik ng Diyos ang
lahat ng mga Israelita sa Lupang Pangako (Ezekiel 20:33–37, 40–42; 36:1—37:28).
(2) Bilang isang bansa
tatanggapin si Hesus ng Israel bilang kanilang Mesiyas at patatawarin sila at
papanumbalikin ng Diyos sa Kanyang sarili (Roma 11:25–27).
(3) Magsisisi ang bansang Israel
at tatanggapin ang kapatawaran ng Diyos sa hinaharap (Zacarias 12:10–14).
Magkakaroon ng ganap na katuparan ang Tipan ng Diyos kay Abraham sa koneksyon
nito sa pagbabalik ng Mesiyas upang iligtas at pagpalain ang Kanyang bayang
Israel. Ang bansang Israel ang gagamitin ng Diyos upang pagpalain ang lahat ng
mga bansa sa mundo gaya ng Kanyang ipinangako sa Genesis 12:1–3. Ang ganap na
katuparan ng Tipan ng Diyos kay Abraham ay ang kapatawaran ng mga kasalanan at
ang maluwalhating paghahari ng Mesiyas, ni Hesu Kristo, dito sa mundo.
https://www.gotquestions.org
No comments:
Post a Comment