Marahil ang pinakamahalagang kaugnayan ng Islam at
Kristiyanismo ay ang sinasabi ng Koran tungkol kay Hesus. Ayon sa Koran,
ipinadala ni Allah si Hesus at Kanyang tinulungan sa pamamagitan ng Espiritu
Santo (Sura 2:87), itinaas ni Allah si Hesus (Sura 2:253), si Hesus ay matuwid
at walang kasalanan (Sura 3:46; 6:85; 19:19), si Hesus ay muling binuhay mula
sa mga patay (Sura 19:33-34), inutusan ni Allah si Hesus na magtayo ng
relihiyon (Sura 42:13), at si Hesus ay bumalik sa langit (Sura 4:157-158). Dahil
dito, dapat alamin at sundin ng mga tapat na Muslim ang mga itinuturo ni Hesus
(Sura 3:48-49; 5:46).
Detalyadong isinulat ng mga alagad ang mga aral ni Hesus sa
unang apat na aklat ng Bagong Tipan. Ayon sa Sura 5:111, ang mga alagad ni
Hesus ay tinulungan ni Allah na maniwala kay Hesus at sa kanyang mensahe. Ayon
naman sa Sura 61:6, 14, si Hesus at ang kanyang mga alagad ay mga katulong ni
Allah. At bilang mga katulong ni Allah, siguradong tama ang pagkakasulat nila
sa mga turo ni Hesus. Inuutos ng Koran sa mga Muslim na paniwalaan at sundin
ang Torah at ang unang apat na aklat sa Bagong Tipan (Sura 5:44-48). Dahil
walang kasalanan si Hesus, katotohanan lahat ang kanyang itinuro. At dahil ang
mga alagad ni Hesus ay mga katulong ni Allah, tama ang kanilang mga isinulat na
katuruan ni Hesus.
Itinuturo ng Koran na dapat pag-aralan ng mga Muslim ang mga
aklat sa Bagong Tipan tungkol kay Hesus. Hindi ito iuutos ni Allah kung hindi
mapagkakatiwalaan ang mga aklat na iyon. May mga bahagi ng Bibliya tungkol kay
Hesus na isinulat 450 taon bago pa isulat ang Koran. Napakaraming kopya na ang
nagawa mula sa apat na aklat ng Bagong Tipan. Kung ikukumpara ang lumang kopya
sa mga kopya sa panahon ni Muhamad at sa mga kopyang ginawa pagkatapos ng
panahon ni Muhamad ay makikita natin na halos walang pagkakaiba ang mga
sinasabi nila tungkol kay Hesus at sa kanyang mga turo. Walang kahit anong
ebidensya na may pinalitan o idinagdag sa mga aklat. Dahil dito, nakatitiyak
tayo na totoo ang lahat ng turo ni Hesus at walang anumang mali sa pagkasulat
sa unang apat na aklat ng Bagong Tipan. Patunay ito na iningatan ni Allah ang
tamang pagkakasulat sa mga aklat na naglalaman ng Mabuting Balita tungkol kay
Hesus.
Bakit kailangang ihandog ni Hesus ang kanyang buhay para sa tao?
Ito ang pinakamalaking kaibahan ng Islam at Kristiyanismo. Ayon sa turo ng
Islam, hahatulan ni Allah ang mga tao base sa kanilang mga gawang mabuti.
Ngunit ayon sa turo ng Kristiyanismo, walang sinumang tao ang maliligtas dahil
sa mabubuting gawa. At kahit gumawa ang tao ng mabubuting gawa, hindi maaaring
pahintulutan ni Allah na pumasok sa langit ang sinumang nakagawa ng kahit isang
kasalanan, sapagkat siya ay banal, perpekto at matuwid. Kung gayon, tayong
lahat ay tutungo sa impiyerno. Dahil sa kabanalan ni Allah, kailangang patawan
niya ng hatol na parusa ang nagkasala. Iyan ang dahilan kung bakit kailangang
ihandog ni Hesus ang kanyang buhay para sa atin.
Ayon sa turo ng Koran, si Hesus ay banal at hindi nagkasala
kailanman. Pero paano mabubuhay ang isang tao sa buong buhay niya sa mundo na
hindi man lamang magkakasala ni minsan? Imposible. Paano iyon nagawa ni Hesus?
Ito ay sa dahilang si Hesus ay hindi isang pangkaraniwang tao. Ayon sa kanya,
Siya at ang Ama ay iisa (Juan 10:30). Sinabi niya na Siya ang Diyos na
tinutukoy sa Torah o aklat ng kautusan (Juan 8:58). Itinuro sa Juan 1:1, 14 na
siya ang Diyos na naging tao. Sinabi ng Diyos na nagkasala tayong lahat kaya
hindi tayo makapapasok sa langit. Sinabi din niya na ang tanging paraan upang
tayo ay mapatawad ay kailangang bayaran ang parusa para sa ating mga kasalanan.
Alam din ng Diyos na Siya lamang ang may kakayahang magbayad sa ating malaking
pagkakautang. Kaya nagkatawang tao ang Diyos sa pamamagitan ni Hesu Kristo.
Nabuhay siya sa mundo na matuwid at walang kasalanan (Sura 3:46; 6:85; 19:19),
itinuro niya ang katotohanan at namatay para sa atin, upang bayaran ang
kaparusahan ng kasalanan. Ginawa ito ng Diyos dahil mahal niya tayo, at dahil
nais niya tayong makasama sa Langit.
Ano ngayon ang ibig sabihin nito? Si Hesus ang naging ganap
at buhay na handog para sa ating mga kasalanan. Iniaalok ng Diyos ang
kapatawaran at ang kaligtasan sa lahat ng tao. Ang kailangan nating gawin ay
tanggapin ang Kanyang iniaalok sa atin (Juan 1:12). Ilagak natin ang ating
pananampalataya kay Hesus bilang sariling tagapagligtas, sapagkat inialay niya
ang Kanyang buhay alang-alang sa atin. Kung mananalig tayo kay Hesus bilang
ating Tagapagligtas, mayroon tayong katiyakan na mayroon tayong buhay na walang
hanggan sa piling ng Diyos sa langit. Patatawarin tayo ng Diyos sa ating mga
kasalanan, lilinisin at bubuhayin Niya ang ating espiritu. Paano natin
matatanggihan ang ganito kadakilang kaloob? Paano natin matatalikuran ang Diyos
na nagmamahal sa atin at ibinigay ang kanyang sariling Anak bilang kaloob na
pambayad sa ating mga kasalanan.
Kung hindi ka pa sigurado sa iyong pananampalataya, maaari
mong bigkasin ang panalanging ito: “O Diyos, tulungan mo akong malaman ang
katotohanan. Tulungan mo rin akong makita ang aking mga pagkakasala laban sa
Iyo. Gabayan mo po ako upang malaman ko ang tunay na daan patungo sa
kaligtasan. Amen!” Hindi mahalaga na ganitong ganito rin ang sasabihin mo. Kung
taos puso kang mananalangin sa Diyos, diringgin niya ang iyong panalangin.
Kung nais mong ilagak kay Hesu Kristo ang iyong pagtitiwala
bilang iyong Tagapagligtas upang makamtan ang kapatawaran mula sa Diyos, narito
ang isang modelong panalangin na maaari mong sabihin sa Diyos ng iyong buong
puso. Tandaan mo lamang na walang panalangin ang makapagliligtas sa iyo kundi
ang Diyos lamang sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu. “O Diyos, inaamin
kong nagkasala ako laban sa iyo at nararapat lamang na ako ay Iyong parusahan.
Salamat po na inako ni Hesus ang aking kasalanan at tiniis ang parusang dapat
na ako ang magdanas upang ako’y Iyong mapatawad. Tinatalikuran ko ang lahat ng
aking mga kasalanan at nagtitiwala ako ngayon kay Hesus para sa aking
kaligtasan. Salamat po sa iyong kahanga-hangang biyaya at kapatawaran. Salamat
po sa buhay na walang hanggan. Amen.”
No comments:
Post a Comment