Monday, 27 February 2017

Konsepto ng pagiging Ama ng Diyos


“Masdan ninyo kung gaanong pagibig ang ipinagkaloob sa atin ng Ama, upang tayo'y mangatawag na mga anak ng Dios; at tayo'y gayon nga. Dahil dito'y hindi tayo nakikilala ng sanglibutan, sapagka't siya'y hindi nakilala nito” (1 Juan 3:1). Ang talatang ito ay naguumpisa sa isang utos: “Masdan.” Nais ni Juan na obserbahan natin ang manipestasyon ng pag-ibig sa atin ng Diyos bilang isang Ama. Ipinakilala ni Juan ang paksa ng pag-ibig ng Diyos sa nakaraang kabanata (1 Juan 2:5, 15), at pagkatapos na ipaliwanag ito ng maiksi sa ikatlong kabanata, ipinaliwanag niya ito ng buo sa ikaapat na kabanata. Layunin ni Juan na ilarawan kung anong uri ng pag-ibig na mayroon ang Diyos para sa Kanyang mga anak, “kung gaanong pagibig.” Ang salitang Griyego na isinalin sa salitang “kung gaanong pagibig” ay matatagpuan ng anim na beses lamang sa Bagong Tipan at laging nagpapahiwatig ng pagkamangha at paghanga. 
Ang isang bagay na kapansin pansin sa talata sa itaas ay hindi lang sinabi ni Juan na “iniibig tayo ng Diyos” at sa gayon, ilarawan niya ang isang kundisyon. Sa halip. Sinasabi niya sa atin na ibinuhos sa atin ng Diyos ang kanyang pag-ibig, at dahil dito, tiyakang inilarawan niya ang lalim at lawak ng pag-ibig ng Diyos para sa atin. Kapansin pansin din na tuwirang ginamit ni Juan ang salitang “Ama” upang ilarawan ang Diyos. Ang salitang “Ama” ay nagpapahiwatig ng relasyon ng Diyos sa mga mananampalataya. Gayunman, hindi naging Ama ang Diyos ng ampunin Niya tayo bilang Kanyang mga anak. Ang pagiging Ama ng Diyos ay walang hanggan. Siya ang walang hanggang Ama ng ating Panginoong Hesu Kristo, at sa pamamagitan ni Hesu Kristo, Siya rin ang ating Ama. Sa pamamagitan ni Hesus, tinanggap natin ang pag-ibig sa atin ng Ama at tinawag tayong “mga anak ng Diyos.”

Anong laking karangalan ang tawagin Niya tayo na Kanyang mga anak at bigyan Niya tayo ng katiyakan na bilang Kanyang mga anak, tayo ay Kanyang mga tagapagmana at kasamang tagapagmana ng ating Panginoong Hesu Kristo (Roma 8:17). Sa kanyang Ebanghelyo, sinabi sa atin ni Juan na binigyan tayo ng Diyos ng karapatan upang maging mga anak ng Diyos, ang lahat ng tumanggap kay Hesu Kristo bilang kanilang Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng pananampalataya (Juan 1:12). Ipinagkaloob ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa Kanyang Anak na Si Hesu Kristo, at sa pamamagitan Niya, ipinagkaloob din Niya ang Kanyang pag-ibig sa lahat ng Kanyang mga inampon bilang mga anak. 

Nang sabihin ni Juan na “ganito tayo!” sa harapan ng Diyos, idineklara niya ang katotohanan ng ating kalagayan. Ngayon din, sa mga sandaling ito, tayo ay Kanyang mga anak. Sa ibang salita, hindi ito isa lamang pangako na tutuparin ng Diyos sa hinaharap. Tayo ay mga anak na ng Diyos. Ito ang katotohanan. Atin ng natatamasa ngayon pa lang ang lahat ng karapatan at pribilehiyo na kalakip ng pagiging mga anak, dahil nakilala natin ang Diyos bilang ating Ama. Bilang Kanyang mga anak, nararanasan natin ang Kanyang pag-ibig. Bilang Kanyang mga anak, kinikilala natin ang Diyos bilang ating Ama dahil mayroon tayong karanasan at kaalaman tungkol sa Kanya. Inilagak natin ang ating pagtitiwala at pananampalataya sa Kanya na nagmamahal sa atin, nagkakalob ng ating mga pangangailangan at nagiingat sa atin gaya ng ginagawa ng isang tunay na Ama. Gaya rin ng isang ama sa lupa, dinidisiplina Niya tayo sa tuwing tayo ay sumusuway at binabalewala ang Kanyang mg autos. Ginagawa Niya ito para sa ating ikabubuti, “upang tayo'y makabahagi sa kaniyang kabanalan” (Hebreo 12:10).

Napakaraming paglalarawan ng Kasulatan sa pag-ibig ng Diyos sa mga umiibig at sumusunod sa Kanya. Tayo ay tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Kristo (Roma 8:17); tayo ay mga saserdoteng banal (1 Pedro 2:5); tayo ay mga bagong nilalang (2 Corinto 5:17); at mga nakabahagi ng kabanalang mula sa Diyos (2 Pedro 1:4). Ngunit higit na mahalaga kaysa alinmang titulo o posisyon, ay ang simpleng katotohanan na tayo ay mga anak ng Diyos at Siya ang ating Ama sa langit.

https://www.gotquestions.org/Tagalog/

The Bible prophesy a one-world government and a one-world currency in the end times.

The Bible does not use the phrase "one-world government" or "one-world currency" in referring to the end times. It does,...