Sunday, 26 February 2017

Si Hesu Kristo


Hindi gaya ng katanungang, “Mayroon bang Diyos,?” iilang tao lamang ang nagtatanong ng “Sino si Hesu Kristo?” dahil halos lahat ay kumikilala na si Hesus ay totoong taong nabuhay at nanirahan sa bansang Israel dalawang libong (2,000) taon na ang nakararaan. Naguumpisa ang pagtatalo-talo kapag ang talakayan ay may kinalaman sa uri ng pagkatao ni Hesus. Halos lahat ng mga pangunahing relihiyon ay nagtuturo na si Hesus ay isang propeta, mahusay na mangangaral, o taong makadiyos. Subalit ang Banal na Kasulatan ay nagpapahayag na si Hesu Kristo ay higit pa sa isang Propeta, mabuting Guro, o taong makadiyos.

Sa kanyang aklat na “Mere Christianity,” sinulat ni C.S. Lewis ang ganito: “Sinisikap kong pigilan ang sinuman sa pagsasabi ng ganitong kahangalan tungkol kay Hesu Kristo: 'Handa kong tanggapin na si Hesus ay isang dakila at marangal na mangangaral, ngunit hindi ko tinatanggap ang Kanyang pagpapakilala sa sarili bilang Diyos.' Iyan ang isang bagay na hindi nararapat sabihin. Ang isang pangkaraniwan lamang na tao na nag-aangkin ng gaya ng mga ipinahayag ni Hesus ay hindi kailanman maaaring maging Dakilang Guro. Maaaring nasisiraan Siya ng bait - katulad ng pagsasabi na Siya'y isang malasadong itlog - kundi man Siya'y isang diyablo ng impiyerno. Kailangan mong mamili. Maaaring ang taong ito ay ang Anak ng Diyos, o kaya nama'y isang baliw o mas higit pa sa baliw. Sabihin mo na isa Siyang hangal, duraan mo Siya at patayin o magpatirapa ka sa Kanyang paanan at tawagin siyang Panginoon at Diyos. Ngunit huwag nating palampasin ang walang kabuluhang pagturing kay Hesus bilang isang dakilang mangangaral lamang. Ang pagpili kung paano natin kikilalanin si Hesus ayon sa ating pananaw ay isang bagay na hindi Niya pinahintulutan.”
Kung ganoon, sino si Hesu Kristo ayon sa pagpapakilala Niya sa Kanyang sarili? Sino Siya ayon sa sinasabi ng Banal na Kasulatan? Una, tunghayan natin ang sinabi ni Hesus sa Juan 10:30, “Ako at ang Ama ay iisa.” Sa biglang tingin, tila hindi ito pag-aangkin na Siya ay Diyos. Subalit suriin natin ang reaksyon ng mga Hudyo, “Hindi dahil sa mabuting gawa kaya ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan mo sa Diyos” (Juan 10:33). Sa harap ng mga Hudyo, walang alinlangang inangkin ni Hesus na Siya ay Diyos. Sa sumunod na mga talata, hindi itinuwid ni Hesus ang mga Hudyo sa kanilang pagkaintindi at sinabing, “Hindi Ko inaangking Ako ay Diyos.” Pinatunayan sa talatang ito na tunay na si Hesus ay Diyos nang Kanyang sabihin, “Ako at ang Ama ay iisa” (Juan 10:30). Ang Juan 8:58 ay isa pang patunay sa pagka- Diyos ni Hesu Kristo. Tumugon si Hesus, “Sinasabi Ko sa inyo, bago pa ipinanganak si Abraham, 'Ako'y Ako na!” (Juan 8:58). Muling kumuha ng mga bato ang mga Hudyo at tinangkang batuhin si Hesus. Ang pahayag ni Hesus ng Kanyang pagkakilanlan bilang “Ako nga,” ay tuwirang paggamit ng pangalan ng Diyos sa Lumang Tipan (Exodo 3:14). Bakit kailangang batuhin ng mga Hudyo si Hesus kung wala Siyang sinabi na sa paniniwala nila'y pamumusong sa pangalan ng Kataas-taasang Diyos?

Ito ang sinasabi sa Juan 1:1: “Ang Salita ay Diyos.” At sa Juan 1:14 naman ay ito ang sinabi, “Ang Salita ay nagkatawang tao.” Ito'y maliwanag na indikasyon na si Hesus ay Diyos sa anyong laman. Ang alagad na si Tomas ay nagpahayag tungkol kay Hesus ng ganito, “Aking Panginoon at aking Diyos” (Juan 20:28). Si Tomas ay hindi nagkamali dahil hindi siya sinaway o itinama man ni Hesus. Inilarawan ni Apostol Pablo ang Panginoong Hesus ng ganito, “Ang ating Dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Hesu Kristo...” (Tito 2:13). Ganito rin ang sinabi ni Apostol Pedro, .”..ang ating Diyos at Tagapagligtas na si Hesu Kristo” (2 Pedro 1:1). Ang Diyos Ama ay nagpatotoo rin sa pagiging Diyos ni Hesus, “Ang Iyong Trono, O Diyos ay mananatili magpakailan man, at ang Katuwiran ay mangingibabaw sa Iyong Kaharian” (Awit 45:6). Ipinahayag sa mga hula ng mga propeta sa Lumang Tipan ang pagiging Diyos ni Hesus, “Para sa atin, isang sanggol na lalaki ang isisilang, at Siya ang mamamahala sa atin. Siya ang kahanga-hangang Tagapayo, ang makapangyarihang Diyos, walang hanggang Ama, ang Prinsipe ng Kapayapaan” (Isaias 9:6).

Kaya nga tulad ng pangangatwiran ni C.S.Lewis, ang paniniwala kay Hesus bilang isang mabuting Guro lamang ay isang bagay na hindi dapat ipagwalang bahala. Bagkus, maliwanag at walang pangingiming inangkin ni Hesu Kristo na Siya ay Diyos. Kung hindi Siya Diyos, Siya ay sinungaling, samakatuwid hindi Siya Propeta, hindi mabuting Guro, at lalong hindi siya makadiyos. Sa kanilang pagnanais na ilayo ang mga tao sa katotohanan patungkol sa mga pahayag ni Hesus sa Kanyang sarili, itinuturo ng mga modernong “iskolar” na ang “tunay na Hesus sa kasaysayan” ay hindi inangkin ang maraming hula at pagpapakilala sa Banal na Kasulatan patungkol sa Kanyang katangian bilang Diyos. Sino tayo para mangatwiran tungkol sa mga salitang ipinahayag ni Hesus at sa mga salitang hindi Niya sinabi ngunit di umano ay nakasulat? Papaano mangyayari na ang mga modernong “iskolar” na halos dalawang libong taon ang agwat sa kapanahunan ni Hesus ay magkakaroon ng mas malawak na pananaw at kaalaman kaysa sa mismong mga tagasunod na kasama-sama Niya na naglingkod sa Kanya at tinuruan Niya? (Juan 14:26).

Bakit ba napakahalaga ang katanungan tungkol sa tunay na pagkakakilanlan kay Hesu Kristo? Bakit makabuluhan na tiyakin kung si Hesus nga ba ay tunay na Diyos o hindi? Ang pinakamamalaking dahilan kung bakit kailangang tanggapin na si Hesus ay Diyos ay sapagkat, kung Siya ay karaniwang tao lamang, ang kanyang kamatayan ay hindi sapat na kabayaran upang tubusin ang kasalanan ng buong sangkatauhan (1 Juan 2:2). Tanging Diyos lamang ang may ganap na kakayahan upang bayaran at iligtas ang tao sa walang hanggang kaparusahan sa kasalanan (Roma 5:8; 2 Corinto 5:21). Kailangang Diyos si Hesus upang maging ganap ang kabayaran para sa ating mga kasalanan. Kinakailangan din na tao si Hesus upang danasin ang kamatayan na siyang kabayaran ng kasalanan (Roma 6:23). Ang kaligtasan ay matatamo lamang sa pamamagitan ng pananampalataya kay Hesu Kristo! Ang pananampalataya sa pagka-Diyos ni Hesus ang tanging daan tungo sa kaligtasan.

Ang pagka-Diyos ni Hesus ang siyang dahilan kung kaya't buong katotohanan Niyang ipinahayag, “Ako ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan Ko” (Juan 14:6).

https://www.gotquestions.org/Tagalog/

The Bible prophesy a one-world government and a one-world currency in the end times.

The Bible does not use the phrase "one-world government" or "one-world currency" in referring to the end times. It does,...