Tuesday, 16 May 2017

Aklat ng 1 Samuel

Manunulat: Hindi nagpakilala ang sumulat ng aklat ngunit mababasa natin na si Samuel ang manunulat (1 Samuel 10:25), at posible din na sinulat lamang niya ang ilang bahagi nito at ang iba pang posibleng manunulat ay ang mga propeta/mananalaysay na sina Nathan at Gad (1 Cronica 29:29).

Panahon ng Pagkasulat: Sa orihinal, ang mga aklat ng 1 at 2 Samuel ay iisang aklat. Pinaghiwalay lamang ito ng mga tagasalin ng isalin ito sa Septuagint at mula noon ay hindi na ito pinaghiwalay pa. Ang mga kaganapan sa 1 Samuel ay nangyari sa loob ng 100 taon, mula c. 1100 B.C. hanggang c. 1000 B.C. Ang mga kaganapan naman sa 2 Samuel ay nangyari sa loob ng 40 taon. Sinulat ang aklat pagkatapos ng 960 B.C.

Layunin ng Sulat: Itinala ng 1 samuel ang kasaysayan ng Israel sa lupain ng Canaan mula sa pamumuno ng mga Hukom hanggang sa pamumuno ng mga Hari bilang isang nagkakaisang bansa. Si Samuel ang nagsilbing huling hukom sa Israel at Siya ang nagtalaga bilang hari kay Saul at David. 

Mga Susing Talata: "Nalungkot si Samuel dahil sa kahilingan ng mga tao, kaya't dumalangin siya kay Yahweh. Sinabi naman sa kanya ni Yahweh, "Sundin mong lahat ang sinasabi nila sapagkat hindi ikaw kundi ako ang inaayawan nilang mamahala sa kanila" (1 Samuel 8:6-7).

"Sinabi sa kanya ni Samuel, "Malaking kasalanan 'yang ginawa mo. Kung sinunod mo ang iniuutos sa iyo ni Yahweh na iyong Diyos, ang sambahayan mo sana ang maghahari sa buong Israel habang panahon. Ngunit dahil sa ginawa mo, hindi na matutuloy iyon. Si Yahweh ay pipili ng ibang hari para sa Israel sapagkat hindi mo sinunod ang mga utos niya sa iyo" (1 Samuel 13:13-14).

"Sinabi ni Samuel, "Akala mo ba'y higit na magugustuhan ni Yahweh ang handog at hain kaysa pagsunod sa kanya? Ang pagsunod sa kanya ay higit sa handog, at ang pakikinig ay higit sa haing taba ng tupa. Ang pagsuway sa kanya ay kasinsama ng pangkukulam, at ang katigasan ng ulo'y tulad ng pagsamba sa diyus-diyusan. Pagkat sinuway mo si Yahweh, aalisin ka sa pagiging hari ng kanyang bayan" (1 Samuel 15:22-23).

Maiksing pagbubuod: Ang aklat ng Samuel ay nahahati sa dalawang bahagi: Ang buhay ni Samuel (Kabanata 1-12) at ang buhay ni Saul (kabanata 13-31). 

Ang aklat ay nagsimula sa mahimalang kapanganakan ni Samuel bilang kasagutan ng Diyos sa mataimtim na panalangin ng kanyang inang si Hannah. Bilang isang bata, tumira at naglingkod si Samuel sa Tabernakulo. Pinili Siya ng Diyos bilang isang propeta (1 Samuel 19-21), at ang unang hula Niya bilang isang batang propetta ay ang hatol ng Diyos sa mga tiwaling propeta.  

Nakipadigma ang mga Israelita sa mga Filisteo na matagal na nilang kaaway. Nabihag ng mga Filisteo ang kaban ng Tipan at napasa-kanilang pansamantalang pangangalaga, ngunit nagpadala ang Diyos ng salot sa Filistea kaya't ibinalik ng mga Filisteo ang kaban. Hinamon ni Samuel ang mga Israelita sa pagsisisi (1 Samuel 7:3-6) at dahil doon nagtagumpay sila laban sa mga Filisteo. 

Ninais ng mga Israelita na maging gaya ng ibang bansa na may sariling hari. Hindi nasiyahan si Samuel sa kanilang kahilingan, ngunit sinabi sa kanya ng Diyos na hindi ang pangunguna ni Samuel ang kanilang tinatanggihan kundi ang Kanyang paghahari. Pagkatapos na babalaan ni Samuel ang mga tao sa mga konsekwensya ng pagkakaroon ng hari, pinahiran niya ng langis si Saul na isang Benjaminita, na kanyang itinalaga upang maging hari sa Mizpah (1 Samuel 10:17-25). 

Sa umpisa, nagtamasa si Saul ng tagumpay, at natalo niya ang mga Amonita sa labanan (kabanata 11). Ngunit nakagawa siya ng mga serye ng pagkakamali: nangahas siya na maghandog sa Diyos kahit na walang pahintulot (Kabanata 13), gumawa siya ng isang walang kabuluhang panata at inilagay sa panganib ang buhay ng kanyang anak na si Jonathan (Kabanata 14), at tahasang sinuway niya ang direktang utos ng Diyos (Kabanata 15). Dahil sa rebelyon ni Saul sa Diyos, pumili ang Diyos ng kanyang kahalili. Samantala, inalis ng Diyos ang Kanyang pagpapala kay Saul, at isang masamang espiritu ang nagsimulang itulak si Saul sa pagkabaliw (1 Samuel 16:14).  

Naglakbay si Samuel patungong Bethlehem upang pahiran ng langis ang isang kabataan na nagngangalang David bilang susunod na hari (kabanata 16). Hindi naglaon, hinamon ni David sa isang labanan si Goliath, ang higanteng Filisteo at naging isang pambansang bayani si David (kabanata 17). Naglingkod si David sa korte ni Saul, napangasawa ang anak ni Saul, at naging matalik na kaibigan ang anak nitong si Jonathan. Naging masidhi ang pagseselos ni Saul kay David dahilan sa kanyang mga tagumpay at kasikatan at tinangka niyang patayin si David. Tumakas si David at sinimulan ang isang hindi pangkaraniwang yugto ng pakikipagsqapalaran, intriga at buhay pag-ibig. Sa tulong ng Diyos, natakasan ni David ang muntik muntikanan ng pagkahulog mula sa mga kamay ni Saul na uhaw sa kanyang dugo (kabanata 19-26). Sa gitna ng lahat ng ito, napanatili ni david ang kanyang integridad at tapat na pakikipagkaibigan kay Jonathan. 

sa bandang huli ng aklat, namatay si Saul, at si Saul ay nangapa sa kawalan. Noong gabi bago siya makipagdigma sa mga Filisteo, naghanap si saul ng kasagutan sa kanyang tanong ngunit wala na siyang malalapitan. Tahasang tinanggihan ang Diyos, wala siyang mahanap na sagot mula sa langit, kaya komunsulta siya sa isang mangkukulam. Sa kalagitnaan ng ritwal, nagpakita ang espiritu ni Samuel upang magbigay ng huling hula: mamamatay si Saul sa labanan kinabukasan. Naganap ang hula; napatay sa digmaan ang kanyang tatlong anak, kabilang si Jonathan at nagpakamatay naman si Saul. 

Mga pagtukoy kay Kristo: May ilang pagtukoy tungkol kay Kristo ang makikita sa panalangin ni Hannah sa 1 Samuel 2:1-10. Pinuri niya ang Diyos bilang kanyang bato (talata 2). Alam natin mula sa mga tala sa ebanghelyo sa Bagong Tipan na si Hesus ang Bato kung saan natin dapat itatag ang ating mga espiritwal na tahanan. Tinukoy ni Pablo si Hesus bilang "batong katitisuran" para sa mga Hudyo (Roma 9:33). Tinawag din si Kristo na "espiritwal na Bato" na nagkaloob ng tubig na espiritwal sa mga Isarelita sa ilang gaya ng pagkakaloob Niya ng "tubig ng buhay" sa ating mga kaluluwa (1 Corinto 10:4; Juan 4:10). May banggit din sa panalangin ni Hannah sa Panginoon na siyang huhukom sa sangkatauhan hanggang sa dulo ng daigdig (2:10), habang tinukoy naman ni Mateo si Hesus sa Mateo 25:31-32 bilang Anak ng Tao na darating sa kanyang kaluwalhatian at siyang huhukom sa lahat ng tao

Praktikal na Aplikasyon: Ang kuwento ng buhay ni Saul ay isang trahedya ng mga sinayang na pagkakataon. Isang tao na nasa kanya na ang lahat - karangalan, kapangyarihan, kayamanan, magandang hitsura, at marami pang iba. Ngunit namatay siyang bigo, natatakot sa kaaway at nalalaman na binigo niya ang kanyang bansa, ang kanyang pamilya, at ang kanyang Diyos. 

Nagkamali si Saul ng akalain niya na mabibigyang kasiyahan niya ang Diyos sa pamamagitan ng pagsuway. Gaya ng marami sa ngayon, naniwala siya na maaaring pagtakpan ng isang makatwirang motibo ang isang masamang gawa. Maaaring nalunod siya ng kanyang kapangyarihan at nagsimula siyang magisip na higit siyang mataas kaysa sa batas.

Sa isang kadahilanan, nakabuo siya ng mababang pagtingin sa utos ng Diyos at mataas na pagtingin sa sarili. Kahit na ng sawayin siya ni Samuel sa kanyang mga pagkakamali, tinangka niya pawalang sala ang sarili, at dahil doon itinakwil siya ng Diyos (1 Samuel 15:16-28). 

Ang problema ni Saul ay pareho ng problema na ating kinakaharap araw araw - ang problema ng puso. Ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay kinakailangan upang magtagumpay, at kung dahil sa ating pagmamataas ay magrerebelde tayo laban sa Diyos, magiging kalugihan iyon para sa atin. 

Si David naman, sa kabilang dako, sa biglang tingin ay tila hindi nangangako ng malalaking bagay. Kahit na nga si Samuel ay natukso na hindi siya bigyang pansin (16:6-7). Ngunit nakikita ng Diyos ang puso ng tao at nakita Niya na ang puso ni David ay katulad ng Kanyang puso. (13:14). Ang kapakumbabaan at katapatan ni David, maging ang kanyang katapangan para sa Panginoon at ang kanyang pagiging mapanalanginin ay nagsisilbing isang magandang halimbawa para sa ating lahat. 


The Bible prophesy a one-world government and a one-world currency in the end times.

The Bible does not use the phrase "one-world government" or "one-world currency" in referring to the end times. It does,...