Sunday, 7 May 2017

Ano ang dapat na maging pananaw ng Kristiyano sa pulitika?

Kung may isang paksa na tiyak na magiging dahilan ng isang dagliang debate, kung hindi man isang pormal na debate – maging sa mga Kristiyano, ito ay ang diskusyon tungkol sa pulitika. Bilang mga tagasunod ni Kristo, ano ang dapat nating maging saloobin sa pakikilahok sa pulitka? Laging sinasabi na “hindi maaaring paghaluin ang pulitika at relihiyon.” Ngunit totoo ba talaga ito? Maaari ba tayong magkaroon ng pananaw na pampulitika na labas sa mga kunsiderasyon ng ating pananampalatayang Kristiyano? Ang sagot ay hindi, hindi ito maaari para sa atin. Binigyan tayo ng Bibliya ng dalawang katotohanan tungkol sa dapat nating maging pananaw sa pulitika at gobyerno. 

Ang unang katotohanan ay ang kalooban ng Diyos ang nangingibabaw at Siya ang may kapamahalaan sa bawat aspeto ng ating buhay. Ang kalooban ng Diyos ang nasusunod sa lahat ng bagay at sa lahat ng tao (Mateo 6:33). Hindi nagbabago ang mga plano at layunin ng Diyos at hindi natatanggihan ang kanyang kalooban. Gaganapin Niya kung ano ang Kanyang plano at walang pamahalaan ng tao ang makapipigil sa Kanyang kalooban (Daniel 4:34-35). Sa katotohanan, ang Diyos ang “nagtitindig at nagbabagsak sa mga hari” (Daniel 2:21) dahil, “Siya ang nagpupuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay niya ito sa kanino mang kaniyang ibigin, at itinataas niya sa kaniya ang pinakamababa sa mga tao” (Daniel 4:17). Ang isang malinaw na pangunawa sa katotohanang ito ang tutulong sa atin upang makita na ang pulitika ay isa lamang paraan ng Diyos upang ganapin ang Kanyang kalooban sa ating mga buhay. Kahit na inaabuso ng mga tao ang kanilang kapangyarihan sa pulitika, at masama ang kanilang ginagawa, ginagawa iyon ng Diyos para sa ating ikabubuti, na “ang lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios, sa makatuwid baga'y niyaong mga tinawag alinsunod sa kaniyang nasa” (Roma 8:28).
Ikalawa, dapat nating tanggapin ang katotohanan na hindi tayo maililigtas ng gobyerno! Tanging ang Diyos lamang ang makagagawa noon. Hindi natin mababasa sa Bagong Tipan o nakita man ang Panginoong Hesus at mga apostol na naggugol ng kanilang lakas at panahon sa pagtuturo sa mananampalataya kung paano babaguhin ang paganong mundo mula sa kanilang pagsamba sa disyu diyusan, imoralidad at paano natin babaguhin ang masasamang gawain ng gobyerno. Hindi kailanman tinuruan ng mga apostol ang mga mananampalataya na sumuway sa mga hindi makatarungang batas ng imperyong Romano o lumaban sa kanilang brutal na pamamahala. Sa halip, inutusan ng mga apostol ang mga mananampalataya noong unang siglo, gayundin ang mga mananampalataya sa ngayon na ipangaral ang Ebanghelyo at mabuhay sa paraan na nagpapatunay sa kapangyarihan nng Ebanghelyo na magbago ng buhay ng tao. 

Walang duda na ang ating responsibilidad sa gobyerno ay sumunod sa mga batas at maging mabubuting mamamayan (Roma 13:1-2). Itinatag ng Diyos ang mga kapangyarihan, at ginawa Niya ito “upang mapatahimik ang kamangmangan ng mga taong palalo” (1 Pedro 2:13-15). Sinabi sa atin ni Pablo sa Roma 13:1-8 na responsibilidad ng gobyerno na mamuno sa atin – para sa ating ikabubuti – upang mangolekta ng buwis at pangalagaan ang kapayapaan. Kung mayroon tayong boses at may kakayahang maghalal ng ating mga pinuno, dapat nating gamitin ang ating karapatan sa pamamagitan ng pagboto sa mga kandidato na kagaya natin ang pananaw. 

Ang isa sa pinakamalaking pandaraya ni Satanas ay ang ilagak natin ang ating pag-asa sa moralidad sa ating kultura at sa mga makadiyos na pulitiko at opisyal ng gobyerno. Ang pag-asa ng isang bansa ay hindi matatagpuan sa kaninumang pinuno ng gobyerno. Nagkakamali ang Iglesya sa pagiisip na trabaho ng mga pulitiko na ipagtanggol, palaganapin at bantayan ang mga katotohanan ng Bibliya at pagpapahalagang Kristiyano. 

Ang natatanging layunin na ibinigay ng Diyos sa iglesya ay hindi makakamit sa pamamagitan ng aktibismo at pakikilahok sa pulitika. Hindi makikita kahit saan sa Kasulatan na binigyan tayo ng kautusan na gamitin ang ating lakas, panahon o salapi sa mga bagay na may kinalaman sa pulitika. Ang ating misyon ay nakasalalay hindi sa pagbabago ng bansa sa pamamagitan ng reporma sa pulitika kundi sa pagbabago ng puso ng tao sa pamamagitan ng Salita ng Diyos. Kung iniisip ng isang mananampalataya na ang paglago ng Kristiyanismo at ng impluwensya ni Kristo ay maaaring iasa sa mga batas ng gobyerno, dinudumihan nito ang misyon ng Iglesya. Ang mandato sa mga Kristiyano ay ang ipangaral ang Ebanghelyo ni Kristo at mangaral laban sa mga kasalanan sa ating panahon. Tanging sa pamamagitan ng pagbabago ni Kristo sa puso ng indibidwal sa ating panahon lamang ang makakapagbago ng kultura ng tao. 

Ang mga mananampalataya na nabuhay sa kasaysayan ay lumago kahit na sa ilalim ng mga paganong gobyerno na lumalaban at naghihigpit sa Kristiyanismo. Ito ay totoong totoo sa mga mananampalataya noong unang siglo na sa kabila ng pamumuhay sa ilalim ng walang habag na rehimen at paguusig ng kultura ay napangalagaan ang kanilang pananampalataya. Naunawaan nila na hindi ang gobyerno ang dapat na mging ilaw at asin sa mundo. Sinunod nila ang turo ni Pablo na sumunod sila sa mga pinuno, at parangalan, igalang at ipanalangin sila (Roma 13:1-8). Higit na mahalaga, naunawaan nila na bilang mga mananampalataya, ang kanilang pag-asa ay nasa Diyos na siyang tunay na makapagiingat sa kanila. Totoo pa rin ito para sa atin ngayon. Kung susundin natin ang katuruan ng Kasulatan, tayo ay magiging ilaw ng sanlibutan gaya ng layunin ng Diyos para sa atin (Mateo 5:16). 

Hindi ang mga pulitiko ang tagapagligtas ng sanlibutan. Ang kaligtasan ng sangkatauhan ay nakasalalay sa Panginoong Hesu Kristo. Alam ng Diyos na mangangailangan ang mundo ng kaligtasan bago pa natatag ang mga pamahalaan. Ipinakita Niya sa mundo na ang katubusan ay hindi makakamtan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng tao, ng katatagan ng ekonomiya, ng kapangyarihang militar o ng pulitika. Ang kapayapaan ng isipan, kakuntentuhan, pag-asa at kagalakan – at ang kaligtasan ng sangkatauhan – ay makakamtan sa pamamagitan lamang ng Kanyang ibinibigay na pananampalataya, pag-ibig at biyaya sa sangkatauhan.

https://www.gotquestions.org


The Bible prophesy a one-world government and a one-world currency in the end times.

The Bible does not use the phrase "one-world government" or "one-world currency" in referring to the end times. It does,...