Marahil ang pinakamahalagang kaugnayan ng Islam at
Kristiyanismo ay ang sinasabi ng Koran tungkol kay Hesus. Ayon sa Koran,
ipinadala ni Allah si Hesus at Kanyang tinulungan sa pamamagitan ng Espiritu
Santo (Sura 2:87), itinaas ni Allah si Hesus (Sura 2:253), si Hesus ay matuwid
at walang kasalanan (Sura 3:46; 6:85; 19:19), si Hesus ay muling binuhay mula
sa mga patay (Sura 19:33-34), inutusan ni Allah si Hesus na magtayo ng
relihiyon (Sura 42:13), at si Hesus ay bumalik sa langit (Sura 4:157-158). Dahil
dito, dapat alamin at sundin ng mga tapat na Muslim ang mga itinuturo ni Hesus
(Sura 3:48-49; 5:46).
Detalyadong isinulat ng mga alagad ang mga aral ni Hesus sa
unang apat na aklat ng Bagong Tipan. Ayon sa Sura 5:111, ang mga alagad ni
Hesus ay tinulungan ni Allah na maniwala kay Hesus at sa kanyang mensahe. Ayon
naman sa Sura 61:6, 14, si Hesus at ang kanyang mga alagad ay mga katulong ni
Allah. At bilang mga katulong ni Allah, siguradong tama ang pagkakasulat nila
sa mga turo ni Hesus. Inuutos ng Koran sa mga Muslim na paniwalaan at sundin
ang Torah at ang unang apat na aklat sa Bagong Tipan (Sura 5:44-48). Dahil
walang kasalanan si Hesus, katotohanan lahat ang kanyang itinuro. At dahil ang
mga alagad ni Hesus ay mga katulong ni Allah, tama ang kanilang mga isinulat na
katuruan ni Hesus.
Itinuturo ng Koran na dapat pag-aralan ng mga Muslim ang mga
aklat sa Bagong Tipan tungkol kay Hesus. Hindi ito iuutos ni Allah kung hindi
mapagkakatiwalaan ang mga aklat na iyon. May mga bahagi ng Bibliya tungkol kay
Hesus na isinulat 450 taon bago pa isulat ang Koran. Napakaraming kopya na ang
nagawa mula sa apat na aklat ng Bagong Tipan. Kung ikukumpara ang lumang kopya
sa mga kopya sa panahon ni Muhamad at sa mga kopyang ginawa pagkatapos ng
panahon ni Muhamad ay makikita natin na halos walang pagkakaiba ang mga
sinasabi nila tungkol kay Hesus at sa kanyang mga turo. Walang kahit anong
ebidensya na may pinalitan o idinagdag sa mga aklat. Dahil dito, nakatitiyak
tayo na totoo ang lahat ng turo ni Hesus at walang anumang mali sa pagkasulat
sa unang apat na aklat ng Bagong Tipan. Patunay ito na iningatan ni Allah ang
tamang pagkakasulat sa mga aklat na naglalaman ng Mabuting Balita tungkol kay
Hesus.