Saturday, 22 July 2017

Aklat ng 1 Cronica

Manunulat: Hindi tiyakang tinukoy sa Aklat kung sino ang manunulat. Ang tradisyunal na itinuturing na manunulat ng 1 at 2 Cronica ay si Ezra. 

Panahon ng pagkasulat: Ang Aklat ng Cronica ay isinulat sa pagitan ng 450 at 425 B.C.

Layunin ng Sulat: Saklaw ng Aklat ng 1 at 2 Cronica ang karamihan ng impormasyon na tinalakay din sa 1 at 2 Hari. Higit na binigyang pansin lamang sa 1 at 2 Cronica ang aspeto ng pagkasaserdote. Nasulat ang Aklat pagkatapos ng pagkabihag upang tulungan ang mga Israelitang nagbalik sa Israel na maunawaan kung papaano ang tamang pagsamba sa Diyos. Ang kasaysayan ay nakatuon sa kaharian sa hilaga, ang tribu ni Judah, Benjamin at Levi. Ang mga tribung ito ay mas naging tapat sa Diyos kumpara sa ibang tribu.

Mga susing talata: 1 Cronica 11:1-2, "Ang buong Israel ay nagpunta kay David sa Hebron."Kami ay dugo ng iyong dugo at laman ng iyong mga laman," wika nila. "Nang panahong hari si Saul, pinangungunahan mo ang hukbo ng Israel sa pakikibaka, at ibinabalik mo silang muli. Sinabi sa iyo ni Yahweh na iyong Diyos ang ganito: 'Ikaw ang magiging Pastol ng aking bayang Israel. Ikaw ang mamamahala sa kanila."

1 Cronica 21:13, "Ako'y nasa gipit na katayuan," tugon ni David. "Ibig kong sa kamay ni Yahweh mahulog yamang mahabagin siya. Ayokong tao ang magpahirap sa akin." 

1 Cronica 29:11, "Sa iyo ang kadakilaan, ang kapangyarihan, ang karangalan at ang pagtatagumpay pagkat iyo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa. Sa iyo ang buong pamamahala at ikaw ang hari ng lahat."

Maiksing pagbubuod: Ang unang siyam na kabanata ng Aklat ng 1 Cronica ay inilaan para sa listahan ng mga angkan. Ang mga karagdagang listahan ng mga angkan ay nakakalat sa buong aklat. Sa kalagitnaan ng Aklat ng 1 Cronica, itinala ang pag-upo ni David sa trono at ang kanyang mga naging aksyon bilang hari pagkatapos. Ang Aklat ay nagtapos sa pagtatalaga kay Solomon Bilang hari ng Israel. Ang Aklat ng 1 Cronica ay naglalaman ng mga sumusunod: Kabanata 1:1-9:23 - Piniling talaan ng mga angkan; Kabanata 9:24-12:40 - pagluklok ni David sa trono; Kabanata 13:1-20:30 - Paghahari ni David. 

Mga pagtukoy kay Kristo: Sa awit ng pasasalamat ni David sa Diyos sa 1 Cronica 16:33, binanggit ni David ang panahon kung kailan darating ang Diyos "upang hukuman ang mundo." Tinutukoy nito ang Mateo 25 kung saan inilarawan ni Hesus ang panahon kung kailan Siya darating upang hukuman ang buong mundo. Sa pamamagitan ng talinghaga ng sampung dalaga at ng mga talento, isang babala ang ibinigay sa mga matatagpuan na hindi natubos ng dugo ni Hesus na sila ay itatapon sa pusikit na kadiliman sa labas. Hinihimok Niya ang Kanyang mga anak na maging handa dahil sa Kanyang pagdating, pagbubukurin Niya ang mga tupa at kambing para sa paghuhukom.

Bahagi ng tipan ng Diyos kay David na inulit ng Diyos sa kabanata 17 ay tumutukoy sa darating na Mesiyas na manggagaling buhat sa lipi ni David. Inilalarawan sa mga talata 13 -14 na isang Anak ang mamamahala sa bahay ni David at ang Kanyang trono ay mamamalagi magpakailanman. Ito ay tumumukoy kay Hesu Kristo lamang at wala ng iba.

Praktikal na Aplikasyon: Maaaring mainip tayo sa pagbabasa ng mga talaan ng angkan na gaya ng sa 1 Cronica ngunit ipinapaalala nito sa atin na kilala ng Diyos ang bawat isa sa Kanyang mga anak, na maging ang ating mga buhok sa ulo ay bilang Niyang lahat (Mateo 10:30). Maaari tayong makakuha ng kaaliwan sa katotohanan na maging sino man tayo at anuman ang ating ginagawa, ang mga iyon ay nasa isipan na ng Diyos mula pa sa walang hanggan. Kung tayo ay na kay Kristo, ang ating pangalan ay nakasulat na magpakailanman sa Aklat ng buhay ng Kordero (Pahayag 13:8). 

Tapat ang Diyos sa Kanyang mga anak at tutuparin Niya ang Kanyang mga pangako. Sa Aklat ng 1 Cronica, makikita natin ang katuparan ng pangako ng Diyos kay David ng gawin siyang hari sa buong Israel (1 Cronica 11:1-3). Nakatitiyak tayo na tutuparin din Niya ang Kanyang mga pangako sa atin. Ipinangako Niya ang pagpapala sa mga magsisisi at susunod sa Kanyang mga salita.

Nagdadala ang pagsunod ng pagpapala; hatol naman ang dala ng pagsuway. Ang Aklat ng 1 Cronica, gayundin ang Aklat ng 1 at 2 Samuel at 1 at 2 mga Hari ay mga salaysay ng paulit ulit na kasalanan, pagsisisi, pagpapatawad at pagpapanumbalik ng Diyos sa bansang Israel. Sa ganito ring paraan, nagtitiyaga ang Diyos sa atin at pinatatawad ang ating mga kasalanan kung lalapit tayo sa Kanya ng may tunay na pagsisisi (1 Juan 1:9). Inaaliw tayo ng katotohanan na pinakikinggan Niya ang ating mga dalangin ng kapighatian, pinatatawad ang ating mga kasalanan, pinapanumbalik ang ating relasyon sa Kanya at ibinabalik tayo sa landas ng kagalakan. 

https://www.gotquestions.org


The Bible prophesy a one-world government and a one-world currency in the end times.

The Bible does not use the phrase "one-world government" or "one-world currency" in referring to the end times. It does,...