Thursday, 6 July 2017

Maiksing pagbubuod ng pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa Bibliya.

Sa isang banda, ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa Bibliya ay hindi natatapos at walang hanggan dahil itinala dito ang paglikha (hindi alam ang eksaktong panahon: Genesis 1:1-31) hanggang sa katapusan ng mga panahon (Mateo 28:20). Sa isang praktikal na pananaw, ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa Bibliya na pinagkakasunduan ng mas nakararaming iskolar ay nagumpisa sa pagtawag ng Diyos kay Abram na pinalitan ng Diyos ang pangalan at ginawang Abraham (Genesis 17:4-6) noong taong 2166 B.C. at nagtapos sa pagsulat sa aklat ng Pahayag noong humigit kumulang A.D. 95. Bago ang pagsilang ni Abraham, nagsimula ang kasaysayan ng Bibliya sa aklat ng Genesis na naglalaman ng mayamang kasaysayan ng paglikha, nina Adan at Eba, ng pagbagsak ng tao sa kasalanan, ng mahabang talaan ng mga angkan, mga kuwento tungkol sa pagdurusa ng tao hanggang kay Noe at sa pandaigdigang baha (hindi rin alam kung anong taon eksaktong naganap) at marami pang iba. 

Sa pagitan ng panahon ng pagsilang ni Abraham at sa pagsulat ni Apostol Juan sa aklat ng Pahayag, nakatulong ang kasaysayan ng tao upang matukoy kung kailan naganap ang maraming pangyayari sa Bibliya at kung kailan nabuhay ang mga tao na tinukoy sa Luma at Bagong Tipan. Halimbawa, tinatayang nabuhay si Moises noong humigit kumulang 1526 BC at napasok ni Josue ang Lupang Panagko noong humigit kumulang 1406 BC. Ang yugto ng kasaysayan kung kailan lumabas ang 10 Hukom ng Israel ay nagtapos noong 1052 BC, sa pagsisimula ng paghahari ni Haring Saul, ang panahon na posibleng matiyak ang eksaktong taon sa kasaysayan gaya ng sinasang-ayunan ng mas nakararaming iskolar ng Bibliya. 

Si Haring Saul, ang kilalang haring si David – ang lahing pinanggalingan ng Panginoong Hesu Kristo - at ang matalinong haring si Solomon ang mga namuno sa nagkakaisang kaharian ng Israel. Noong 931 BC, pagkatapos ng paghahari ni Haring Solomon, nahati sa dalawa ang Israel, ang kaharian sa Hilaga at ang Kaharian sa Timog. Maraming hari ang namuno sa Hilagang Kaharian (tinawag ding Israel) at sa Timog (tinatawag ding Judah) hanggang sa bumagsak ang kaharian sa Hilaga noong 722 BC at bumagsak ang Jerusalem (ang kabisera ng kaharian sa Timog) noong 586 BC.

Nagtapos ang pagkakatapon ng Juda sa ibang bansa noong humigit kumulang 538 B.C. ng utusan si Ezra ni Haring Ciro ng Persia na bumalik sa Israel at itayo ang templo ng Diyos sa Jerusalem (Ezra 1). Naitatag na muli ng mga Hudyo ang bansang Israel mula sa taong ito hanggang noong humigit kumulang 432 BC, ng isulat ang huling aklat sa Lumang Tipan, ang Aklat ng Malakias. Ang mga sumunod ay yugto ng kasaysayan kung kailan ‘nanahimik’ ang Diyos sa pagitan ng Luma at Bagong Tipan na tumagal ng humigit kumulang sa 430 taon.

Noong humigit kumulang 5 BC, isinilang sa Betlehem ang Tagapagligtas na si Hesu Kristo. Pagkatapos na mamatay si Herodes na Dakila noong 4 B.C., nagbalik si Hesus kasama ang kanyang mga magulang sa Nazaret, Galilea (Mateo 2:19-23). Walang naitala sa mga pangyayari sa buhay ni Hesus sa sumunod na dekada, hanggang sa nakita natin ang 12 taong gulang na si Hesus na pinahanga ang mga guro sa templo (Lukas 2:40-52). Inumpisahan ni Hesus ang Kanyang ministeryo sa publiko noong humigit kumulang AD 27, na nagumpisa sa pagbabawtismo sa Kanya ni Juan Bautista (Mateo 3:13-17). Nagtagal ang ministeryo ni Hesus sa loob ng humigit kumulang na tatlo at kalahating taon.

Noong AD 29-30, ginugol ni Hesus ang marami sa Kanyang panahon sa Judea sa pangangaral, pagtuturo, paggawa ng mga himala – kasama ang pagbuhay kay Lazaro mula sa mga patay – at nagpatuloy ang Kanyang paghahanda sa mga alagad hanggang 40 araw pagkatapos ng Kanyang kamatayan. Noong mga unang yugto ng 30 AD, pumasok Siya sa Jerusalem. Sa huling linggo ng Kanyang buhay, ipinagdiwang ni Hesus ang paskuwa kasama ang Kanyang mga alagad kung kailan Niya itinatag ang Huling Hapunan (Lukas 22:14-20) at ibinigay ang Kanyang mga huling salita ng pamamaalam. Sa huli, pinagtaksilan Siya ni Hudas, hinuli, nilitis, ipinako sa krus at nabuhay na mag-uli (Mateo 26:36–28:8). Kinumpleto ng nabuhay na mag-uling Kristo ang 40 araw ng pagmiministeryo na nagtapos sa Kanyang pag-akyat sa langit (Gawa 1:3-11; 1 Corinto 15:6-7).

Pagkatapos na ipako at muling mabuhay ng Panginoong Hesus, isinulat ng Kanyang mga alagad ang mga aklat ng Bagong Tipan. Ang mga unang aklat ng Bagong Tipan (Galacia at Santiago) ay maaaring naisulat noong AD 49, o dalawang dekada pagkatapos ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesus. Nangangahulugan ito na ang mga orihinal na teksto ay isinulat ng mismong mga saksi na nagbigay ng impormasyon tungkol sa mga naganap sa buhay ni Hesus. Ang huling aklat ng Bagong Tipan ay ang aklat ng Pahayag na sinulat ni Apostol Juan noong humigit kumulang AD 95.

Nasa ibaba ang pagkakasunod-sunod ng mga tala sa kasaysayan ng mga panguhahing kaganapan sa Bibliya kasama ang mga taon: Tandaan: Ang mga taon ay pagtataya lamang. Gayundin, ang mga taon para sa unang kasaysayan ng tao (bago si Abraham) ay ginawa ayon sa pananaw ng isang batang mundo. 

4000 BC (?) — Paglikha sa mundo
2344 BC (?) — Si Noe at ang arko
2166 BC — Ang pagtawag kay Abram
2141 BC — Ang pagsilang ni Isaac
1526 BC —Ang pagsilang ni Moises
1446 BC — Ang paglabas ng mga Israelita mula sa Egipto 
1406 BC —Ang pagpasok ng bansang Israel sa Lupang Pangako 
1420 BC — Ang kamatayan ni Josue 
1052 BC — Ang pagtatalaga kay Saul bilang Hari ng Israel 
1011–971 BC — Ang paghahari ni Haring David
959 BC — Natapos ang Templo ni Solomon
931 BC — Ang pagkahati ng Kaharian
875–797 BC — Ang ministeryo nina Elias at Eliseo sa Israel 
739–686 — Ang ministeryo ni Isaias sa Juda
722 BC — Ang pagbagsak ng kaharian sa Hilaga sa Asiria 
586 BC — Ang pagbagsak ng kaharian sa Timog sa Babilonia
538–445 BC — Ang pagbabalik ng mga Hudyo sa Israel pagkatapos ng pagkakatapon
515 BC — Natapos ang pagtatayo ng ikalawang templo 
5 BC — Ang pagsilang ni Hesu Kristo 
AD 26–30 — Ang ministeryo ni Kristo na nagtapos sa Kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli 
AD 34 — Ang pagtawag kay Saulo ng Tarso
AD 44–47 — Ang unang pagmimisyon ni Pablo 
AD 49 — Ang konseho sa Jerusalem
AD 60 — Ang pagkabilanggo ni Pablo sa Roma 
AD 95 — Ang pangitain ni Juan sa isla ng Patmos at pagsulat sa aklat ng Pahayag

https://www.gotquestions.org


The Bible prophesy a one-world government and a one-world currency in the end times.

The Bible does not use the phrase "one-world government" or "one-world currency" in referring to the end times. It does,...