Saturday 9 September 2017

Ang Kaligtasan ba ay sa pamamagitan lamang ng pananampalataya o sa pamamagitan ng pananampalataya at mabubuting gawa?

Ito marahil ang pinakamahalagang katanungan sa lahat ng mga pag-aaral tungkol sa Diyos at sa Kristiyanismo. Ang katanungang ito ang naging sanhi ng repormasyon - ang pagkakahati-hati ng Protestante at Simbahang Katoliko. Ang sagot din sa katanungang ito ang susi upang makilala ang Biblikal na Kristiyanismo at ang mga kulto o hidwang pananampalataya ng Kristiyanismo. Ang kaligtasan ba ay sa pamamagitan lamang ng pananampalataya, o sa pamamagitan ng pananampalataya at mabubuting gawa? Ako ba ay naligtas sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Hesus, o kailangan kong manampalataya kay Hesus at gumawa pa ng ilang mga bagay upang ganap na maligtas?

Ang sagot sa katanungan kung sa pamamagitan ba ng pananampalataya lamang o ng pananampalataya at mga mabubuting gawa makakamit ang kaligtasan ay mas lalo pang pinahirap ng ilang mga talata sa Bibliya na tila mahirap pagkasunduin. Kung ihahambing ang Roma 3:28 at Galacia 3:24 sa Santiago 2:24, mapupuna na tila may pagkakaiba sa itinuturo ni Pablo (Kaligtasan sa pamamagitan lang ng pananampalataya) at sa itinuturo ni Santiago (Kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya at gawa). 

Ang totoo, hindi nagkakasalungatan ang itinuturo ni Pablo at Santiago. Ang punto ng hindi pagkakaunawaan na inaakala ng ilan ay ang relasyon sa pagitan ng pananampalataya at gawa. Matatag ang paninindigan ni Pablo na ang kaligtasan ay sa pamamagitan lamang ng pananampalataya (Efeso 2:8-9) samantalang lumalabas sa argumento ni Santiago na ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng pananampalataya na may kasamang gawa. Ang problemang ito ay nabigyang kasagutan sa pamamagitan ng masusing pagaaral sa kung ano talaga ang ibig sabihin ni Santiago. Pinabubulaanan ni Santiago ang paniniwalang ang isang tao ay mayroong pananampalataya subalit wala namang ibinubungang mabuting gawa (Santiago 2: 17-18). Binibigyang-diin lamang ni Santiago ang pangangatwiran na ang tunay na pananampalataya kay Kristo ay nagbubunga ng bagong buhay at mabubuting gawa (Santiago 2:20-26). Hindi sinasabi ni Santiago na ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng pananampalataya at gawa, sa halip kung ang isang tao ay totoong ligtas na, tiyak na makikita ang mabubuting gawa sa kanyang buhay. Kung ang isang tao ay nagaangkin na isa siyang mananampalataya, subalit wala namang mabubuting gawa na nakikita sa kanyang buhay - maaaring wala pa siyang tunay na pananampalataya kay Kristo (Santiago 2:14, 17, 20, 26).

Ganoon din ang sinasabi ni Pablo sa kanyang mga sulat. Ang mabubuting bunga na dapat makita sa buhay ng isang mananampalataya ay nakasulat sa Galacia 5:22-23. Matapos niyang sabihin na tayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi sa pamamagitan ng gawa (Efeso 2:8-9), ipinaalam sa atin ni Pablo na tayo ay nilalang upang gumawa ng mabuti (Efeso 2:10). Umaasa din si Pablo kagaya ni Santiago na mayroong pagbabagong naganap sa ating buhay, “Kaya't ang sinumang nakipag-isa na kay Kristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dating pagkatao, siya'y bago na” (2 Corinto 5:17)! 

Hindi nagkakasalungatan ang turo ni Pablo at ni Santiago tungkol sa kaligtasan. Tinitingnan lamang nila ang iisang paksa sa mag-kaibang pananaw. Binigyang diin lamang ni Pablo na ang kaligtasan ay sa pamamagitan lamang ng pananampalataya habang binigyang diin naman ni Santiago ang katotohanang ang pananampalataya kay Kristo ay tiyak na magbubunga ng mabubuting gawa.

https://www.gotquestions.org


The Bible prophesy a one-world government and a one-world currency in the end times.

The Bible does not use the phrase "one-world government" or "one-world currency" in referring to the end times. It does,...