Panahon ng Pagkasulat: Ang Aklat ni Obadias ay malamang na nasulat sa pagitan ng 848 at 840 B.C.
Layunin ng Sulat: Ang Aklat ni Obadias ang pinakamaiksing aklat sa Lumang Tipan. mayroon lamang itong 21 talata. Si Obadias ay isang propeta na ginamit ang pagkakataon upang kondenahin ang Edom dahil sa kasalanan nito sa Diyos at sa Israel. Ang mga Edomita ay nagmula sa lahi ni Esau, ang kakambal ni Jacob. Naapektuhan ng away sa pagitan ng magkapatid ang kani-kanilang mga angkan sa loob ng mahigit na 1,000 taon. Nagresulta ang hidwaang ito sa pagbabawal ng mga Edomita sa pagdaan ng bansang Israel sa kanilang lupain sa kanilang paglabas mula Ehipto. Ang pagmamataas ng Edom ang siyang dahilan ng mga hulang ito mula sa Panginoon sa pamamagitan ni Obadias.
Mga Susing Talata: Obadias talata 4, "Kahit na kasintaas ng pugad ng agila ang iyong bahay o maging kapantay ng mga bituin, hahatakin kitang pababa.."
Obadias talata 12, "Hindi mo dapat ikatuwa ang kabiguang sinapit ng iyong mga kapatid. Hindi tamang ikagalak mo pa ang kapahamakang nangyari sa mga taga-Juda. Hindi tumpak na sila'y pagtawanan mo sa araw ng kanilang kasawian."
Maiksing Pagbubuod: Ang mensahe ni Obadias ay tiyak at pinal: ganap na wawasakin ang Edom. Nagmataas ang Edom at pinagtawanan nila ang Israel sa mga kahirapang kanilang pinagdaanan sa tuwing sinasalakay sila ng mga kaaway at sa tuwing humihingi ng tulong ang bansang Israel, tumatanggi sila at sa halip ay nilalabaan nila ito sa halip na kampihn. Ang kasalanang ito ng pagmamataas ay hindi na palalampasin ng Diyos. Nagtapos ang aklat sa isang pangako ng tagumpay at kaligtasan sa Sion sa mga Huing Araw sa pagpapapanumbalik sa bansang Israel sa kanilang lupain habang pinaghaharian Niya ang mga ito.
Mga Pagtukoy kay Kristo: Naglalaman ang talata 21 ng Aklat ni Obadias ng hula tungkol kay Kristo at sa Kanyang iglesya. "Aakyat sa Bundok ng Sion ang mga tagapagpalaya, pamamahalaan nila ang Bundok ng Edom." at si Yahweh ang siyang maghahari." Ang mga "tagapagligtas" (na tinatawag ding "tagapagpalaya" sa ibang mga salin) ay ang mga apostol ni Kristo, ang mga lingkod ng Salita ng Diyos lalo't higit ang mga tagapangaral sa huling panahon. Tinawag silang "mga tagapagligtas" hindi dahil iniligtas nila tayo, kundi nangaral sila tungkol sa kaligtasan sa pamamagitan ng Ebanghelyo ni Kristo at ipinakita sa atin ang paraan upang makamit ang kaligtasan.Sila at ang kanilang salitang ipinangangaral ang kasangkapan kung paanong ang Mabuting Balita ng kaligtasan ay ipinangangaral sa lahat ng tao. Habang si Kristo ang tanging Tagapagligtas na siyang tanging namatay upang magkaloob ng kaligtasan at Siya ring may akda nito, maraming tagapagligtas at tagapagdala ng Ebanghelyo ang lalabas habang papalapit na papalapit ang Huling Panahon.
Praktikal na Aplikasyon: Ililigtas tayo ng Diyos sa ating mga kaaway kung patuloy tayong magtatapat sa Kanya. Hindi gaya ng Edom, dapat tayong maging handa na tumulong sa oras ng pangngailangan ng iba. Kasalanan ang pagmamataas. Wala tayong maipagmamalaki kundi ang Panginoog Hesu Kristo at ang Kanyang mga ginawa para sa atin.