Lukas
14:31-32 O aling hari, na kung sasalubong
sa pakikidigma sa ibang hari, ay hindi muna uupo at sasangguni kung makahaharap
siya na may sangpung libo sa dumarating na laban sa kaniya na may dalawangpung
libo? O kung hindi, samantalang malayo pa ang isa, ay magsusugo siya ng
isang sugo, at hihilingin ang mga kailangan sa pagkakasundo.
Hati
ang opinyon ng mamamayang Pilipino tungkol sa ginawang pakikipag-ayos ni
Pangulong Rodrigo Duterte sa bansang China tungkol sa sigalot doon sa
pinag-aagawang mga mumunting isla ng West Philippine Sea (China Sea). Bagama’t
nanalo ang Pilipinas sa inihaing arbitration case sa UNCLOS laban sa China
patuloy pa ring nagmamatigas ang bansang ito na kanila nga daw ang lahat ng mga
islang nasasakop ng buong China Sea. Palibhasa makapangyarihan ang bansang ito
hindi sila natinag sa lumabas na desisyon ng Arbitral Tribunal ng UNCLOS na
pumapabor sa Pilipinas. Patuloy pa ring isinagawa ang kanilang mga aktibidades
sa mga nasasakop nating mga isla hanggang sa natapos ito.
Ilang
ulit nang naipahayag ng Pangulong Duterte na walang kakayanan ang Pilipinas na
humarap sa pakikipagdigma sa higanting bansa na ito. Batid nating lahat kung
gaano sila kalakas sa militarya at ekonomiya. Mauuwi lamang sa kahihiyan at
katatawanan kung ang option ay pakikipagdigma sa kanila. Sa totoo lang wala
naman talaga tayong kapana-panalo dito. Salamat sa Diyos sa ibinigay na wisdom
sa ating Pangulo ang makipag-ayos na lamang sa China dahil ito ang nararapat at
gusto ng Diyos.
Resulta,
nanumbalik ang mabuting relasyon ng dalawang bansa, naiwasan ang kahihiyan sa
magiging resulta ng digmaan at naibigay ang mga kailangan sa pagkakasundo. Tulad
ng suportang pinansyal pang-ekonomeya at inprastruktura para sa Pilipinas at pananatili
ng kapayapaan sa West Philippine sea na naka-ayon sa binalangkas na Code of
Conduct kasama na ang iba pang mga bansa ng Asean. O! kay inam na mabuhay ng
may kapayapaan at walang digmaan. Kung tutuusin mas mahal ang halaga ng
rehabilitasyon pagkatapos ng digmaan kaysa
magagastos ng isang bansa sa pakikipagdigma!
Tulad
ni Hesus na isang makapangyarihang Hari ng mga hari. Anu’t patuloy na
nakikipagtunggali ang tao sa Kanya? Gamitin man natin ang lahat ng ating lakas,
talino at kayaman hindi tayo mananalo laban sa Kanya sa araw ng Kanyang
pagbabalik upang tayo’y hatulan. Mabuti pang makipagkasundo ka na lamang sa
Kanya habang may panahon pa, bago maging huli ang lahat.
May
mga nakalaang dakilang pangako ng pakikipagkasundo ang inihanda si Hesus para sa
atin –ang buhay na walang hangan. Juan 3:16 “Sapagka't gayon na lamang ang
pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak,
upang ang sinomang sa kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi
magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Pananampalataya lamang kay Hesus
ang hinihingi sa tao upang matanggap natin ang buhay na walang hanggan.
Bibigyan
Niya tayo ng kapahingahan sa mabibigat nating pasanin sa buhay kung lalapit
tayo sa Kanya. Mateo 11:28-30 “Magsiparito
sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo'y aking
papagpapahingahin. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin;
sapagka't ako'y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang
kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagka't malambot ang aking pamatok, at
magaan ang aking pasan.” Ito’y Kanyang panawagan sapagkat nais Niyang ipadama
sa atin na hindi Niya tayo pinababayaan at iniiwan. Sadyang tao lamang talaga
ang lumalayo sa Dios.
May
pangako Siya sa atin na mapapawi na ang lahat ng ating pagdurusa at wala nang
kamatayan. Pahayag 21:4 “At papahirin niya ang bawa't luha sa kanilang
mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng
dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay
naparam na.”
Sa
kabila ng Kanyang panawagan marami pa rin ang nagmamatigas. Gayunman, patuloy pa
rin Siyang nagpapadala ng emisaryo o sugo ng pakikipagkasundo sa Diyos tulad ng
mga apostol, mga pastor, mga propeta, mga tagapagturo at mga ebanghelista. Lukas 3:4-6
“Gaya ng nasusulat sa aklat ng salita ng propeta Isaias, Ang tinig ng isang
sumisigaw sa ilang, Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, Tuwirin ninyo ang
kaniyang mga landas. Lahat ng libis ay tatambakan, At pababain ang bawa't
bundok at burol; At ang liko ay matutuwid, At ang mga daang bakobako ay
mangapapatag; At makikita ng lahat ng laman ang pagliligtas ng Dios.”
Nakatakda
na ang lupit ng parusa ng Dios na ipapataw Niya sa mga taong ayaw magpasakop at
hindi nananalig sa Kanya. Mateo 24:21-22 “Sapagka't kung magkagayo'y
magkakaroon ng malaking kapighatian, na ang gayo'y di pa nangyayari buhat sa
pasimula ng sanglibutan hanggang ngayon, at ni hindi na mangyayari kailan
man. At malibang paikliin ang mga araw na yaon, ay walang lamang
makaliligtas: datapuwa't dahil sa mga hirang ay paiikliin ang mga araw na
yaon.”
Ito
ang Kanyang babala, makinig ang may pandinig! Kung nakakapangilabot ang digmaan
ng mga bansa sa bawat mga bansa. Higit na nakakakilabot ang gagawing
pakikidigma ng Panginoon Hesus sa dyablo at nang kanyang mga kampon kasama na
ang mga taong lumayo at nagmatigas laban sa Dios.
Nakapanghihilakbot
na pahayag ng Panginoon na mangyayari sa huling panahon, kaya ngayon pa lang
makipagkasundo ka na lang sa Kanya. Simple lang ang dapat mong gawin, isuko mo
ang iyong buhay kay Hesus, magsisi ka sa iyong mga kasalanan, tanggapin Siya
bilang Panginoon at Tagapagligtas ng iyong buhay. Amen!
Akda ni: Jovit D. Tilo
No comments:
Post a Comment