Ang Linggo ng Palaspas ay araw kung kailan ginugunita ang "matagumpay na pagpasok" ni Hesus sa Jerusalem eksaktong isang linggo bago ang Kanyang pagkabuhay na muli (Mateo 21:1-11). May 400 hanggang 500 taon bago maganap ang pangyayaring ito,na hinulaan ni Propeta Zacarias, "Sion, magalak ka at magdiwang! Umawit ka nang malakas, O Jerusalem! Pagkat ang hari mo ay dumarating na, mapagwagi at mapagtagumpay. Mapagpakumbaba siya at nakasakay sa isang bisirong asno" (Zacarias 9:9). Itinala sa Mateo 21:7-9 ang katuparan ng hulang ito: "Dinala nila ang inahing asno at ang bisiro. Isinapin nila sa likod ng mga ito ang kanilang balabal, at sumakay si Jesus. Maraming naglatag ng kanilang balabal sa daan; ang iba nama'y pumutol ng mga sanga ng kahoy at inilatag din sa daan. Nagsisigawan ang mga taong nauuna at sumusunod sa kanya: "Mabuhay ang Anak ni David! Pagpalain ang dumarating sa ngalan ng Panginoon! Purihin ang Diyos!"Ang pangyayaring ito ay naganap sa araw ng Linggo bago ipako si Hesus sa Krus.
Sa pagalaala sa pangyayaring ito, ipinagdiriwang natin ang Linggo ng Palaspas. Tinawag itong Linggo ng Palaspas dahil sa mga sanga at dahon ng palma na inilatag ng mga tao sa daraanan ni Hesus habang nakasakay sa isang asno papasok sa Jerusalem. Ang Linggo ng Palaspas ang katuparan ng hula ni Propeta Daniel tungkol sa "pitumpung pito: "Unawain mo ito: mula sa pagkabigay ng utos na muling itindig ang Jerusalem hanggang sa pagdating ng prinsipeng hinirang ng Diyos ay lilipas ang apatnapu't siyam na taon. Muling itatayo na ang Jerusalem. Aayusin ang mga lansangan at muog at mananatiling gayon sa loob ng 434 taon. Ngunit ang panahong iyon ay paghaharian ng kaguluhan" (Daniel 9:25). Sinasabi sa atin sa Juan 1:11, "Naparito siya (Hesus) sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng kanyang mga kababayan.." Ang parehong grupo ng mga taong iyon na sumigaw ng "Hosanna" ang siya ring sumigaw ng "ipako Siya sa krus" limang araw pagkatapos pumasok ni Hesus sa Jerusalem (Mateo 27:22-23).