Saturday, 8 April 2017

Ang tamang pananaw ng Kristiyano sa kayamanan.


Ang pananaw ng Kristiyano sa kayamanan ay dapat na manggaling sa Banal na Kasulatan. Maraming mga tao sa Lumang Tipan ang pinayaman ng Diyos. Pinangakuan ng Diyos si Solomon ng kayamanan at siya nga ang naging pinakamayamang hari sa buong mundo (1 Hari 3:11-13; 2 Cronica 9:22); Sinabi ni David sa 1 Cronica 29:12, “Sa inyo nagmumula ang kayamanan at ang karangalan at kayo ang naghahari sa lahat. Taglay ninyo ang kapangyarihan at kadakilaan, at kayo ang nagbibigay ng lakas at kapangyarihan sa lahat.” Si Abraham (Genesis 17-20), Jacob (Genesis 30-31), Jose (Genesis 41), Haring Josafat (2 Cronica 17:5), at marami pang iba ay pinagpala ng Diyos ng mga kayamanan. Gayunman, ang mga Hudyo ay lahing hinrang ng Diyos na Kanyang pinangakuan ng mga panlupang pangako at gantimpala. Binigyan sila ng lupain at lahat ng likas yaman doon. 

May bagong pamantayan ang Diyos sa Bagong Tipan para sa mga mananampalataya. Hindi ng Diyos binigyan ng lupain ang Iglesya o pinangakuan man ng mga kayamanang panlupa. Sinasabi sa atin sa Efeso 1:3, “Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal at makalangit dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo.” Sinabi ni Hesus sa Mateo 13:22 na ang binhi ng Salita ng Diyos na bumagsak sa matinik na damuhan ay naglalarawan sa “mga taong dumirinig ng mensahe ngunit dahil sa pagkabalisa sa maraming mga bagay at pagkahumaling sa kayamanan, ang mensahe ay nawalan ng puwang sa kanilang puso at ito ay hindi nagkaroon ng bunga sa taong iyon.” Ito ang unang pagbanggit sa panlupang kayamanan sa Bagong Tipan. Malinaw na hindi ito isang positibong paglalarawan sa kayamanan. 
Sinabi sa Markos 10:23, “Pinagmasdan ni Jesus ang mga nasa paligid niya at sinabi sa mga alagad, “Tunay ngang napakahirap para sa mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos!” Hindi imposible na makapasok ang mayayaman sa kaharian ng Diyos – dahil walang imposible para sa Diyos – ngunit magiging “mahirap” ito. Sa Lukas 16:13, binanggit ni Hesus ang tungkol sa “mammon” (salitang Aramaico para sa “kayamanan”): “Walang aliping makapaglilingkod sa dalawang panginoon: sapagka't kapopootan niya ang isa, at iibigin ang ikalawa; o di kaya'y magtatapat sa isa, at pawawalang halaga ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Dios at sa mga (mammon) kayamanan.” Muli, ipinakikita sa pananalita ng Panginoong Hesus ang negatibong impluwensya ng kayamanan sa espiritwalidad at maaaring ito ang maging dahilan ng paglayo ng tao sa Diyos. 

Binabanggit sa Roma 2:4 kung ano ang tunay na kayamanan na ipinagkaloob ng Diyos sa atin ngayon: “O hinahamak mo ang mga kayamanan ng kaniyang kabutihan at pagtitiis at pagpapahinuhod, na hindi mo nalalaman na ang kabutihan ng Dios ay siyang umaakay sa iyo sa pagsisisi?” Ito ang mga kayamanan na na may kinalaman sa buhay na walang hanggan. Muli itong binanggit sa Roma 9:23-24, “At upang maipakilala ang kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa, na kaniyang inihanda nang una pa sa kaluwalhatian, maging sa atin na kaniya namang tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi naman mula sa mga Gentil?” Sinabi din ito sa Efeso 1:7: “Na sa kaniya'y mayroon tayo ng ating katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang biyaya.” Patungkol sa kahabagan ng Diyos, pinapurihan ni Pablo ang Diyos sa Roma 11:33, “Oh kalaliman ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman ng Dios! oh di matingkalang mga hatol niya, at hindi malirip na kaniyang mga daan!” Ang binibigyang diin sa Bagong Tipan ay ang kayamanang espiritwal na ipinagkaloob ng Diyos sa atin: “Yamang naliwanagan ang mga mata ng inyong puso, upang maalaman ninyo kung ano ang pagasa sa kaniyang pagtawag, kung ano ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng kaniyang pamana sa mga banal” (Efeso 1:18b). Nais ng Diyos na ipaalam sa atin ang ating mga kayamanan sa langit: “At tayo'y ibinangong kalakip niya, at pinaupong kasama niya sa sangkalangitan, kay Cristo Jesus: upang sa mga panahong darating ay maihayag niya ang dakilang kayamanan ng kaniyang biyaya sa kagandahang-loob sa atin kay Cristo Jesus” (Efeso 2:6-7).

Ito ang mga kayamaman na ninanais ng Diyos para sa atin: “Dahil dito ay iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama, upang sa inyo'y ipagkaloob niya, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian, na kayo'y palakasin ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu sa pagkataong loob;” (Efeso 3:14, 16).Ang pinakamagandang talata marahil para mga mananampalataya sa Bagong Tipan patungkol sa kayamanan ay ang Filipos 4:19, “At pupunan ng aking Dios ang bawa't kailangan ninyo ayon sa kaniyang mga kayamanan sa kaluwalhatian kay Cristo Jesus.” Isinulat ito ni Pablo sa mga taga Filipos ng magpadala sila ng mga kaloob upang matugunan ang kanyang mga pangangailangan habang nasa bilangguan. 

Nabibigay ng babala ang 1Timoteo 6:17 sa mayayaman: “Ang mayayaman sa sanglibutang ito, ay pagbilinan mo na huwag magsipagmataas ng pagiisip, at huwag umasa sa mga kayamanang di nananatili, kundi sa Dios na siyang nagbibigay sa ating sagana ng lahat ng mga bagay upang ating ikagalak.” May babala din si Santiago sa ikalimang kabanata ng kanyang sulat mula talata isa hanggang tatlo: “Magsiparito ngayon, kayong mayayaman, kayo'y magsitangis at magsihagulhol dahil sa mga karalitaan ninyong sa inyo'y darating. Ang inyong mga kayamanan ay mga bulok, at ang inyong mga damit ay nginangatngat ng tanga. Ang inyong ginto at ang inyong pilak ay kinakalawang na; at ang mga kalawang na ito ay siyang magiging patotoo laban sa inyo, at gaya ng apoy na lalamunin ang inyong laman. Kayo'y nagtipon ng inyong mga kayamanan sa mga huling araw.” Ang huling beses na binanggit ang kayamanan sa Bibliya ay sa Pahayag 18:17, kung saan inilalarawan ang pagkawasak ng Babilonia: “Sapagka't sa loob ng isang oras ay nalipol ang gayong malaking kayamanan!”

Sa pagbubuod, pinangakuan ng Diyos ang bansang Israel ng mga panlupang pangako at gantimpala bilang Kanyang lahing hinirang sa mundong ito. Nagbigay ang Diyos ng maraming ilustrasyon at paglalarawan sa pamamagitan nila. Maraming tao ngayon ang nagnanais na angkinin ang mga pagpapala ng Diyos ngunit ayaw tanggapin ang Kanyang sumpa. Gayunman, sa patuloy na progreso ng kapahayagan ng Diyos, ipinahayag sa atin ng Diyos sa pamamagitan ni Hesu Kristo ang isang mas dakilang ministeryo: “Datapuwa't ngayo'y kinamtan niya ang ministeriong lalong marangal, palibhasa'y siya nama'y tagapamagitan sa isang tipang lalong magaling, na inilagda sa lalong mabubuting pangako” (Hebreo 8:6).

Hindi kinukundena ng Diyos ang sinuman sa pagkakaroon ng kayamanan. Dumarating ang kayamanan sa tao sa iba’t ibang kaparaanan ayon sa kapahintulutan ng Diyos. Ngunit nagbibigay Siya ng babala sa mga taong naghahabol sa kayamanan ng higit sa Diyos at nagtitiwala sa kayamanan ng higit sa pagtitiwala nila sa Kanya. Ang pinakadakilang naisin ng Diyos para sa atin ay ituon natin ang ating mga puso sa mga bagay na panlangit hindi sa mga bagay na panlupa. Tila imposible ito at hindi kayang gawin ng tao ngunit isinulat ni Apostol Pablo, “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa doon sa nagpapalakas sa akin” (Filipos 4:13). Ang sikreto ay ang pagkilala sa Panginoong Hesu Kristo at sa pagpapasakop sa Banal na Espiritu upang baguhin ang ating puso at isip ayon sa kalooban Niya para sa atin (Roma 12:1-2).



The Bible prophesy a one-world government and a one-world currency in the end times.

The Bible does not use the phrase "one-world government" or "one-world currency" in referring to the end times. It does,...