Ang pagsamba ay nangangahulugan ng “pagpugugay sa isang itinuturing na Diyos.” Kung sinamba si Hesus at tinanggap Niya ang pagsambang iniukol sa Kanya, nangangahulugan ito na Siya ay tunay na Diyos. Mahalaga ito dahil may mga tinatanggihan at hindi pinaniniwalaan ang pagka-Diyos ni Hesus at sa halip, inilalagay Siya sa isang posisyon na mas mababa sa Diyos. Oo, tinanggap ni Hesus ang pagsamba ng mga tao. Bilang ikalawang persona sa Trinidad, sinamba Siya at dapat Siyang sambahin magpakailanman.
Mula sa umpisa ng buhay ni Hesus sa lupa, makikita natin ang mga halimbawa ng pagsamba sa Kanya ng mga tao. Pagkakita pa lamang ng mga pantas sa sanggol na si Hesus, “nangagpatirapa sila at nangagsisamba sa kaniya” (Mateo 2:11). Itinala sa Bibliya ang inisyal na tugon ng mga tao ng pumasok Siya sa Jerusalem: At ang mga karamihang nangasa unahan niya, at ang nagsisunod, ay nagsisigawan, na nagsisipagsabi, Hosana sa Anak ni David: Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon: Hosana sa kataastaasan! Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon, sa makatuwid baga'y ang Hari ng Israel’” (Mateo 21:9; Juan 12:13). Ang salitang hosanna ay isang pakiusap sa pagliligtas at pagpapahayag ng pagsamba. Ang salitang ito na ginamit ng mga taong sumalubong kay Hesus ay isang uri ng pagsamba.
Pagkatapos na mamangha ang mga alagad kay Hesus dahil sa paglakad Niya sa ibabaw ng tubig, “At ang mga nasa daong ay nagsisamba sa kaniya, na nangagsasabi, ‘Tunay na ikaw ang Anak ng Dios’” (Mateo 14:33). May dalawang hindi malilimutang halimbawa ng pagtanggap ni Hesus sa pagsamba pagkatapos Niyang mabuhay na mag-uli. Ilang babae (Mateo 18:1; Markos 16:1; Lukas 24:10) ang papunta sa mga alagad upang sabihin sa kanila ang tungkol sa Kanyang pagkabuhay na mag-uli ang sinalubong ni Hesus habang daan, “At sila'y nagsilapit at niyakap ang kaniyang mga paa, at siya'y sinamba” (Mateo 28:9).
Pagkatapos, nagpakita si Hesus kay Tomas na hindi naniniwala na nabuhay na Siyang mag-uli kahit na pinatunayan ng ibang mga alagad ang tungkol dito. Isang linggo na ang nakalipas pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli ni Hesus, ngunit nagdududa pa rin si Tomas. Alam ni Hesus na nagdududa si Tomas kaya’t nagpakita Siya sa kanya at ipinakita ang marka ng pako sa Kanyang mga kamay at paa. Ano ang reaksyon ni Tomas? “Sinabi ni Tomas kay Hesus, ‘Panginoon ko at Diyos ko!’” (Juan 20:28). Wala isa man sa mga pangyayaring ito na ipinagbawal ni Hesus ang pagsamba sa Kanya, gaya ng pagbabawal ng mga tao at ng mga anghel sa pagsamba sa kanila (Gawa 10:25–26; Pahayag 19:9–10).
Patuloy tayong nagaalay ng pagsamba kay Hesus ngayon sa pamamagitan ng pagaalay sa Diyos ng ating buhay bilang buhay na handog anumang oras natin nasain, sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya (Roma 12:1–2). Sinabi ni Hesus, “Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya'y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan” (Juan 4:24). Sinasamba natin ang Diyos sa espiritu at katotohanan sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos. Ang pagsamba ay hindi lamang pagyukod at pagluhod kay Hesus o paglalatag ng mga sanga ng palma sa Kanyang daraanan, o pag-awit at pagsigaw ng ating pagpupuri. Ang pagsamba ay pagkilala kay Hesus, pakikipagrelasyon, paglilingkod at pagtitiwala sa Kanya.