Sa buong Kasulatan, makikita natin ang napakaraming pangyayari kung saan may mahalagang papel na ginampanan ang mga anghel sa plano ng Diyos. May isang talata na nagpapahiwatig na may kasama tayong mga anghel sa mundo ngayon: “Palaging maging bukás ang inyong mga tahanan para sa mga taga-ibang bayan. May ilang tao noon na nakapagpatulóy ng mga anghel, lingid sa kanilang kaalaman” (Hebreo 13:2). Ang talatang ito ay isang pagtukoy kay Abraham kung kailan nagpakita sa kanya ang kanyang mga bisitang anghel sa anyong tao (Genesis 3:18). Ang talatang ito ay maaaring makapagbigay sa atin ng kumpirmasyon o magpasubali na tunay ngang may mga anghel tayong nakakasalamuha sa mundo bagama’t hindi natin sila nakikita; ang salitang “nagpakita” sa talata ay nasa pangnagdaan, kaya ang pagpapakita ng mga anghel sa kasalukuyan ay hindi partikular na nabanggit sa talata.
Ngunit kasama ba natin sila sa mundo? Kung gagamitin sila ng Diyos para sa Kanyang itinalagang plano para sa atin, oo, tiyak na maaari natin silang makasama upang isakatuparan ang plano ng Diyos. Binanggit ang mga anghel sa Genesis at sa aklat ng Pahayag bilang mga saksi sa paglikha sa mundo (Job 38:7). Ginamit ng Diyos ang Kanyang mga anghel sa langit sa pasimula ng panahon at Kanya silang gagamitin sa pagwawakas ng panahon sang-ayon sa Kasulatan. Posible na maraming tao sa mundo ngayon ang nakakasalamuha ang mga anghel ng hindi nila namamalayan.