Ang Semana Santa ay ang panahon sa pagitan ng Linggo ng Palaspas at
Linggo ng Pagkabuhay. Nakapaloob sa Semana Santa ang Huwebes Santo,
Biyernes Santo at Sabado de Gloria. Tinawag itong Semana Santa dahil sa
paghihirap na kusang loob na pinagdaanan ni Hesus hanggang sa ipako
Siya sa krus upang bayaran ang kasalanan ng Kanyang mga hinirang. Ang
Semana Santa ay inilarawan sa Mateo kabanata 21 hanggang kabanata 27;
Markos kabanata 11 hanggang 15; Lukas kabanata 19 hanggang 23; at Juan
kabanata 12 hanggang 19. Nagumpisa ang Semana Santa sa matagumpay na
pagpasok ni Hesus sa Jerusalem sa Linggo ng Palaspas sakay ng isang asno
ayon sa inihula sa Zacarias 9:9.
Nakapaloob sa Semana Santa ang ilang hindi malilimutang pangyayari.
Nilinis ni Hesus ang templo sa ikalawang pagkakataon (Lukas 19:45-46),
at pinatunayan sa mga Pariseo ang Kanyang awtoridad. Pagkatapos,
ibinigay Niya ang Kanyang sermon sa Bundok ng Olibo tungkol sa mga
magaganap sa katapusan ng mga panahon at itinuro ang maraming mga bagay
kasama ang mga tanda ng Kanyang muling pagparito. Idinaos ni Hesus ang
Huling Hapunan kasama ang Kanyang mga alagad sa isang silid sa itaas
(Lukas 22:7-38), pagkatapos, nagtungo sila sa hardin ng Getsemene upang
manalangin at maghintay sa pagdating ng Kanyang oras. Doon sa hardin ng
Getsemane siya dinakip matapos na ipagkanulo ni Hudas pagkatapos ay
dinala siya, una sa harap ng mga punong sasetdote, pagkatapos kay Pontio
Pilato at kay Herodes sa serye ng isang mabilisan at hindi
makatarungang paglilitis (Lukas 22:54-23:25).Pagkatapos ng mga paglilitis, ipinahagupit si Hesus sa kamay ng mga sundalong Romano at sapilitang ipinabuhat sa Kanyang balikat ang Krus na Kanyang pagpapakuan sa mga lansangan ng Jerusalem na tinatawag ding via dolorosa o daan ng pagdurusa. Pagkatapos ay ipinako Siya sa krus sa bundok ng Golgota bago ang Araw ng Sabbath, inilibing at nanatili ang katawan doon hanggang sa Araw ng Linggo, ang araw pagkatapos ng Sabbath, at doon siya maluwalhating nabuhay na mag-uli.
Tinawag itong Semana Santa dahil sa panahong ito, tunay na ipinakita ni Hesus ang Kanyang pag-ibig para sa atin sa pamamagitan ng Kanyang kusang loob na pagtanggap ng parusa na dapat sana ay para sa atin. Ano ang dapat nating maging saloobin sa Semana Santa? Nararapat tayong maging maalab sa ating pagsamba kay Hesus at sa ating pagpapahayag ng Ebanghelyo! Dahil sa Kanyang pagdurusa para sa atin, dapat din naman tayong maging handa sa mga pagdurusa dahil sa ating pagsunod sa Kanya at sa ating pagpapahayag ng mensahe tungkol sa Kanyang kamatayan at pagkabuhay na muli.