Ang pinakamabisang pamamaraan ng pagdidisiplina ng mga anak ay isang gawaing mahirap matutunan subalit napakahalaga. May mga nagsasabi na ang pagdidisiplinang pisikal o pagpaparusa sa pamamagitan ng pagpalo ay ang tanging paraan na itinataguyod ng Bibliya. Iginigiit naman ng iba na ang pag-alis sa bata mula sa kapaligiran kung saan niya natututuhan ang masamang asal at iba pang paraan ng pagpaparusa maliban sa pisikal na pagdidisipilina ay higit na mabisa. Ano nga ba ang sinasabi ng Bibliya? Ang Bibliya ay nagtuturo na ang disiplinang pisikal ay nararapat, nakatutulong at kinakailangan.
Hindi namin itinataguyod ang pagmamalupit sa bata. Ang bata ay hindi dapat isailalim sa pagdidisiplinang pisikal na magiging sanhi ng pinsala sa katawan. Ayon sa Bibliya, ang angkop na pagdidisiplinang pisikal sa mga bata ay isang mabuting bagay at makatutulong sa kanilang kapakanan at sa tamang pagpapalaki ng bata.
Maraming mga talata sa Kasulatan ang nagtataguyod sa pisikal na pagdidisiplina."Disiplinahin mo ang bata. Ang wastong pagpalo ay hindi niya ikamamatay. Inililigtas mo pa siya sa daigdig ng mga patay." (Kawikaan 23:13-14; tingnan din ang 13:24; 22:15; 20:30). Binibigyang diin ng Bibliya ang kahalagahan ng pagdidisiplina; ito ay isang bagay na kinakailangan nating lahat upang tayo ay maging kapakipakinabang, at ito ay mas madaling matutunan kung tayo ay bata pa. Ang mga batang hindi dinidisiplina ay kadalasang lumalaking suwail, walang paggalang sa mga may kapangyarihan at nahihirapang sumunod sa Diyos ng maluwag sa kalooban. Ang Diyos mismo ay gumagamit ng disiplina upang tayo ay ituwid at akayin sa tamang daan at himukin na magsisi mula sa ating mga maling gawa. ( Awit 94:12; Kawikaan 1:7; 6:23; 12:1; 13:1; 15:5; Isaias 38:16; Hebreo 12:9)
Upang ang pagdidisiplina ay mailapat ng tama at naaayon sa mga tuntunin ng Bibliya, ang mga magulang ay dapat na may kaalaman sa mga itinuturo ng Bibliya patungkol sa pagdidisiplina.
Ang aklat ng Kawikaan ay naglalaman ng napakaraming karunungan patungkol sa pagpapalaki ng mga anak. Sinabi sa Kawikaan 29:15, "disiplina at pangaral, hatid ay karunungan; ngunit ang batang suwail, sa magulang ay kahihiyan". Binabanggit ng talatang ito ang resulta ng hindi pagdidisiplina ng mga anak - sila'y magiging kahihiyan ng mga magulang. Ang nararapat na layunin ng pagdidisiplina ay para sa ikabubuti ng bata at hindi ito dapat na maging daan sa pang-aabuso at paggawa ng masama sa mga bata. Hindi ito dapat na ginagamit ang pagdidispilina upang mairaos lamang ang galit o kabiguan ng magulang.
Ang pagdidisiplina ay ginagamit upang itama at turuan ang tao sa tamang pamumuhay. "Habang tayo'y itinutuwid, hindi tayo natutuwa kundi naghihinagpis, ngunit pagkatapos niyon, mararanasan natin ang kapayapaang bunga ng matuwid na pamumuhay" (Hebreo 12:11). Ang disiplina ng Diyos ay mapagmahal, tulad din dapat ng pagdidisiplina ng magulang sa kanyang mga anak. Ang disiplinang pisikal ay hindi dapat ginagamit para magdulot ng sugat at pinsala sa katawan. Ang parusang pisikal ay dapat laging sundan ng agarang pag-aliw sa bata upang bigyan siya ng katiyakan na siya ay minamahal pa rin. Ang mga sandalin ng pagdidisiplina ang tamang panahon upang ituro sa mga bata na tayo man ay dinidisiplina din ng Diyos sapagkat mahal Niya tayo at bilang mga magulang, ginagawa rin natin ito sa kanila.
Maaari bang isakatuparan din ang ibang paraan ng pagdidisiplina tulad ng pag-alis sa bata mula sa kapaligiran kung saan niya natututuhan ang masamang asal at iba pang paraan ng pagpaparusa sa halip na pagdidisiplinang pisikal? May mga magulang na nagsasabi na ang pag-alis sa bata mula sa kapaligiran kung saan niya natututuhan ang masamang asal ay mas mabisang paraan upang baguhin ang kanilang ugali. Kung nakatutulong ito sa kanilang anak, maaaring gamitin ng magulang ang mga pamamaraang ito kung higit na nakatutulong ito sa pagbabago ng kanilang ugali. Habang ang Bibliya ay hindi ikinakaila ang pagdidisiplinang pisikal, pinahahalagahan din naman ng Bibliya ang ibang paraan kung ito ay para sa ikabubuti ng mga anak.
Ang nagpapahirap sa paksang ito ay ang pagbubukod-bukod sa mga pamamaraan sa pagdisiplina na ginagawa ng pamahalaan dahil sa dumaraming kaso ng pang aabuso sa bata. Maraming mga magulang ang hindi na namamalo ng kanilang anak sa takot na isumbong sila ng kanilang anak sa kinauukulan at ang panganib na kukunin sa kanila ang mga anak. Ano ang dapat gawin ng magulang kung ginawang labag sa batas ng pamahalaan ang pagdidisiplinang pisikal sa bata? Ayon sa Roma 13:1-7, ang mga magulang ay dapat magpasakop sa pamahalaan. Ang pamahalaan ay hindi dapat sumasalungat sa Salita ng Dios, at ang pisikal na pagdidisiplina ay ayon sa Bibliya, para sa ikabubuti ng mga bata. Gayun pa man, ang pagpapananatili ng mga bata sa mga sambahayan na kung saan ay makatatanggap sila pisikal na pagdidisiplina ay higit na mabuti kaysa maligaw ang mga bata sa "pangangalaga" ng pamahalaan.
Sa Efeso 6:4, Iniutos sa mga ama na huwag ipamungkahi sa galit ang kanilang mga anak: kundi sila'y turuan ayon sa "saway at aral ng Panginoon" kasama na rito ang pagpipigil, pagtutuwid, at oo, ang pagdidisiplinang pisikal sa diwa ng pagibig.