Napakaraming kalituhan tungkol sa kung ano ba ang Linggo ng Pagkabuhay. Para sa iba, ang Linggo ng Pagkabuhay ay tungkol sa isang kuneho, mga makukulay na itlog na may mga dibuho, at paghahanap ng mga nakatagong itlog. Maraming tao naman na alam na ang Linggo ng Pagkabuhay ay tungkol sa pagkabuhay ni Hesus, ngunit nalilito kung ano ang kinalaman ng kuneho at ng mga itlog sa okasyong ito.
Kung paguusapan ang Bibliya, talagang walang kinalaman ang mga pangkaraniwang tradisyon ng tao sa kasalukuyan sa pagkabuhay ni Hesus. Upang malaman ang dahilan sa likod ng mga tradisyon sa Linggo ng Pagkabuhay, basahin ang aming artikulo tungkol sa paksang ito. Sa esensya, para mas maging kaakit-akit ang Kristiyanismo sa mga hindi Kristiyano, inihalo ng Simbahang Katoliko ang mga selebrasyong pagano sa selebrasyon ng pagkabuhay na muli ni Hesus. Ang mga itlog at kuneho ay bahagi ng "fertility rituals" ng mga pagano noong unang panahon. Ang mga ritwal na ito na ginaganap ng mga pagano tuwing tag-sibol ay ang dahilan sa likod ng mga kinulayang itlog at kuneho tuwing Linggo ng Pagkabuhay.
Malinaw ang tala ng Bibliya na nabuhay na mag-uli si Hesus sa unang araw ng sanlinggo, na araw ng Linggo (Mateo 28:1; Markos 16:2,9; Lukas 24:1; Juan 20:1,19). Sadyang nararapat na ipagdiwang ng mga Kristiyano ang pagkabuhay na muli ni Hesus (tingnan ang 1 Corinto 15). Habang nararapat na alalahanin ang pagkabuhay na muli ni Hesus sa araw ng Linggo, hindi dapat tawagin ang araw na ito na Easter Sunday. Walang kinalaman ang salitang "Easter" sa pagkabuhay na muli ni Hesus.