Ayon sa Genesis 1: 26-27
"Sinabi ng Diyos, "Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa
ating wangis; at magkaroon sila ng pamamahala sa mga isda sa dagat, sa mga ibon
sa himpapawid, sa mga hayop, sa buong lupa, at sa bawat gumagapang sa ibabaw ng
lupa. Kaya't nilalang ng Diyos ang tao ayon sa Kanyang sariling larawan, ayon
sa larawan ng Diyos siya nilalang. Sila'y Kanyang nilalang na lalaki at
babae."
Ipinahihiwatig ng mga talatang
ito na malaki ang pagkakaiba ng paglikha sa tao kumpara sa ibang mga nilalang ng
Diyos. Ang tao ay nilalang na may kakayahan na magkaroon ng relasyon sa Diyos.
Nilalang tayo ng Diyos na mayroong materyal at hindi materyal na sangkap. Ang
mga materyal na sangkap ay ang mga bahagi ng ating katauhan na nahihipo: ang
pisikal na katawan at ang iba pang bahagi ng katawan. Sinasabi sa Bibliya na
mananatili lamang ang mga sangkap na ito habang nabubuhay ang isang tao. Ang
mga hindi materyal na sangkap naman ng tao ay yaong mga hindi nahihipo: gaya ng
kaluluwa, espiritu, katalinuhan, kalooban, konsensya, at iba pa. Ang ganitong
mga hindi materyal na sangkap ayon sa Bibliya ay nananatili pa rin kahit
natapos na ang buhay ng isang tao dito sa mundo.
Tinukoy ng mga talatang ito na ang Diyos ay Diyos ng mga espiritu at namamay-ari ng sangkatauhan. Kawikaan 4:23, "Ingatan mo ang iyong puso ng buong sikap; Sapagka't dinadaluyan ng buhay." Sinasabi sa talatang ito na ang puso ay ang sentro ng kalooban at emosyon ng tao. Sa Gawa 23:1 sinabi ni Pablo, "Mga kapatid na lalake, ako'y nabuhay sa harapan ng Diyos sa buong kabutihan ng budhi hanggang sa mga araw na ito." Roma 12: 1- "Kaya nga, mga kapatid, ipinamamanhik ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na inyong iharap ang inyong mga katawan na isang haing buhay, banal, na kaayaaya sa Diyos, na siya ninyong katampatang pagsamba."
Makikita sa mga talatang ito na
ang lahat ng tao ay may materyal at hindi materyal na sangkap. Ang mga
nabanggit na talata ay ilan lamang sa napakaraming mga patunay sa pagkakaroon
ng tao ng materyal at hindi materyal na sangkap.
Habang ang karamihan sa mga
diskusyon tungkol sa hindi materyal na sangkap ng tao ay nakatuon sa kaluluwa
at espiritu, nagpapakita naman ang Kasulatan ng mas marami pang sangkap kaysa
doon. Sa isang banda ang mga aspetong binanggit sa itaas (kaluluwa, espiritu,
puso, konsensya, at kaisipan) ay may kaugnayan sa isa't isa. Ang kaluluwa at
ang espiritu ang mga pangunahing hindi materyal na sangkap ng tao. Sila ang
maaaring nagtataglay ng iba pang mga sangkap. Dahil dito, ang tao ba ay
dichotomous (binubuo lamang ng dalawang sangkap na matatawag na materyal o ng
katawan at hindi materyal, kaluluwa at espiritu), o trichotomous (may talong
sangkap: ang katawan, kaluluwa at espiritu).
Mahirap maging dogmatiko sa
katuruang ito sapagkat may mga talata sa Bibliya na sumusuporta sa dalawang
pananaw na ito. Ang isang mahalagang talata na maaring tingnan ay ang aklat ng
Hebreo 4:12, "Sapagka't ang salita ng Diyos ay buhay, at mabisa, at
matalas kay sa alin mang tabak na may dalawang talim, at bumabaon hanggang sa
paghihiwalay ng kaluluwa at Espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak, at madaling
kumilala ng mga pag-iisip at mga haka ng puso."
Sinasabi sa atin sa talatang ito
ang dalawang katotohanan. (1) maaaring magkaiba ang kaluluwa at Espiritu. (2)
ang dibisyon sa kaluluwa at espiritu ay isang misteryo na tanging ang Diyos
lamang ang nakakaalam. Tayo'y nakasisiguro na bilang mga tao, tayo ay mayroong
katawan, kaluluwa, espiritu at iba pang imateryal na katangian gaya ng
katatalinuhan, konsensya, at iba pa. Gayon man, sa halip na ituon natin ang
ating pansin sa ganitong mga argumento, mas makabubuting pagtuunan natin ng
pansin ang mga bagay tungkol sa Diyos dahil Siya ang may lalang sa atin (Awit
139:14).