Monday, 20 March 2017

PINALAYA MULA SA MGA KAPANGYARIHAN NG KADILIMAN - Kabanata 1


Ang Aking Pagtakas patungo sa Bagong Buhay

Kwentong patotoo ni Emmanuel Eni

"Sanayin ang isang bata sa landas na dapat niyang tahakin at kapag matanda na siya, hindi na siya lalayo mula rito." (Mga Kawikaan 22: 6).

Ito ay isang kapahayagan ng mga gawa ng Diyos - makapangyarihan, kamanghamangha at mahiwaga – bilang pagsunod sa utos ni HesuKristo sa akin na nagsasabing: “Humayo ka at magpatotoo kung ano ang ginawa ko para sa iyo.”

Kalimitan ang sinuman ay mag-iisip na ang kasawiang-palad ay isang gawa ng kapalaran at wala tayong magagawa na baguhin ang mga kaganapan ng ating mga buhay. Sa isang banda ito ay totoo. Sa kalagayan ng isang anak ng Diyos, ang kanyang buhay ay naitakda o planado na (Kawikaan 16: 9). Sa mangyari man o hindi ang plano nakadepende sa ilang bilang ng mga kadahilanan o sanhi, ang pagiging malapit ng isang tao sa Diyos, ang kanyang pananaw tungkol sa ganap na layunin ng buhay, at ang panlipunang-espiritual na kalagayan na masusumpungan niya ang kanyang sarili.

Ang landas ng iyong buhay ay hinamon sa pamamagitan ng ilang panlabas na sanhi. Ang panganib ay narating kapag ginawa mong ibigay ang iyong PAGPAPASYA sa alin man, para sa kabutihan o kasamaan. Maaari kang magmahal o mamuhi. Maaari mong hilingin na maunawaan o di maunawaan. Ang pagnanasang sumunod ang pinakadakilang kapangyarihan ng isang bagong panganak na Kristiyano, habang ang pagnanasang sumuway ay ang pinakanakasisirang kapangyarihan ng isang makasalanan.
Ang isang bata na pinabayaan mag-isa sa mundo ay kontrolado ng isa o dalawang kapangyarihan: mabuti o masama, tama o mali, Diyos o ang Diablo. Ang bawat isa ay nahahamon ng dalawang kapangyarihang ito ng buhay, ang bawat isa ay dapat pumili kung anung buhay ang kanyang ipapamuhay. At ako ay sumasampalataya na ito ang sinasabi ng Biblia: "Sanayin ang isang bata sa landas na dapat niyang tahakin at kapag matanda na siya, hindi na siya lalayo mula rito." Ikaw ay sasangayon na ang pinakamamahal at pinakamalapit na tao sa puso ng sinumang bata ay ang kanyang ina o nanay. Ang isang ulila ay isang kapus-palad na bata at higit na hayag sa mga atake ng Diablo kumpara sa mga batang mayroong mga magulang. Ang isang ina ay isang tagapag-ingat ng katawan at kaluluwa subalit ito ay nagiging dobleng trahedya kapag ang parehong magulang ay nawala at higit pa sa higit na mahiwagang mga kaganapan.

Ang aking kuwento ay nagsimula 22 taon nang nakalilipas sa isang maliit na bayan na kung tawagin ay Amerie Iriegbu Ozu Item sa Bende Local Government Authority, Imo State. Ang aking mga magulang ay hindi napapabilang sa mayayaman subalit ang aking ama ay mapalad na nakamana ng 42 hektaryang lupa mula sa aking lolo, isang pagpapala na sa ngayon ay nagdulot ng pinakamalaking kamalasan na naitala sa kasaysayan ng isang pamilya. Ang aking ama ay lubos na kinaiinggitan ng kanyang malalayong kamag-anak at malalapit na kamag-anak sa kadahilanang hindi ko alam, marahil ay dahil sa kanyang minanang malawak na lupain.

Kami ay isang masayang pamilya, ang aking mga magulang taglay kaming apat: Love, Margaret, Emmanuel and Chinyere. Matapos magkaroon ng unang dalawang anak na babae, ang aking mga magulang ay nag-antay ng 14 na taon bago ako kamtan (ang tanging anak na lalake) at di nagluwat ang aking nakababatang kapatid na babae Chinyere. Nagdulot ito nang tunay na kaligayahan sa aming pamilya subalit ang kaligayahang ito ay panandalian lamang nang maganap ang unang trahedya. Ang aking mapagmahal at mapag-arugang ina ay namatay. Siya ay sinasabing namatay dahil sa kulam, at pagkatapos ng apat na taon ang aking ama ay namatay, muli dahil sa sinasabing gawa ng juju kasangkot laban sa kanya. Dalawang taon makalipas ang pagkamatay ng aking mga magulang ang aking pinakamatandang kapatid, Love, ay misteryosong nawala at si Margaret, ang ikalawang anak na babae ng aking mga magulang ay nasiraan ng bait. Ito ay isang tanikala ng mga trahedya sa buhay ng isang simpleng at masaya sanang pamilya. Ang aking nakababatang kapatid na babae Chinyere at ako ay pinadala sa aking mga lolo at lola. Doon natapos ko ang aking pag-aaral sa elementarya at pagkatapos ay natanggap sa Item High School. Ako ay naka-abot hanggang Class III at huminto na sa pag-aaral dahil sa kakulangan ng salaping pambayad. Pagkatapos nito, ang aking mga lolo at lola ay nangamatay din. Pagkatapos ng lahat ng mga seremonya sa libing, isang hindi ko kilalang kamag-anak ang kumuha sa aking nakababatang kapatid na babae Chinyere, at hanggang sa mga oras na ito hindi ko alam ang kanyang kalagayan. Ako ay sapilitang bumalik sa bahay ng aking ama sa pamamagitan ng mabigat na pagpaparusa, at doon namuhay mag-isa sa gulang na 13 taon. Papaanong mabubuhay ang isang 13 taong gulang na bata sa gitna ng mga kaaway ng kanyang ama at naging mga kaaway ko na rin? Labis akong natatakot! Ang mga nangyaring ito ay tila baga nagdala sa akin sa katapusan ng maayos na pamumuhay. Mayroon bang nagmamalasakit sa akin? Mayron bang sinuman na nag-aalala tungkol sa “isang maliit na batang kapus-palad?”


Isang araw nakita ko ang isang kaibigan na kilala ko noon pang elementarya ang pangalan Chinedum Onwukwe. Mahal na mahal ako ni Chinedum dahil napag-alaman niya ang lahat ng nangyari sa akin dinala niya ako sa kanyang mga magulang na ako naman ay tinanggap kaagad at ibinilang na pangalawang anak na lalake. Bumalik muli sa normal ang aking buhay. Ako ay talagang asikasong-asikaso. Muli akong nagalak: pagkatapos nalaman ko na ang Diyos na dinadasalan ng aking ina nang siya ay nabubuhay pa ay buhay dahil naglaan siya ng bagong kong mga magulang, kaya naisip ko ito sa aking isipan. Masaya ako sa kabutihang ito sa loob ng dalawang taon at pagkatapos ang diablo ay sumalakay muli.

Si Chinedum at ang kanyang mga magulang ay naglalakbay patungong Umuahia nang ang kanilang sasakyan ay bumangga sa isang trak. Si Chinedum at ang kanyang mga magulang ay patay kaagad sa lugar na iyon! Nang marinig ko ang balita ako ay hinimatay. Ang aking kalungkutan ay hindi masusukat. Nagawa kong mabuhay matapos ang seremonya ng libing, sa pamamagitan ng pagdadala ng mantika at panggatong at sa pagiging utusan; sa dulo ng mga ito ako ay bumalik sa bahay ng aking ama at muling ginawa ang dating gawain upang makakain. 


Nagpatuloy ako sa paggawa ng ilang gawaing pambukid, sa hardin, gumagawa sa palaisdaan kasama ang mga matatanda hanggang sa isang araw, isang lalaki mula sa aking lugar na tinitirhan ang umupa sa akin upang gumawa sa kanyang bukid sa halagang 50k. Sa bukid pinaraan niya ako sa sunud-sunod na mga tanong. Una, sinabi niya sa akin na ituro ko ang lupain ng aking ama; pangalawa, ipagkatiwala ko sa isang tao ang mga lupaing ito, sa kalapit na kamag-anak. Ako ay tumutol sa lahat ng mga sinabi niya at siya ay nagalit. Sumumpa siya na papatayin niya ako sa gubat. Ako ay biglang natakot, tumakbo at sumigaw ng tulong. Ang masaklap, dahil ang lugar ay nasa gitna ng makapal na gubat, walang dumating upang tumulong maliban sa Diyos. Tinugis niya ako ng kanyang kutsilyo subalit bilang mas bata lubha akong higit na matulin kaysa kanya at nahulog ako sa isang hukay na may lalim na 1.82 na metro at ito ay natatakpan ng mga damo. Hinanap niya ako ng maigi at pagkalipas ng ilang sandali ay tumigil na siya sa paghahanap. Ako ay gumapang palabas ng hukay sa pamamagitan ng ibang daan patungo sa bayan. Ibinalita ko sa mga matatanda sa aming lugar ang nangyari subalit wala silang ginawang aksyon-kalimitang sinasapit ng mga ulila. Ang insidenteng ito ay nagdulot ng matinding galit sa aking musmos na puso; walang sinumang nagmamahal sa akin, walang sinumang nagmamalasakit. Pinagbubulay ko sa aking isipan bakit may mga taong nagtatangkang ako ay patayin bagamat alam nila na ako ay wala nang mga magulang Ang buhay ay punung-puno ng kalungkutan. Ngayon napag-alaman ko na ang Diyos dahil sa kanyang pagmamahal pinigilan ang diablo upang sulsulan akong magpakamatay. Tumungo ako sa simbahan at naging isang ganap na kasapi ng Assemblies of God church sa aming nayon. (hanggang ngayon) subalit nakalulungkot walang nagmamalasakit kahit na alam ng ilang mga miyembro ang nangyari sa akin. Mahalagang maisulat na ako ay naging ganap na miyembro o kasapi ng isang simbahan kahit walang pagkakilala kay Hesucristo. Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin na ipanganak na muli. Kung ikaw ay nasa simbahan ni Hesuscristo at nasumpungan mo ang iyong sarili sa ganuong sitwasyon o kalagayan na kagaya ko, ibigay mo ang iyong buhay sa Panginoong HesuKristo. Ang Kasulatan ay nagsasabi: “Ipagkatiwala mo sa Kanya ang lahat ng iyong mga kabalisahan at alalahanin, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa iyo at binabantayan ang lahat ng bagay na may kinalaman sa iyo.” (1 Pedro 5: 7 - Living New Testament).

Sa gitna nang lahat ng mga pagdurusa at pagpapakasakit na ito dumating si ALICE! Si Alice ay isang batang kakilala ko nuong ako ay nasa elementarya pa. Siya ay matanda ng limang taon sa akin at nagmula sa parehong baryo. Kami ay nasa parehong uri ng pamumuhay, nauupo sa parehong upuan at naging matalik na magkaibigan. Dahil sa murang pag-iibigang ito, nangako kami sa isa’t-isa na magpapakasal kapag kami ay matanda na. Katawa-tawa! Isang bata na 11 taong gulang noon, walang mga magulang, walang pinag-aralan, walang makain, nangangakong pakakasalan ang isang batang babaeng mas matanda ng limang taon! Di kalaunan umalis si Alice patungong Akure para sa kanyang secondaryang pag-aaral at pinadalhan ako ng dose-dosenang liham ng pagmamahal. 

Nang sumunod na magkita kami ni Alice, ako ay 15 taong gulang at siya ay 20. Natapos na niya ang sekondaryang pag-aaral at naghahanap-buhay o nagtatrabaho sa Standard Bank Lagos (ngayon First Bank), kung saan doon nakatira ang kanyang mga magulang.

Yamang alam ni Alice ang aking mga kinasapitan sa buhay, sinamantala niya ito. Sinabi niya sa akin na samahan ko siya sa Lagos at ibinigay niya sa akin ang bilang ng kanyang tirahan kasama ang halagang N50 (Naïra: National Currency of Nigeria) Ito ay isang kayamanan para sa isang 15 taong gulang na bata na hindi pa kumita kaylan man ng N2 sa isang araw! Ito ay manna mula sa langit at ang ibig sabihin nito na ang lugar ng Lagos ay isang kamangha-manghang lugar na maraming pera at mga mabubuting mga bagay sa buhay para magsaya ang lahat. Pagkatapos kinakailangan kong pumunta sa Lagos upang kumita ng sarili kong pera at yumaman din. Sa aking isipan ang pagpunta sa Lagos ay ang tanging paraan ng aking pagtakas. Pagtakas sa mga kaaway ng aking ama, pagtakas sa sarili kong mga kaaway, pagtakas sa gutom, at sa lahat ng aking mga problema. Pagtakas! Pagtakas! Oo, pagtakas mula sa lahat ng masama!!!


Itutuloy



Isinalin sa wikang tagalog ni Reyn Araullo
Ika-20 ng Hunyo, 2009
pastorrey@gmail.com


The Bible prophesy a one-world government and a one-world currency in the end times.

The Bible does not use the phrase "one-world government" or "one-world currency" in referring to the end times. It does,...