Si Maria Magdalena ay isang babae kung saan pinalayas ni Hesus ang pitong demonyo (Lukas 8:2). Ipinahihiwatig ng pangalang Magdalena na maaaring nanggaling si Maria sa lugar ng Magdala, isang siyudad sa hilagang Kanluran ng baybayin ng Lawa ng Galilea. Pagkatapos na palayasin ni Hesus ang pitong demonyo mula sa kanya, naging isa sa Maria Magdalena sa mga tagasunod ni Kristo.
Iniuugnay si Maria Magdalena sa isang babae sa siyudad na isang “kilalang makasalanan” (Lukas 7:37) na naghugas sa mga paa ni Hesus, ngunit walang basehan sa Kasulatan ang tungkol sa bagay na ito. Ang siyudad ng Magdala ay kilala bilang isang lugar ng prostitusyon. Ang impormasyong ito, kasama ang katotohanan na binanggit ni Lukas si Maria Magdalena pagkatapos ng salaysay tungkol sa isang makasalanang babae (Lukas 7:36-50), ang nagtulak sa iba na ipagpalagay na ang dalawang babaeng ito ay iisa. Ngunit walang basehan sa Kasulatan ang ideyang ito. Hindi ipinakilala si Maria saanman sa Bibliya bilang isang bayarang babae o bilang makasalanang babae sa kabila ng popular na pagkakilala sa kanya sa ganitong paraan.
Lagi ring iniuugnay si Maria Magdalena sa isang babae na iniligtas ni Hesus mula sa pagbato ng mga Hudyo pagkatapos na mahuli sa kasalanan ng pangangalunya (Juan 8:1-11). Ngunit muli, walang ebidensya sa pananaw na ito. Inilarawan ang koneksyong ito sa pelikulang “The Passion of the Christ.” Posible ang pananaw na ito, ngunit malayo itong mangyari at hindi ito itinuro sa Bibliya.
Nasaksihan ni Maria Magdalena ang karamihan ng mga pangyayari na nakapalibot sa pagpapapako kay Kristo sa krus. Naroon siya sa paglilitis kay Hesus; narinig niya ng igawad ni Pontio Pilato ang hatol na kamatayan kay Hesus; at nakita Niya ng paluin si Hesus ng berdugo at hiyain ng mga tao. Isa siya sa mga babae na nakatayo malapit sa krus ni Hesus at nagtangka siya na aliwin si Hesus. Siya rin ang pinakaunang saksi sa pagkabuhay na mag-uli ni Hesus at siya rin ang unang inutusan ni Hesus na sabihin sa iba ang tungkol sa Kanyang pagkabuhay na mag-uli (Juan 20:11-18). Bagamat ito ang huling banggit kay Maria Magdalena sa Bibliya, maaaring isa siya sa mga babae na nagkatipong kasama ng mga alagad upang maghintay sa ipinangakong pagdating ng Banal na Espiritu (Gawa 1:14).
Ang nobelang The DaVinci Code ay nagaangkin na magasawa diumano si Hesus at si Maria Magdalena. May ilang sinaunang kasulatan na hindi naaayon sa Bibliya (itinuring na hidwang pananampalataya ng mga unang Kristiyano) ang nagpahiwatig na may naganap diumanong espesyal na relasyon sa pagitan ni Hesus at Maria Magdalena. Gayunman, walang ebidensya sa Bibliya o anumang sinabi sa kasulatan na sumusuporta sa paniniwalang ito. Hindi nagbigay ng kahit anong pahiwatig ang Bibliya sa ganitong ideya.