Ang pagtatapat o hindi pagtatapat ng kasalanan ng
pangangalunya sa isang asawa ay isang mahirap na desisyon para sa maraming
Kristiyano na nagkaroon ng malungkot na karanasan ng pagbagsak sa kasalanan ng
pangangalunya.
Kalimitang sinasabi ng mga eksperto sa mundo na dapat na itikom
na lamang ng mga nakaranas ng pangangalunya ang kanilang bibig upang maiwasan
ang mas malalang problema kung ipagtatapat nila ang kanilang kasalanan sa
kanilang asawa. Ang problema sa hakbang na ito ay pinipigilan nito ang
konsensya at hinahadlangan ang pagpapanumbalik ng relasyon na bunga ng
pagtatapat sa kabiyak. Sinasabi sa Santiago 5:16. Kaya nga, ipagtapat ninyo sa
inyong mga kapatid ang inyong mga kasalanan at ipanalangin ninyo ang isa't isa,
upang kayo'y gumaling. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid.
Matalinong sinabi ni Apostol Pablo. Kaya't pinagsisikapan
kong laging maging malinis ang aking budhi sa harap ng Diyos at ng tao (Gawa
24:16). Bagama’t ang pangangalunya ay isang kasalanan, unang una ay sa Diyos,
sinasabi din ng Bibliya na ang ating katwan ay hindi na sa atin kundi sa ating
asawa (1Corinto7:4). Ang pisikal na akto ng pagtatalik ay simbolo kung paanong
ang magasawa ay nagiging isang laman ng pagisahin sila ng Diyos sa matrimonyo
ng kasal (1 Corinto 6:15-16). Dahil sa mga kadahilanang ito, ang isang taong
nagkasala ng pangangalunya ay dapat na laging manalangin at hayaan na
pangunahan siya ng Banal na Espiritu, at ipagtapat ang kanyang pangangalunya sa
kanyang kabiyak sa tamang panahon.
Ang paguusig ng budhi ay hindi mawawala sa pamamagitan ng
simpleng hindi pagpansin dito. Sa katotohanan, maaaring ito ay magbunga ng
problema sa isip at katawan. Gaano man kahirap na magtapat sa asawang lalaki o
asawang babae na hindi ka naging tapat minsan sa inyong pagsasama,
kinakailangan ito hindi lamang para sa integridad ng inyong pagsasama bilang
magasawa kundi para din sa inyong relasyon sa mga tao at sa Diyos upang maging
malinis ang inyong konsensya at mabuhay kayo sa isang banal at malinis na
pamumuhay sa harap ng tao at ng Diyos.