Tuesday, 21 March 2017

PINALAYA MULA SA MGA KAPANGYARIHAN NG KADILIMAN - Kabanata 2



Ang Pagtatalaga

Kwentong patotoo ni Emmanuel Eni 

"Mayroong isang daan na tila baga matuwid sa isang tao, subalit ang dulo nito ay ang mga daan ng kamatayan." Kawikaan 14:12 

"Subalit ang masama ay tulad ng masalimuot na dagat, kapag ito ay hindi mapayapa, na ang kanyang tubig ay naglalabas ng putik at dumi. Wala roong kapayapaan, sabi ng Diyos sa mga masama."Isaias 57: 20-21

At ang buhay sa labas ni Hesuscristo ay katulad na katulad ng mga inilahad na mga Kasulatang nasa itaas. Umalis ako sa aming nayon dala ang pera, N50 at ang lugar ng tirahan na ibinigay sa akin ni Alice, pagtakas, kalayaan, kasiyahan at ang lahat ng mga bagay na kasama rito: subalit makikita mo sa bandang huli na ito ay napakalayo sa mga inakala ko sa aking murang puso. Nang ako ay dumating sa Lagos, ito ay napakaganda sa aking paningin at ito ay kinumpara ko sa langit, anuman ang katulad ng langit. Nakita ko ang lahat ng matatayog at magagandang mga gusali at sa bawat mukha nito nababanaag ko ang kaligayahan (Akala ko). Ang mga tao ay tila baga napaka-abala ang bawat isa ay walang paki-alaman sa isa’t-isa. Ako ay handang-handa na at sinabi sa aking sarili, ngayon alam ko na ako ay malaya!

Ako ay dumating sa Akintola Road, Victoria Island at maiging tinanggap ni Alice at ng kanyang mga magulang. Kilala ako ng kanyang mga magulang at ang aking nakaraan dahil parehas na baryo ang aming pinagmulan subalit hindi nila alam ang relasyon namin ng kanilang anak. Ipinakilala ako ni Alice sa kanila bilang lalaki na ‘pinili’ niyang pakasalan. Nagulat ang kanyang mga magulang subalit matapos ang ilang usapan sa kanya, nagkasundo sa kondisyon na magpapatuloy muna ako sa aking pag-aaral. Tinanggihan ni Alice ang kanilang alok at nakiusap na payagan akong makisama sa kanya sa kanyang sariling silid na inuupahan. Hindi ito matanggap ng kanyang mga magulang subalit siya ay nagpumilit. Nagkaroon sila ng matinding pagtatalo sa loob ng apat na araw at dahil sa di maipaliwanag na kadahilanan sila ay pumayag na ako ay tumirang kasama si Alice.
Si Alice, ay isang napakagandang babae, sinabi niya sa akin na siya ay isang empleyado ng Standard Bank at gagawin niya akong mayaman at ibibigay sa akin ang lahat kong pangangailangan sa buhay na ito at sabi: “Basta tumira ka lang at magpakasaya!” Ang una kong pakiramdam tungkol sa Lagos ay tunay matapos ang lahat; ilang buwan ang nakalipas ako ay nasa isang maliit na kubo sa isang maliit na baryo lamang na napapaligiran ng galit, kagutom at pagdurusa at ngayon narito ako, namumuhay sa isang malaking lungsod, sa loob ng isang silid na may kumpletong kagamitan kasama ang isang magandang ‘asawa’ na nangakong ibibigay sa akin ang lahat ng maihahatid ng buhay. Pinaulanan niya ako ng mga regalo, salapi, damit, ‘pag-ibig’ atbp. Hindi ko natanto na ang daigdig ay puno ng ganitong ‘magagandang mga bagay’. Ang diablo ay talagang mapanlinlang! Tunay na sinasabi ng mga Kasulatan: “Ang magnanakaw ay pupunta lamang upang magnakaw, pumatay, at mangwasak. 

TANGING ang anak ng tao (HESUCRISTO) ang makapagbibigay ng buhay at magbibigay nito ng sagana.” (Juan 10:10). Minamahal na mambabasa, ang diablo ay walang libreng regalo! Anumang ang ibigay niya sa iyo ay isang kapalit ng iyong kaluluwa. Itong kalagayang ng kahalingan ay maiksi lamang, sapagkat matapos ang tatlong buwan mga kakaibang mga bagay ang nangyari.

Ang Mga Mahiwagang Karanasan

Isang gabi, ako ay bumangon sa hatinggabi at nakakita ko ang isang ahas o sawa sa tabi ko. Nais kong humiyaw subalit hindi ko nagawa. May mga gabi, ako ay gumigising upang makita ang katawan ni Alice na nagkulay tubig tulad ng ‘cellophane bag’. May mga gabi, siya ay naglalaho at nagpapakitang muli. May mga gabi nakaririnig ako ng mga kakaibang mga ingay o sayawan sa silid tanggapan atbp. Hindi ko na makayanan ang mga nakatatakot na kaganapang ito kaya napagpasyahan kong tanungin siya, at ang una niyang reaksyon ay marahas at matinding babala. Sinabi niya: “Huwag mo na akong muling tanungin ng tanong na ito kung hindi babalingan kita.”
Mula noon ang aking buhay ay nanganib. Mas pinili ko pa ang mga pagdurusa ko sa baryo kaysa sa aking masaksihan. Ako’y naging takot sa kanya. Dalawang araw ang nakalipas at siya ay dumating na nakangiti, mga regalo at niyakap niya ako. Sinabi niya kung gaano niya ako kamahal at nagmamalasakit sa akin at pinalakas niya ang loob ko na huwag matakot at ipinangakong ipapaliwanag niya ang mga bagay sa susunod. Dinala niya ako sa isang bahay aliwan at doon pinaalala niya ang kanyang pangako na gagawin niya akong mayaman atbp. At sinabi sa akin: “ISANG ARAW MALALAMAN MONG LAHAT ANG ALAM KO!” Muli kaming bumalik at nagpatuloy ang aming buhay na normal kagaya ng dati. Sa loob-loob ko ang aking buhay ay nasa panganib, subalit papaano akong makatatakas at saan ako tatakas? Importanteng masabi rito na ang mga magulang ni Alice ay walang kaalam-alam na bagaman bata pa ang kanilang anak, ay malalim na kasangkot sa occultismo (gawa ng kadiliman) at spiritualismo (Pangkukulam) at tahasan niya akong binalaan huwag silang sasabihan kung mahal ko pa ang aking buhay. Mahal na mambabasa, maiisip mo ba na ang isang 20 anyos na babae na magagawa ang lahat ng mga bagay na ito? Ang tingin sa kanya ng daigdig sa labas ay isang napakagandang at napaka-among babae nagtatrabaho sa isang malaking bangko subalit siya ay alagad ng diablo. Maraming mga Alice sa buong mundo ngayon na iyong masusumpungan mayamaya sa aklat na ito.

Isang Nakapangingilabot na Pagkatuklas

Isang araw, matapos siyang pumasok sa trabaho, nagpasya akong siyasatin ang aming tirahan. Kahit siya ay bata pa ang aming tirahan ay kumpleto sa kasangkapan. Siya ay mayroong apat na refrigerator at sa pagbukas ko sa isa, nakita ko ang mga bungo ng tao, iba’t-ibang bahagi ng katawan ng tao mayroong sariwa at tuyo. Sa loob ng kisame ay mga kalansay. Sa isang sulok ng isa sa mga silid nakita ko (natuklasan ko kalaunan bilang isang ‘lihim na silid’) isang banga na puno ng dugo at isang maliit na puno sa gitna ng banga, isang kalabasa at isang pulang tela sa gilid nito. Hindi na ako nakapagpatuloy. Ngayon natanto ko na ako ay isa nang patay na tao at dahil wala akong masusulingan o mapupuntahan. Ipinauubaya ko ang buhay ko kung ano man ang dumating, buhay o kamatayan at tinitikom ko ang aking mga labi. Si Alice ay bumalik mula sa trabaho at paraan na pagtitig niya sa akin, alam ko kahit nasa opisina pa siya alam niya ang ginawa ko sa loob ng bahay.

Pagpasok sa Mahiwagang Daigdig

Nang sumunod na araw pinakiusapan niya akong sundan siya sa isang pagpupulong. Isa na akong bihag at wala nang magawa. Pumunta kami sa isang napakalaking gusali sa labas ng Lagos. Sa aming pagdating (Ang gusali ay may bulwagan sa ilalim ng lupa), Ako ay sinabihan ni Alice na pumasok ng paatras. Ako’y sumunod at pumasok ng patalikod, ganun din ang kanyang ginawa. Ang bulwagan ay napakalaki nagtataglay ng 500 na batang lalake at babae nakaupong pabilog, at nakaupo sa itaas nila ay isang lalake na tanging ang ulo lamang ang nakikita walang katawan, siya ang Pinuno. Ilan sa mga kabataang ito ay mga mag-aaral o estudyante, mga di nakapagtapos, mga nakapagtapos, mga guro atbp. Pinindot ni Alice ang isang buton sa dingding at isang upuan ang lumabas mula sa sahig at ako’y naupo. At ganun din ang kanyang ginawa at isa pang upuan ang lumabas para sa kanya at siya ay naupo. Ipinakilala niya ako sa kapulungan bilang isang bagong kasapi at ako’y pinalakpakan at tinangkilik nila. Si Alice ay itinaas ng katungkulan dahil dito. Lahat nang kanilang pinag-usapan sa pagpupulong ay hindi ko maunawaan. At sa dulo nito habang kami ay papaalis, ako ay sinabihan na bumalik mag-isa sa susunod na araw sabi ng Pinuno. Ito ang aking unang pakikisalamuha sa mahiwaga o lihim na daigdig.

Nang gabi ring iyon, bandang 2:00 ng umaga (At ito ang kalimitang oras ng mga pagtitipon at mga mapanganib na lakarin ng lahat ng mga pwersa ng kadiliman at nang kanilang mga alipores), Ginising ako ni Alice at ipinahayag ang ilang mga bagay sa akin. Sabi niya: “Hindi ako pangkaraniwang tao. Ako ay kalahating tao at kalahating espiritu subalit lamang ang espiritu. Ang nakita mo sa aking lihim na silid ay ang mga ginagamit ko sa aking mga pananalangin tuwing umaga, upang ang mga espiritu ay gabayan ako sa buong maghapon. Tungkol sa mga kalansay sasabihin ko sa iyo sa susunod.”

Wala akong imik. Naglabas siya ng ilang mga libro tungkol sa mga misteryo ng daigdig upang aking basahin, at sa aking mapanuring isipan pinili kong basahin ang mga ito. Hindi nagtagal ako ay naging interesado at pagdakay nakita niya na ako ngayon ay talagang interesado. Lingid sa aking kaalaman, ipinadala niya ang aking pangalan sa isang lihim na lapian o samahan sa India. Dahil ako ay sinabihan, nang sumunod na araw ako ay bumalik sa samahan o lapian mag-isa at roon nakasama ko ang siyam pang iba at ilang mga saksi. Kami ay tatatakan. Tinawag kami sa gitna ng bulwagan at ang mga sumusunod na bagay ay iginawad sa amin:

1. Isang hinalong sangkap na parang galapong ang ipinahid sa aming mga katawan. Ito ay nagpapasa sa iyo bilang isang ganap na kasapi o miyembro.
2. Isang tungga ng tila baga likidong langis ang ibinigay sa amin upang inumin. Ito ang nagpapabilang sa iyo upang maging isang ahente.
3. Isang tila baga pulbura na sangkap ang ipinahid sa aming mga ulo. Ito ay nagpapabilang sa iyo upang mapag-aralan ang kanilang mga lihim.


Lingid din sa akin, ang panimulang seremonyang ito ay itinatala sa India at nang sumunod na araw nakatanggap ako ng sulat mula sa kanila. Sa sulat ako ay sinasabihan na dagtaan o pahiran ang sulat ng aking sariling dugo at muli itong ibalik sa kanila sa pamamagitan nang paraan na kanilang sinabi, hindi sa koreo. Ginawa ko ito. Mula sa puntong ito, wala nang atrasan; ang pagtalikod ay nangangahulugang kamatayan tulad nang lagi nilang pinapaalala at alam ko na wala na akong pag-asa pa.


Tipanan kay Alice

Isang madaling araw, sinabi niya sa akin na mayroong importanteng seremonya na idaraos sa bahay. Sa bandang 2:00 ng umaga naglabas siya ng isang gumagapang na bata, isang babae, buhay. Sa harap ng aking mga mata, ginamit ni Alice ang kanyang mga daliri at dinukit palabas ang mga mata ng bata. Ang iyak ng bata ay nagpabasag sa aking puso. Pagkatapos nito kinatay niyang pira-piraso ang bata at ibinuhos pareho ang dugo at laman sa isang bandihado at sinabihan akong kumain. Ako ay tumanggi. Tinitigan niya akong mabuti at ang lumabas sa kanyang mga mata ay hindi kayang ipaliwanag sa sulat. Bago ko malaman ang nangyayari, hindi ko lamang kinakain ang laman kundi dinidilaan na rin ang dugo. Habang ito ay nangyayari sinabi niya: “Ito ay isang tipanan sa ating dalawa, hindi mo ipagsasabi ang anumang bagay na nakita mo na ginagawa ko o anuman tungkol sa akin sa sinumang tao sa mundo. Sa araw na sirain mo ang tipanang ito ang iyong buhay ay mawawala.” Ang ibig sabihin sa araw na sirain ko ang tipanang ito ako ay papatayin.

Matapos ang insidenteng ito nagpasimula akong magkaroon nang kakaibang pakiramdam sa aking kalooban. Ako’y nabago at di ko na mapigilan ang aking sarili. Isang babala sa mga nanay. Kilala ba ninyo ang inyong mga katulong o kasama sa bahay? Ano ang kanyang pinagmulan? Ikaw ba ay nagsisiyasat na alamin ang tungkol sa kanya bago mo ipagkatiwala ang mga buhay ng iyong mga anak, atbp sa kanya? Papaanong nakuha ni Alice ang bata na kanyang kinatay, maaari mong itanong. Kaya nga mga magulang, alamin ang pinagmulan ng inyong mga katulong.

Nang makita ni Alice na siya ay nagtagumpay sa pagkuha sa akin na maging ganap na kasali sa ESPIRITISMO at matuling lumalago rito, siya ay nakuntento at nalaman niya na ang kanyang misyon ay naganap na. Nakakita siya ng isang magandang tirahan para sa akin, tinulungan niya akong lagyan 
ng kagamitan at pagkatapos nito ay pinutol ang aming relasyon bilang mag-asawa.

Tipanan sa India

Ang lapian o samahan sa Delhi, India ay nagpadala ng ikalawang sulat na nagsasabi sa akin na pumunta sa India. Laman din nito ang mga bagay na dapat kong sundin: “Kumain ng dumi, kumain ng nabubulok na daga, at makipagtalik sa mga espiritu sa sementeryo sa gabi.”

Matapos kong ganapin ang mga nasa itaas, ako ay di na rin dapat pang makipagtalik sa kaninumang babae sa mundo. Nagpadala ako ng tugon sa kanilang lihan na nagsasabi sa kanila na wala akong visa at hindi ko rin alam kung papaanong makarating sa India. Sa oras na ito nagpasimula akong gumawa ng ‘negosyo’. Ako ay isang seryosong taong nagpapalusot subalit dahil sa mga kapangyarihan sa likod ko wala akong naging problema sa tao sa paliparan o customs atbp.
Nagpasimula akong magkaroon ng maraming pera, pagkain at mga kagamitan, hindi na sila salat. Isang araw, isinara ko ang aking tirahan at lumabas; sa aking pagbalik, binuksan ko ang pinto at naroon ang isang lalake nakaupo sa loob. Ako’y natakot. Sabi niya: “Hindi ba ikaw si Emmanuel Amos?” Sabi ko ako nga. Sabi niya: “Ako ay pinadala upang dalhin kita sa India, kaya maghanda kana.” Ako’y nagpalingalinga, tumungo at naupo sa tabi niya sa sofa handa na sa susunod na utos. Subalit tulad ng kidlat, hinipo niya ako at kami ay nawala.

Ang sumunod na lugar na nakita ko ang aking sarili ay sa isang malaking pagtitipon sa bulwagan sa Delhi, India, taglay ang isang malaking kalipunan na nuo’y nakaupo na at nag-aantay upang batiin kami. Nilabas nila ang mga sipi o folder na kung saan ang aking pangalan ay nakasulat na at sinabihan akong pirmahan sa tabi nito. Ginawa ko. Isang bandihado na naglalaman ng mga laman ng tao, pinutol ng pira-piraso kasama ang isang palanggana ng dugo ang inilabas. Isang walang laman na pitsel ang ibinigay sa bawat tao, pagkatapos isang lalake na walang ulo ang nagpalibot-libot nagbubuhos ng dugo at laman sa mga pitsel. Iba’t-ibang uri ng mga kandila at insenso ang sinisindihan din. Ang walang ulong lalake ay nagsabi ng ilang orasion at ang bawat isa ay ininom ang dugo at kinain ang laman at ang pagpupulong ay natapos na.

Ang mga Pagtatalaga sa India

Ngayon ang panahon ng aking pagsubok ay dumating. Ako ay sinugo sa isang lambak na may 200 metro ang lalim. Sa loob nito ay may mga lamang mapanganib na reptilya at mababangis na halimaw. Sila ay para pahirapan ako. Hindi ako dapat sumigaw, kundi, babagsak ako sa pagsubok at ang kahihinatnan ay KAMATAYAN. Matapos ang pitong araw ng pagdurusa ako ay inilabas at pinadala sa isang lugar na kung tawagin ay ‘INDIA JUNGLE’.

Sa gubat na ito, nakita ko ang iba’t-ibang uri ng mga malademonyong ibon; malademonyo dahil ang ilan ay may mukha tulad ng mga aso, ang ilan ay tulad ng mga pusa, atbp. Gayunman may mga pakpak. Sa loob ng kagubatang ito ay may isang kuweba, at ang kuwebang ito ay nabubuksan lamang ng mga malademonyong mga ibon. Binuksan nila ang kuweba at ako ay pumasok sa loob. Ang mga bagay na nakita ko ay mahirap ipaliwanag. Mayroon duong mga nakakakilabot na mga nilalang, ang ilan ay mukhang mga tao subalit may mga buntot at walang mga mukha, atbp. Ito ay isa pang lugar ng pagpapahirap. Ang pagpapahirap doon ay higit na maisasalarawan na tulad ng kalahating impierno. Ako ay naroon sa ganuong kalagayan sa loob ng 7 araw at inilabas.

Pagkatapos ako ay ipinadala sa isang napakalaking aklatan na naglalaman ng malalaking bulto ng mga mahihiwagang aklat upang pag-aralan. Ako ay dumampot ng dalawa di kalaunan: Abbysinia, ang ibig sabihin ay pagkawasak, at Assina, na ang ibig sabihin nagbibigay buhay o kagalingan. Mayamaya ako ay binigyan pa ng marami pang aklat. Ako ay binilinan na gumawa ng isang lihim na silid sa pagdating na pagdating ko sa Nigeria na may laman ng mga sumusunod na bagay: “Isang katutubong banga na may lamang dugo ng tao, isang buhay na puno sa loob, isang bungo ng tao, mga pakpak ng buwitre, balat ng mailap na hayop, balat ng sawa at isang malaki at makinang laterites sa tabi ng banga.” Ang dugo sa loob ng banga ay iinumin tuwing umaga na may kasamang orasyon. Ako rin ay binilinan na huwag nang kakain ng anumang pagkain na niluto ng mga TAO subalit ako ay pakakanin sa paraang supernatural. Taglay ang lahat ng mga bilin na ito ako ay bumalik sa Nigeria tulad ng paraan ng aking pagpunta, at ginanap ang lahat.

Balik Tahanan sa Nigeria

Ako ngayon ay naging kabahagi na at sangkap ng daigdig ng espiritu at maaari nang makapaglakbay saan mang bahagi ng mundo. Ayon sa mga aklat na aking dinala, ang mga espiritung nilalang ay namumuhay sa kalawakan. Marahil itataas nila ang aking mga kapangyarihan, kaya pinagpasyahan kong subukan. Ako ay lumabas ng aking bahay, gumawa ng ilang mga orasyon at tinawag ang buhawi at nawala. Nasumpungan ko ang aking sarili sa kalawakan at nakita ang mga espiritung nilalang na ito. Ano ang kailangan mo ang tanong nila; sinabi ko na kailangan ko ng mga kapangyarihan.

Ako’y muling bumalik sa mundo matapos ang dalawang linggo taglay ang mga kapangyarihang galing sa kanila. Tulad ng sinabi ko nuong una, hindi ko na kayang kontrolin ang aking sarili. Sa kabila ng lahat ng mga kapangyarihang ito na aking natanggap, kinailangan ko pa rin ng marami pang kapangyarihan! Pinagpasyahan ko na tumungo sa ilalim na daigdig upang mapatunayan ang nakasulat sa mga aklat na ibinigay sa akin.

Isang araw ako ay nagtungo sa isang kubling lugar sa mga halamanan, gumawa ng ilang mga orasyon na sinasabi sa mga aklat at inutusan ko na bumukas ang lupa. Bumukas ang lupa at pagdakay gumapang palabas ang mga demonyo. Ako’y humakbang papaloob at tumungo sa ilalim ng lupa. Taglay nito ang ganap na kadiliman na maihahalintulad sa kadiliman sa isa sa mga sumpa na nangyari sa Ehipto na naitala sa Biblia. Nakita ko ang maraming bagay na mahirap ipaliwanag. Nakakita ako ng mga taong nakatanikala, taong ginagamit upang gumawa ng salapi – ang kanilang mga tungkulin ay maghanap buhay araw at gabi upang tustusan ng salapi ang kanilang mga bihag.

Nakakita ako ng ilang mga taong matataas ang kalagayan sa lipunan na kasapi na pumunta roon upang mag-alay ng mga handog at muling babalik sa mundo na taglay ang ilang regalo na ibinigay sa kanila ng mga espiritu na namamahala sa lugar. Nakita ko ang ilang mga namumuno sa simbahan na naparito para makakuha ng mga kapangyarihan, mga kapangyarihan na makapagsalita ng isang bagay na katanggap-tanggap na walang tututol sa simbahan. Nanatili ako sa loob ng dalawang linggo at muling bumalik matapos kong matanggap ang mas maraming kapangyarihan. Ang tingin ng mga tao sa akin ay bata at mukhang inosente subalit hindi nila alam na ako ay mapanganib. Mayroong maraming taong tulad noon sa paligid; yun lamang na kay Kristo Hesus ang ligtas sa tunay na pakahulugan ng kaligtasan.

Tipanan sa Reyna ng Dalampasigan

Isang gabi, nagpasya akong maglakad-lakad. Sa Ebute Metta bus-stop, Nakita ko ang isang batang babae na napaka ganda naghahantay. Wala akong sinabing anuman sa kanya. Nang sumunod na araw sa aking pagdaan tinawag niya ako. Ako ay huminto at ipinakilala ko ang aking sarili sa kanya bilang Emmanuel Amos subalit hindi niya ipinakilala ang kanyang sarili sa akin.

Tinanong ko ang kanyang pangalan at tirahan subalit tumawa lamang siya. Tinanong niya ang akin, sinabi ko lamang ang kalye. Nang ako ay papaalis na, sinabi niya na dadalawin niya ako isang araw. Sa aking isipan sinabi ko, iyon ay napaka imposible, hindi ko ibinigay sa kanya ang numero ng aking bahay papaano siya rito makararating. Subalit totoo sa kanyang mga sinabi, nakarinig ako ng isang katok sa aking pintuan makalipas ang isang linggo matapos ang aming pag-uusap sa himpilan ng bus. Naroon siya, isang mahiwagang dalaga! Binati ko siya sa aking isipan. (Nagtataka ako sino kaya itong magandang dalagang ito, at hindi niya alam na naglalakad siya sa isang mapanganib na lupa?) Inasikaso ko siya at siya ay umalis na rin. Matapos ang unang pagdalaw, naging madalas ang kanyang pagdalaw kahit wala kaming relasyon.

Napansin ko na sa kanyang pagdalaw, parehas ang oras, at hindi siya dumarating nang maaga o huli kahit isang minuto man lamang! Sa ilan sa kanyang mga pagdalaw dinadala ko siya sa Lagos Barbeach, o kaya sa Paramount Hotel o Ambassador Hotel etc. Sa lahat ng mga bagay na ito, hindi pa rin niya sinasabi ang kanyang pangalan sa akin. Nagpasya akong hindi mag-alala yamang nalalaman ko na hindi naman lalawig ang aming relasyon maliban doon. Ako’y sinabihan na huwag gagalaw ng babae.

Biglang-bigla binago niya ang kanyang pagdalaw sa gabi. Isa sa kanyang mga pagdalaw sinabi niya sa akin: “Ngayon napapanahon na na ako naman ang dalawin mo.” Nanatili kaming magkasama nang gabing iyon hanggang 8:00 ng umaga nang sumunod na araw at umalis kami. Sumakay kaming dalawa sa bus at sinabi niya sa tsuper na huminto sa barbeach o inuman sa tabing dagat. At sa aming paghinto, tinanong ko siya: “Saan tayo pupunta?” Sabi niya: “Huwag kang mag-alala, malalaman mo kung saan ang bahay ko.” Dinala niya ako sa isang sulok ng barbeach, gumamit ng tila baga isang sinturon at tinalian kaming dalawa at pagdakay isang kapangyarihan mula sa likod at nagtulak sa amin patungo sa ilalim ng dagat. Nagpasimula muna kaming lumipad sa ibabaw ng tubig at direcho sa karagatan. Minamahal kong mambabasa, ang mga bagay na ito ay nangyari sa aking pisikal o panlabas na kaanyuan! At sa isang punto kami ay lumubog sa sahig ng dagat at sa aking pagkagulat nakita ko ang aming sarili naglalakad sa isang pangmatulin na lansangan o express way. Dumako kami sa isang lungsod na may taglay na napakaraming tao na lahat ay abala.

Ang Daigdig ng Espirtu

Nakita ko ang mga pagawaan ng gamot, tulad ng science lab, nagdedesenyong laboratoryo,at isang sinehan. At sa likod ng lungsod, nakita ko ang bata at magagandang mga babae at guwapong mga batang lalake. Walang matandang tao. Ipinakilala niya ako sa kanila at ako ay pinapasok. Dinala niya ako sa mga lugar tulad ng “silid ng kadiliman”, “silid ng patuyuan”, at “silid ng pag-eempake”. Pagkatapos ay dinala niya ako sa isang pangunahing pabrika at bodega at pagkatapos dumating kami sa kanyang pribadong mansion. Doon niya ako pinaupo at sinabi sa akin: “Ako ang reyna ng dalampasigan at may masidhing pagnanasa na gumawang kasama ka. Ako’y nangangakong bibigyan ka ng kayamanan at ang lahat pa ng mga bagay na kasama nito, pag-iingat at lahat pa ng kasama nito, buhay at isang ‘anghel’ na maggagabay sa iyo.”

Pumindot siya ng isang buton at isang bandihado ng karne o laman ng tao (pira-piraso) ang laman nito at sabay kaming kumain. Inutusan niya ang isang malaking ahas na lumabas at sinabi niya sa akin na lununin ko ito. Hindi ko kaya. Nagpumilit siya subalit hindi ko kaya, papaano ko malululon ang isang buhay na sawa. Ginamit na niya ngayon ang kanyang mga kapangyarihan at nalululon ko ito. Ito ay tatlong tipanan: Ang laman ng tao at dugo, ang sawa at ang demonyong anghel ay laging naroroon upang siguruhin na walang lihim ang nahahayag.

Subalit ang ‘anghel’ ay binigyan ng kapangyarihan upang ako ay disiplinahin kung ako ay naliligaw at upang ako ay dalhan ng pagkain mula sa dagat anumang oras na ako ay narito sa mundo. Nangako ako nalagi ko siyang susundin. Matapos ang pangakong ito dinala niya ako sa iba pang bahagi ng karagatan, sa oras na ito ay isang isla. Mayroon doong mga puno at bawat isa sa mga punong ito ay may kanya- kanyang katungkulan: 
- puno para pang lason,
- puno para pang patay,
- puno para pang kulam, at
- puno para sa kagalingan.
Binigyan niya ako ng mga kapangyarihan na magbago sa lahat ng uri ng mga hayop na pangdagat, hippopotamus, sawa at buwaya at pagkatapos siya ay nawala. Nanatili ako sa ilalim ng dagat sa loob ng isang linggo at sa pamamagitan ng isang kaparaanan (isang buwaya) binanggit sa itaas ako ay bumalik sa daigdig.

Ang Laboratoryo sa Ilalim ng Daigdig

Nanatili ako sa Lagos sa loob ng isang linggo at muling bumalik sa dagat, sa pagkakataong ito ay dalawang buwan. Ako ay pumasok sa laboratoryo na pangsiensya upang makita kung ano ang nangyayari. Nakita ko ang mga doktor sa pag-iisip at mga siyentipiko lahat ay gumagawa ng dibdiban. Ang gawa ng mga siyentipikong ito ay magdesenyo ng magagandang mga bagay tulad ng mamahaling sasakyan, etc., makabagong mga sandata at upang tuklasin ang hiwaga ng mundong ito. 

Kung maaaring malaman ang haligi ng mundo ay makakamtan nila, subalit salamat sa Diyos, TANGING ANG DIYOS LAMANG ANG NAKAKAALAM.
Ako ay nagtungo sa loob ng silid na pagdedesenyo at doon nakita ko ang maraming halimbawa ng tela, mga pabango at iba’t-ibang uri ng cosmetic o pampaganda. Ang lahat ng mga bagay na ito ayon kay Lucifer ay upang magulo o mawala ang atensyon ng tao mula sa Diyos na Makapangyarihan sa lahat. Nakita ko rin ang iba’t-ibang desenyo ng mga electronics, computers at mga alarma. Mayroon din doong isang T. V. kung saan mula roon nalalaman nila kung sinu-sino ang mga born again Christian sa mundo. Doon makikita mo at mapagkakakilanlan ang mga dumadalo lamang sa simbahan at sila na talagang tunay na mga Kristiyano.

Pagkatapos ako’y nagtungo mula sa laboratoryo patungo sa ‘madilim na silid’ at ‘silid na patuyuan’. Sa madilim na silid ay ang lugar na kung saan pinapatay nila ang mga masuwayin na kasapi. Pinapatay nila sa pamamagitan muna ng pag-aalis ng dugo at pagkatapos ay pinapadala ang tao sa silid ng makina na kung saan siya ay gigilingin hanggang maging pulbos at pagkatapos ipapadala ang alikabok o pulbos sa ‘silid ng sakuhan’ na kung saan sila isasako at itatabi para kuhanin ng mga albularyo para sa kanilang mga agimat. Mayroon pang maraming mga bagay na lubhang mahirap ipaliwanag sa sulat. Sa kabila ng lahat ng mga kapangyarihang taglay ko, hindi pa rin ako karapat-dapat na humarap kay Lucifer subalit karapat-dapat lamang na kanyang ahente o alagad. Sa kabila ng lahat ako ay kuntento na rin na ako ngayon ay may mga kapangyarihan at kayang harapin, labanan at wasakin ang mga bagay sa aking kagustuhan. Mayroon pa kayang ibang kapangyarihan sa iba ang aking kinakatha sa aking isipan.

Itutuloy

Isinalin sa wikang tagalog ni Reyn Araullo
Ika-20 ng Hunyo, 2009
pastorrey@gmail.com

The Bible prophesy a one-world government and a one-world currency in the end times.

The Bible does not use the phrase "one-world government" or "one-world currency" in referring to the end times. It does,...