Ang mga anghel ay mga espiritwal na nilalang na may karunungan, emosyon, at kalooban. Ang mga katangiang ito ay kapwa taglay ng mabubuti at masasamang anghel. Ang mga anghel ay mayroong katalinuhan (Mateo 8:29; 2 Corinto 11:3; 1 Pedro 1:12), emosyon (Lucas 2:13; Santiago 2:19; Pahayag 12:17), at kalooban (Lucas 8:28-31: 2 Timoteo 2:26; Judas 6). Ang mga Anghel ay mga espiritwal na nilalang (Hebreo 1:14) at walang pisikal na katawan. Kahit na ang mga anghel ay walang pisikal na katawan, ito ay hindi nakakaapekto sa kanilang personalidad.
Ang kaalaman ng mga anghel ay limitado sapagkat sila ay mga nilalang din lang ng Diyos. Ibig sabihin, hindi nila alam ang lahat ng bagay gaya ng Diyos (Mateo 24:36). Ngunit mayroon silang mas mataas na antas ng karunungan kumpara sa mga tao. Maaaring ito ay dahil sa tatlong dahilan. (1) Ang mga anghel ay ginawa ng Diyos na mas mataas na uri ng nilalang kumpara sa mga tao. Samakatuwid, sa simula pa lamang ay mayroon na silang mas mataas na antas ng katalinuhan. (2) Pinagaaralan ng mga anghel ang Bibliya at ang mundo ng mas magaling kumpara sa mga tao kaya nakakakuha sila ng mga kaalaman dito (Santiago 2:19; Pahayag 12:12). (3) Nakakakuha ng kaalaman ang mga anghel sa pamamagitan ng mahabang obserbasyon sa mga nangyayari sa sangkatauhan. Hindi katulad ng tao, hindi na kinakailangang pagaralan ng mga anghel ang nakaraan sapagkat naranasan na nila ito. Samakatuwid, alam nila kung ano ang magiging reaksyon ng tao sa ilang mga sitwasyon at kaya nilang hulaan kung ano ang gagawin natin sa mga katulad na sitwasyon.
Bagama't mayroon silang sariling kalooban, ang mga anghel ay sakop ng kapangyarihan at kalooban ng Diyos katulad ng lahat ng iba pang mga nilalang. Ang mga mabubuting anghel ay ipinapadala ng Diyos upang tulungan ang mga mananampalataya (Hebreo 1:14). Ang mga sumusunod ay ang mga gawain ng mga anghel ayon sa Bibliya:
Nagpupuri sila sa Diyos (Awit 148:1,2; Isaias 6:3).
Sumasamba sila sa Diyos (Hebreo 1:6; Pahayag 5:8-13).
Nagagalak sila sa ginagawa ng Diyos (Job 38:6-7).
Nagsisilbi sila sa Diyos (Awit 103:20; Pahayag 22:9).
Humaharap sila sa Diyos (Job 1:6; 2:1).
Sila ay instrumento sa paghatol ng Diyos (Pahayag 7:1; 8:2).
Minsan, sila ay instrumento sa pagsagot ng Diyos sa mga panalangin (Mga gawa 12:5-10).
Tumutulong sila sa pagdadala sa isang tao patungo kay Kristo (Mga Gawa 8:26; 10:3).
Tumatalima sila sa mga utos ng Diyos (1 Corinto 4:9; 11:10; Efeso 3:10; 1 Pedro 1:12).
Nagpapalakas sila ng loob sa panahon ng panganib (Gawa 27:23, 24).
Sila ang nangiingat at magdadala sa mga hinirang sa piling ng Diyos sa panahon ng kanilang kamatayan (Lucas 16:22).
Ang mga anghel at tao ay ganap na magkaibang nilalang. Ang mga tao ay hindi nagiging anghel pagkatapos nilang mamatay. Ang mga anghel ay hindi rin pwedeng maging tao, at hindi rin sila naging tao. Nilalang ng Diyos ang mga anghel, tulad ng paglalang Niya sa sangkatauhan. Hindi mababasa sa Bibliya na ang mga anghel ay nilalang na ayon sa kawangis ng Diyos gaya ng tao (Genesis 1:26). Ang mga anghel ay mga espiritwal na nilalang na maaaring sa isang panahon ay magkaroon ng pisikal na anyo ngunit iyon ay pansamantala lamang. Ang mga tao ay mga pisikal na nilalang, subalit may espiritwal na sangkap. Ang pinakamalaking bagay na matututunan natin sa mga anghel ng Diyos ay ang agad-agad at walang pagtatanong na pagsunod nila sa mga utos ng Diyos.