“Ang buhay ng tao ay maikli at puno ng hirap. Natutuyong
parang damo, namumukadkad na parang mga bulaklak na hindi nagtatagal, nalalanta
at nalalagas. Ang buhay ay katulad din ng aninong lumilipas. Kung mamatay ang
tao, mabubuhay pa ba siya?” (Job 14:1, 2, 14)
Katulad ni Job, lahat tayo ay may ganitong katanungan. Ano
nga ba talaga ang mangyayari sa atin pagkatapos nating mamatay? Mawawala ba
tayo? Iisa lang ba ang patutunguhan ng tao o magkakaibang lugar? Mayroon ba
talagang langit at impiyernoo ito'y kathang isip lamang?
Sinasabi sa Biblia na ang tao ay hindi lang mabubuhay ng
pansamantala sa lupa kundi maaari pa silang magkaroon ng buhay na walang
hanggan sa piling ng Diyos sa langit. Ayon sa kasulatan, “Hindi pa nakikita ng
mata, ni naririnig ng tainga, hindi pa rin sumasagi sa isip ng tao, ang
inihahanda ng Diyos sa mga umiibig sa kanya (1 Corinto 2:9).”
Si Hesu Kristo, ang Diyos na nagkatawang-tao ay dumating sa
mundo upang bigyan tayo ng buhay na walang hanggan. “Sinugatan siya dahil sa
ating mga pagsuway, binugbog siya dahil sa ating kasamaan. Ang parusang kanyang
tiniis ang nagpabuti sa ating kalagayan, at sa pamamagitan ng kanyang mga
latay, gumaling tayo (Isaias 53:5).”
Tiniis ni Hesus ang parusang dapat sana ay sa atin at
inihandog niya ang kanyang buhay para sa atin. Ngunit pagkatapos ng tatlong
araw nabuhay Siyang mag-uli. Ito'y isang patunay na napagtagumpayan na niya ang
kamatayan. Nanatili siya sa mundo sa loob ng 40 araw at nasaksihan ng libu-libo
ang Kanyang pag-akyat pabalik sa langit. Sinasabi rin sa Roma 4:25, “Ipinapatay
siya dahil sa ating mga kasalanan at muling binuhay upang tayo ay mapawalang
sala.”
Ang muling pagkabuhay ni Kristo ay isang pangyayaring hindi
mapapasubalian. Hinamon ni Apostol Pablo ang mga tao na imbestigahan nila ang
mga nakasaksi sa mga pangyayari upang mapatunayan kung ano ang katotohanan,
subalit walang sinumang makapagpabulaan sa mga nangyari. Ang muling pagkabuhay
ni Hesus ang napakahalagang pundasyon ng pananampalatayang kristyano. Dahil sa
muling nabuhay si Kristo mula sa mga patay, tayo rin ay naniniwala na mabubuhay
tayong muli.
Sinabi ni Pablo sa mga taong hindi naniniwalang may muling
pagkabuhay, “Ngayon, kung ipinangangaral namin sa inyo na si Kristo'y muling
nabuhay, bakit sinasabi ng ilan sa inyo na walang muling pagkabuhay? Kung
totoong walang muling pagkabuhay, nangangahulugan na maging si Kristo ay hindi
rin muling nabuhay. At kung si Kristo'y hindi muling nabuhay, walang katuturan
ang aming pangangaral, at wala ring silbi ang inyong pananampalataya” (1
Corinto 5:12-14).
Si Kristo ang una sa mga maraming susunod pa na bubuhaying
muli. Ang kamatayan ay dumating sa tao dahil sa pagkakasala ni Adan na siyang
ating pinagmulan. Ngunit ang lahat na naging kabilang na sa pamilya ng Diyos sa
pamamagitan ng kanilang pananampalataya kay Hesu Kristo ay bibigyan ng bagong
buhay (1 Corinto l5:20-22). Kung paanong muling binuhay ng Diyos si Hesus, tayo
ay muling bubuhayin din naman sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan (1
Corinto 6:14).
Kahit na muling mabubuhay ang tao, hindi lahat ay pupunta sa
langit. Ang bawat isa sa atin ay dapat magdesisyon para sa buhay na walang
hanggan. Sinasabi ng Biblia, “itinakda sa tao ang mamatay ng minsan lamang at
pagkatapos, hahatulan siya (Hebreo 9:27). Ang mga itinuring na matuwid ay
pupunta sa langit para mamuhay doon ng walang hanggan, ngunit ang mga masasama
at hindi sumampalataya kay Hesus ay itatapon sa impiyerno para sa kaparusahang
walang hanggan (Mateo 25:46). Ang impiyerno ay hindi isang kathang isip lamang.
Ito ay isang pisikal at tunay na lugar. Ito ang lugar kung saan daranas ang mga
masama ng walang hanggang kaparusahan ng Diyos. Mararamdaman ng mga taong
pupunta roon ang paghihirap ng damdamin, pag-iisip, at katawan, pati na ang
kahihiyan at panghihinayang.
Inilalarawan ang impiyerno na isang hukay na ang lalim ay
walang hangganan (Lukas 8:31; Pahayag 9:1), at gaya sa isang lawang apoy na may
kumukulong asupre. Ang mga naroroon ay pinahihirapan araw-gabi magpakailan man
(Pahayag 20:10). Nag-iiyakan sila doon at nagngangalit ang mga ngipin (Mateo
13:42). Ito'y lugar din kung saan ang uod at apoy ay hindi namamatay (Markos
9:48). Ang Diyos ay hindi natutuwa sa sinumang namamatay sa kanilang kasamaan,
kundi nais Niyang talikuran nila ang kanilang kasamaan at magbalik loob sa
kanya upang sila'y mabuhay (Ezekiel 33:11). Ngunit hindi niya tayo pipiliting
sumunod sa kanya kung ayaw natin. Kung itatakwil natin siya sapagkat iyon ang
gusto natin, ibibigay Niya tayo sa ating kagustuhan na mamuhay ng hiwalay sa
kanya.
Ang buhay sa mundo ay isang pagsubok - isang paghahanda para
sa hinaharap. Para sa mga mananampalataya, ito ay magwawakas sa isang buhay na
walang hanggan sa piling ng Diyos. Ngunit paano tayo magiging matuwid sa
paningin ng Diyos upang magtamo ng buhay na walang hanggan? Ang tanging paraan
lamang ay sa pamamagitan ng pananampalataya kay Hesu Kristo na Anak ng Diyos.
Sinabi mismo ni Hesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang nananalig
sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay. At sinumang nabubuhay at nananalig
sa akin ay hindi mamamatay kailanman” (Juan 11:25-26).
Ang kaloob na ito na buhay na walang hanggan ay kaloob na
walang bayad. Ngunit kinakailangang pagsisihan natin ang ating mga kasalanan,
ihandog natin ang ating sarili sa Diyos at magbagong buhay (Roma 12:1, 2).
Sinasabi rin sa Juan 3:36, “Ang sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay may buhay
na walang hanggan. Ngunit ang hindi sumusunod sa kanya ay hindi magkakaroon ng
buhay na walang hanggan kundi mananatili sa kanya ang galit ng Diyos.” Wala ng
pagkakataon pa na makapagsisi sa ating mga kasalanan pagkatapos nating namatay.
Gusto niyang lumapit tayo ngayon sa Kanya. Kung tatanggapin natin na ang
kamatayan ni Hesu Kristo ang siyang naging kabayaran para sa ating mga pagsuway
sa Diyos, tinitiyak ng Diyos sa atin na magkakaroon tayo ng makahulugang buhay
dito sa lupa at buhay na walang hanggan sa piling ni Kristo sa langit
pagkatapos ng kamatayan.
Kung nais mong tanggapin si Hesu Kristo bilang iyong
Tagapagligtas, narito ang isang simpleng panalangin. Tandaan mo lamang na hindi
ang panalanging ito ang makapagliligtas sa iyo. Ang Diyos lamang ang makagagawa
nito sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Sabihin mo sa Kanya ng buong puso, “O
Diyos, inaamin kung nagkasala ako laban sa iyo at nararapat lamang na ako'y
Iyong parusahan. Ngunit inako ni Hesus ang aking kasalanan at tiniis ang parusa
na ako ang dapat dumanas.
Nagtitiwala ako na sa aking pagsampalataya sa kanya
ay mapapatawad mo ako. Pinagsisihan ko at tinatalikuran ang aking mga kasalanan
at nagtitiwala ako kay Hesus para sa aking kaligtasan. Salamat po sa iyong
kahanga-hangang biyaya at kapatawaran. Salamat din sa buhay na walang hanggan.
Amen!”
https://www.gotquestions.org/Tagalog/
https://www.gotquestions.org/Tagalog/