Maraming mga tao ang nagnanais na
gumawa ang Diyos ng mga himala upang “patunayan” ang Kanyang sarili. Sinasabi
nila, “kung ang Diyos lang ay gagawa ng mga himala o mga tanda o
kahanga-hangang mga gawa, maniniwala na ako sa Kanya.” Ang kaisipang ito ay
sinasalungat ng Bibliya. Nang gumawa ba ang Diyos ng mga kahanga-hanga at
makapangyarihang himala sa harap ng mga Israelita, naging dahilan ba iyon upang
manampalataya sila sa Diyos? Hindi, patuloy na sumuway at lumaban sa Diyos ang
mga Israelita sa kabila ng napakaraming himala na kanilang nasaksihan. Ang mga
taong nakasaksi sa paghati ng Diyos sa Dagat na Pula ang siya ring mga tao na
nagduda sa Kanya kung kaya ba Niyang gapiin ang mga naninirahan sa Lupang
Pangako. Ang katotohanang ito ay ipinaliwanag sa Lukas 16:19-31. Sa kuwento,
isang lalaki sa impiyerno ang nakiusap kay Abraham na kung maaari ay buhayin si
Lazaro at babalaan ang kanyang mga nabubuhay na kapatid. Sinabi ni Abraham sa
lalaki “Kung di nila pinakikinggan si Moises at ang mga propeta, ay di rin
mangahihikayat sila, kahit ang isa'y magbangon sa mga patay.”
Gumawa si Hesus ng napakaraming
mga himala, ngunit ang marami sa mga taong nakasaksi ay hindi pa rin
nanampalataya sa Kanya. Kung gagawa ang Diyos ng mga himala ngayon gaya ng
ginawa Niya sa nakaraan, pareho pa rin ang magiging resulta. Ang mga tao ay
manggigilalas at maniniwala sa Diyos sa loob ng maikling panahon. Ang ganitong
klase ng pananampalataya ay napakababaw at maglalaho kung may isang bagay na
hindi inaasahan at nakatatakot ang mangyayari sa tao. Ang pananampalataya na
ang basehan ay himala ay isang mababaw na uri ng pananampalataya. Ginawa na ng
Diyos ang pinakamalaking himala sa lahat ng panahon ng ipadala Niya ang Kanyang
Anak na Si Hesu Kristo upang mamatay sa krus para sa ating mga kasalanan (Roma
5:8) upang tayo ay maligtas (Juan 3:16). Gumagawa pa rin ng himala ang Diyos
ngayon, marami doon ay hindi lamang napapansin o kaya naman ay tahasang
tinatanggihan ng tao. Gayunman, hindi na natin kailangan pa ang maraming
himala. Ang kailangan natin ay manampalataya sa himala ng kaligtasan sa
pamamagitan ng Panginoong Hesu Kristo.
Ang layunin ng mga himala ay
upang ipakilala at patunayan na sinugo ng Diyos ang gumagawa ng mga ito. Sinabi
sa Mga Gawa 2:22 “Tunay na sinabi ni Moises, ang Panginoong Dios ay magtitindig
sa inyo ng isang propetang gaya ko mula sa gitna ng inyong mga kapatid; siya
ang inyong pakinggan sa lahat ng mga bagay na sa inyo'y sasalitain niya.”
Gayundin ang sinabi sa mga apostol, “Tunay na ang mga tanda ng apostol ay
pawang nangyari sa inyo sa buong pagtitiis, sa pamamagitan ng mga tanda at mga
kababalaghan at ng mga gawang makapangyarihan.” Nasa atin na ang mga
katotohanan ni Hesus na nakasulat sa Bibliya. Nasa atin na ang mga sinulat ng
mga apostol na kanilang itinala sa Bibliya. Sinasabi sa Bibliya na Si Hesus ang
panulukang bato at ang mga apostol ang pundasyon ng pananampalataya (Efeso
2:20). Dahil dito, ang mga himala ay hindi na kailangan dahil ang mensahe ng
Panginoong Hesu Kristo at ng mga apostol ay pinatunayan na at walang
pagkakamaling itinala sa Bibliya. Oo, ang Diyos ay gumagawa pa rin ng mga
himala ngayon. Sa kabila nito, hindi tayo dapat na umasa na laging mangyayari
ang mga himala ngayon gaya ng nangyari noong panahon ng Luma at Bagong Tipan.