Ang salitang "vicar" ay nagmula sa isang salitang Latin na "vicarius" na nangangahulugang "kahalili" o “kinatawan.” Sa simbahang Katoliko, ang vicar ay ang kinatawan ng isang opisyal na mataas ang ranggo, ngunit may kapantay na kapangyarihan at kapamahalaan na gaya ng mataas na opisyal na iyon. Sa pagtawag sa Papa bilang "kinatawan ni Kristo" o "Vicar of Christ," nangangahulugan ito na ang Papa ay may kaparehong kapangyarihan at awtoridad na gaya ni Kristo sa iglesya. Ang titulong ito ay nagmula sa mga pananalita ni Kristo kay Pedro sa Juan 21:16-17, "Pakainin mo amg Aking mga tupa.... Alagaan mo ang Aking mga tupa." Ang mga salitang ito, ayon sa pangangatwiran ng Simbahang Katoliko ay nagsasaad na si Pedro ang Prinsipe ng mga apostol, ang unang papa, at siyang gumanap sa mga salita ni Hesus sa Mateo 16:18-19, (kung saan tinawag ni Hesus si Pedro na bato kung saan Niya itatayo ang Kanyang iglesya).
Upang maunawaan kung ayon ba sa Bibliya na karapatdapat tawagin na kinatawan ni Kristo o hindi ang isang tao, tunghayan natin ang mga pahina ng Bibliya upang malaman kung ano ang paliwanag nito tungkol sa ginagawa ni Hesus sa ating mga buhay, noong Siya ay naging tao sa lupa at kung ano ang Kanyang patuloy na ginagawa para sa atin ngayon. Ikinumpara sa Aklat ng Hebreo si Hesus kay Melquisedec, isang Dakilang saserdote sa Genesis kabanata 14, at gayundin sa pagkasaserdote ng mga Levita sa Lumang Tipan. Ang katanungan ngayon ay ito: kung ang kaligtasan at kabanalan ay makakamit sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, bakit kailangan pa na dumating ang isang saserdote? (Hebreo 7:11)?
Sinabi ng manunulat, "Alam ng lahat na siya'y mula sa angkan ni Juda. At hindi binanggit ni Moises ang angkang ito nang sabihin niya ang tungkol sa mga saserdote. Ito'y lalo pang naging maliwanag nang magkaroon ng ibang saserdoteng katulad ni Melquisedec. Naging saserdote siya dahil sa kapangyarihan ng buhay na kailanma'y di matatapos, at hindi dahil sa lahi---ayon sa tuntunin ng Kautusan. Sapagkat ito ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kanya, "Ikaw ay saserdote magpakailanman, ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec." Kung gayon, inalis ang unang tuntunin dahil sa ito'y mahina at walang bisa. Sapagkat walang napaging-ganap ang Kautusan; ngunit higit na mabuti ang bagong pag-asang tinanggap natin---sa pamamagitan nito'y nakalalapit na tayo sa Diyos" (Hebreo 7:14-19).
Ito ang dahilan kung papaanong nakahihigit si Hesus sa mga saserdote, at higit sa lahat sa Dakilang Saserdote. Ito ang susing talata: "Dati, maraming saserdote ang naghahali-halili, sapagkat namamatay sila at hindi nakapagpapatuloy sa panunungkulan. Ngunit si Jesus ay buhay magpakailanman, at hindi siya mahahalinhan sa kanyang pagkasaserdote. Dahil nga riyan, lubusan niyang maililigtas ang lahat ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya'y nabubuhay magpakailanman upang mamagitan para sa kanila" (Hebreo 7:23-25).
Nangangahulugan ito na si Hesus ang ating Dakilang Saserdote magpakailanman. "Si Jesus, kung gayon, ang Dakilang Saserdoteng makatutugon sa ating pangangailangan. Siya'y banal, walang kapintasan o kasalanan, nahihiwalay sa mga makasalanan at mataas pa kaysa sangkalangitan" (Hebreo 7:26), Hindi siya katulad ng ibang mga dakilang saserdote na "kailangang maghandog ng mga hain araw-araw, una'y para sa sarili nilang kasalanan, at pagkatapos, para sa kasalanan ng mga tao. Minsang naghandog si Jesus---at iya'y pangmagpakailanman---nang ihandog niya ang kanyang sarili" (Hebreo 7:27). Ang mga tao na itinalaga ng Kautusan ay mahina. Ngunit ang Anak ay itinalaga sa pamamagitan ng Bagong Tipan at Siya'y sakdal magpakailanman (Hebreo 7:28). Ang gawain ni Hesus ay nakahihigit sa Luma, at ito'y itinatag sa mas magagandang pangako (Hebreo 8:6).
Sinasabi ng Bibliya na walang ibang pangalan na sukat katagpuan ng kaligtasan kundi ang pangalang Hesus lamang (Gawa 4:12). May isa lamang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao at iyon ay si Hesu Kristo (1 Timoteo 2:5). Nakikita natin ngayon na walang Biblikal na pundasyon para tawagin at angkinin ng sinuman ang pagiging kinatawan ni Kristo sa lupa. Walang sinumang tao ang kayang gawin ang ginawa ni Kristo o gawin ang gjnagawa ngayon ni Kristo para sa sangkatauhan. Ngunit ang titulong Vicar o kinatawan ni Kristo ay may isa pang implikasyon: ang nagtataglay nito ay may katulad na kapangyarihan na kagaya ng opisyal na kanyang kinakatawan. Sa Mateo 16:18, si Hesu Kristo ang nagsabi na Siya ang magtatayo ng Kanyang iglesya. Hindi Niya ipinagkatiwala kaninuman ang ang Kanyang kapangyarihan. Sa pag-angkin ng titulo bilang kinatawan ni Kristo, ipinangangako ng nakaupong Papa ngayon ang mga pangakong ipinangako ni Kristo.
Tunay na ipinangako ni Hesus ang kanyang kinatawan o kahalili sa Kanyang pisikal na presensya sa mundo. Gayunman, ang kahaliling ito ay hindi isang pari o dakilang saserdote, obispo, o papa. Ang tanging kinatawan ni Kristo dito sa lupa ay ang Banal na Espiritu. Idineklara ni Hesus sa Juan 14:26, "Ngunit ang Patnubay, ang Espiritu Santo na susuguin ng Ama sa pangalan ko, ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalaala ng lahat ng sinabi ko sa inyo." Sinabi ni Hesus sa Juan 14:16-18, "Dadalangin ako sa Ama, at kayo'y bibigyan niya ng isa pang Patnubay na magiging kasama ninyo magpakailanman. Ito'y ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat hindi siya nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. Ngunit nakikilala ninyo siya, sapagkat siya'y sumasainyo at nananahana sa inyo. "Hindi ko kayo iiwang nangungulila; babalik ako sa inyo." Ang Banal na Espiritu ang kahalili ni Hesu Kristo dito sa mundo. Ang Banal na Espiritu ang ating Tagapayo, Tagapagturo, (Juan 14:26), at Gabay sa lahat ng katotohanan. (Juan 16:13).
Sa pagaangkin na ang papa ang kinatawan ni Kristo dito sa lupa, tinatanggihan ng Simbahang Katoliko ang kasapatan at kahigtan ng pagkasaserdote ni Kristo at ibinibigay sa papa ang papel na idineklara ni Hesus na para lamang sa Banal na Espiritu. Kaya nga isang pamumusong sa Diyos ang pagbibigay sa papa ng titulong "Vicar of Christ" o "kinatawan ni Kristo."