Sunday, 5 March 2017

Ang rebeldeng anak.

Maaaring may iba't ibang dahilan kung bakit ang isang anak ay nagrerebelde. Ang pagiging malupit, kakulangan sa pagpapakita ng pagmamahal at kritikal na pamamaraan ng mga magulang ay kadalasang nagiging sanhi ng pagrerebelde. Maging ang pinakamasunuring bata ay maaaring magrebelde - sa panloob o panlabas - laban sa mga ganitong pagtrato. Natural lamang na ang ganitong pamamaraan ng mga magulang ay dapat iwasan. Bukod pa rito, ang pagiging rebelde sa mga magulang ay natural lamang para sa mga nagdadalaga o nagbibinata na unti-unting lumalayo sa kanilang pamilya sa proseso ng pagtatatag ng sariling buhay at sariling pagkakakilanlan.

Ipagpalagay natin na ang rebeldeng anak ay natural na nagtataglay ng malakas na personalidad, siya ay makikilala sa pagkahilig sa pagsubok sa kanyang hangganan, ang masidhing pagpapahalaga sa pagkakaroon ng kontrol, at ang paninindigan sa paglaban sa lahat ng awtoridad. Sa madaling sabi, ang kanyang paboritong salita ay rebelyon. Bukod dito, kadalasan, ang mga rebeldeng bata ay matalino at madaling makaisip ng paraan sa mga sitwasyon sa loob lamang ng maiksing panahon, at nakakahanap ng paraan upang magkaroon ng kontrol sa pangyayari at sa mga taong nakapaligid sa kanila. Ang mga batang ito, para sa magulang ay maituturing na matinding pagsubok at mahirap na hamon.
Sa kabutihang palad, totoo na nilikha ng Diyos ang lahat ng bata kung sino at ano sila. Mahal Niya ang lahat ng mga bata at hindi Niya kailanman pinababayaan na ang mga magulang ay mawalan ng pagkukunan ng lakas ng loob upang mapagtagumpayan ang mga hamon ng buhay. May mga biblikal na prinsipyo ukol sa tamang pakikitungo sa mga rebelde at mapagmatigas na mga bata. Una, sinabi sa Mga Kawikaan 22:6 "Turuan mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran, at pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan." Para sa lahat ng mga bata, ang daan na dapat nilang tahakin ay ang daan patungo sa Diyos. Ang pagtuturo sa mga bata ng Salita ng Diyos ay napakahalaga para sa lahat ng mga bata, at dapat nilang maunawaan kung sino ang Diyos at paano makapaglilingkod ng mahusay sa Kanya. Para sa mga mapagmatigas na bata, ang pag-unawa sa kung anong nag-uudyok sa kanya - sa pagnanais na magkaroon ng kontrol - ay malaki ang maitutulong upang kanyang mahanap ang kanyang "landas". Dapat maintindihan ng batang rebelde na hindi siya ang may hawak sa mundo - kundi ang Diyos- at nararapat lamang na gawin niya ang mga bagay sa paraang nais ng Diyos. Ito ay posible lamang kung ang mga magulang ay kumbinsido na ito ang katotohanan at namumuhay sila ng ayon dito. Kung ang mismong magulang ay suwail sa Diyos, hindi niya makukumbinsi ang kanyang sariling anak na sumunod sa Diyos.

Sa oras na maging malinaw sa kanila na ang Diyos ang Siyang gumagawa ng mga panuntunan, dapat ipaunawa ng mga magulang sa kanilang mga anak na sila ay instrumento ng Diyos at gagawin ang kahit ano at lahat ng kinakailangan upang maisakatuparan ang plano ng Diyos sa kanilang pamilya. Dapat ituro sa rebeldeng anak na ang plano ng Diyos para sa mga magulang ay pangunahan sila upang sumunod. Ang mga ganitong bata ay madaling makakita ng pag-aagam-agam at susunggaban ang anumang oportunidad upang mamuno at magkaroon ng kontrol. Ang prinsipyo ng pagpapasakop sa awtoridad ay napakahalaga para sa isang mapagmatigas na bata. Kung ang pagsunod ay hindi natutuhan sa panahon ng kabataan, tiyak na magkakaproblema siya sa mga kinauukulan, kabilang ang amo sa trabaho, mga pulis, batas ng korte, at mga pinuno sa militar. Malinaw sa Mga taga-Roma 13:1-5 na ang mga nasa kapangyarihan ay hinirang ng Diyos, at nararapat lamang na magpasakop tayo sa mga ito.

Bukod pa rito, ang mapagmatigas na bata ay susunod lamang sa mga panuntunan at batas kung ito'y kanilang naiintindihan. Kailangan silang bigyan ng solidong dahilan kung bakit ito dapat ipatupad, kailangang patuloy na ulit-ulitin ang katotohanan na lahat ng mga bagay ay dapat gawin sa paraang nais ng Diyos at ang katotohanang ito ay hindi magbabago. Dapat ipaliwanag na ang Diyos ang nagbigay sa mga magulang ng responsibilidad upang mahalin at disiplinahin ang kanilang mga anak at ang pagkabigo sa paggawa nito ay katumbas ng pagsuway sa Diyos. Gayunman, hanggang posible, maaaring bigyan ng pagkakataon ang mga bata upang makatulong sa pagbuo ng mga desisyon upang hindi siya makaramdam ng ganap na kawalang halaga. Halimbawa, ang pagpunta sa simbahan ay hindi na dapat pag-usapan dahil iniutos ng Diyos ang pakikipagtipon sa mga kapwa mananampalataya (Mga Hebreo 10:25), ngunit sila ay maaaring mamili ng kanilang damit, kung saan uupo ang kanilang pamilya, at iba pa. Bigyan sila ng mga gawain tulad ng pagbibigay mungkahi tulad ng pagpaplano ng bakasyon para sa buong pamilya.

Sadyang nangangailangan ng katatagan at pasensya ang pagiging magulang. Ang mga magulang ay dapat umiwas na magtaas ng boses o pagbubuhat ng kamay dahil sa galit o kawalan ng pagtitimpi. Ito ay magbibigay sa mapagmatigas na anak ng pakiramdam ng pagkakaroon ng kontrol na kanyang ninanais, at madali niyang malalaman kung paano kontrolin ang kanyang magulang sa pamamagitan ng pagsuway hanggang sa ikaw ay maging emosyonal. Ang pisikal na uri ng pagdidisiplina ay hindi epektibo sa mga ganitong bata sapagkat nasisiyahan silang itulak at malaman ang hangganan ng kanilang mga magulang. Ang mga magulang ng mga mapagmatigas na mga bata ay madalas na sinasabing ang kanilang mga anak ay tumatawa pa sa kanila habang sila ay pinapalo, kaya pwedeng sabihing ang ganitong paraan ng pagdidisiplina ay hindi mabisa. Ang bunga ng Espiritu sa isang mananampalataya ay kaamuan at pagpipigil (Mga Taga-Galacia 5:23) at higit na kailangan sa mapagmatigas o rebeldeng anak.

Kahit gaano kahirap ang pagiging magulang sa mga ganitong mga bata, ang mga magulang ay magkakaroon ng kaginhawahan sa pangako ng Diyos na hindi Niya tayo susubukin ng higit sa ating makakaya (1 Mga Taga-Corinto 10:13). Kung binigyan sila ng Diyos ng isang mapagmatigas na anak, makasisiguro ang mga magulang na hindi Siya nagkamali at Kanyang ibibigay ang sapat na patnubay at pangangailangan upang magawa ang kanilang tungkulin. Maaaring higit kailanman para sa mga magulang ang mga salitang "magsipanalangin kayong walang patid" (1 Mga Taga-Tesalonica 5:17) ay mas makahulugan para sa mga mapagmatigas na anak. Ang mga magulang ng mga ganitong mga bata ay dapat gugulin ang karamihan ng kanilang oras sa pananalangin sa Panginoon upang humingi sa karunungan na Kanyang ipinangako (Santiago 1:5). At ang panghuli, may kapanatagan na malaman na ang mga batang mapagmatigas na sinanay ng mabuti ay madalas tumatandang matagumpay. Marami sa mga rebeldeng anak ay nagiging matibay at tapat na Kristiyano na ginagamit ang kanilang mga talento upang makapaglingkod sa Panginoon na kanilang inibig at iginagalang bunga ng pagtitiyaga at pagsusumikap ng kanilang mga magulang.

https://www.gotquestions.org/Tagalog/ 

The Bible prophesy a one-world government and a one-world currency in the end times.

The Bible does not use the phrase "one-world government" or "one-world currency" in referring to the end times. It does,...