Walang duda na ang mga kasalanang hindi ipinapahayag sa Diyos ang isa sa mga hadlang sa isang mabisang buhay panalangin. Dahil ang ating Diyos ay banal, may hadlang na nakapagitan sa atin sa Kanya kung lumalapit tayo na may kasalanang itinatago sa ating buhay. "Ngunit ang sala mo ang nagiging dahilan kaya di marinig ang dalangin mo, at siya ring dahilan sa paglalayo ninyo" (Isaias 59:2). Sumang-ayon si David ayon sa kanyang karanasan na ang Diyos ay malayo sa mga taong nagtatangkang itago ang kanilang mga kasalanan: "Kung sa kasalanan ako'y magtutuloy, di ako diringgin nitong Panginoon" (Awit 66:18).
Tinukoy ng Bibliya ang ilang kasalanan na nagiging hadlang sa mabisang panalangin. Una, kung namumuhay tayo ayon sa laman sa halip na sa Espiritu, ang ating pagnanais na manalangin at ang ating pakikipagugnayan sa Diyos ay nahahadlangan. Kahit na tumanggap na tayo ng bagong kalikasan ng ipanganak tayong muli, ang bagong kalikasang ito ay nananahan pa rin sa ating makasalanang laman at ang "lumang toldang" ito ay marungis at makasalanan. Maaaring makontrol ng laman ang ating mga kilos, paguugali at motibo hanggat hindi tayo nagsisikap na "patayin sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang mga gawa ng laman" (Roma 8:13) at pangunahan ng Espiritu sa isang tamang relasyon sa Diyos. Kung maganap ito, saka lamang tayo makapapanalangin ng may malapit na relasyon sa Kanya.
Ang isang paraan ng pamumuhay sa laman ay makikita sa pagiging makasarili, isa ring hadlang sa mabisang panalangin. Kung ang ating mga panalangin ay makasarili at mali ang ating motibo at kung humihingi tayo ayon sa ating kagustuhan sa halip na ayon sa Kanyang kagustuhan para sa atin, ang maling motibong ito ay hadlang sa mabisang panalangin. "Hindi tayo nag-aatubiling lumapit sa kanya, sapagkat alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin na naaayon sa kanyang kalooban" (1 Juan 5:14). Ang paghingi ayon sa kalooban ng Diyos ay pareho sa pagpapasakop sa kung ano ang Kanyang kalooban para sa atin, kahit hindi natin alam kung ano ang Kanyang kaloobang iyon. Si Hesus ang ating dapat na maging halimbawa para sa pananalangin sa lahat ng bagay. Lagi Siyang nanalangin para sa kalooban ng Kanyang Ama. "Ama," wika niya, "kung maaari'y ilayo mo sa akin ang sarong ito. Gayunma'y huwag ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo" (Lukas 22:42). Ang mga makasariling panalangin ay ang mga panalangin para sa mga bagay na makapagbibigay ng kasiyahan sa ating makasalanang pagnanais at hindi tayo dapat umasa na sasagutin ng Diyos ang ganitong uri ng mga panalangin. "At humingi man kayo, wala rin kayong natatanggap, sapagkat masama ang inyong layunin---humihingi kayo upang gamitin sa kalayawan" (Santiago 4:3).
Ang pamumuhay ayon sa laman at makalamang pagnanasa ay isa ring hadlang sa ating mabisang panalangin dahil nagreresulta ito ng katigasan ng puso para sa iba. Kung hindi tayo sensitibo sa pangangailangan ng iba, paano natin maasahan na magiging sensitibo rin ang Diyos sa ating pangangailangan? Kung lumalapit tayo sa Diyos sa panalangin, ang una nating dapat alalahanin ay ang Kanyang kalooban. Ikalawa, dapat muna nating isipin ang pangangailangan ng iba. Ito ay nagmumula sa pangunawa na dapat nating ituring na mahalaga ang iba kaysa sa atin at dapat nating alalahanin ang kanilang interes ng higit kaysa sa ating pansariling interes (Filipos 2:3-4).
Ang isang pangunahing hadlang para sa isang mabisang pananalangin ay ang hindi pagpapatawad. Kung hindi tayo magpapatawad sa mga nagkasala sa atin, ang ugat ng kapaitan ay tutubo sa ating mga puso at sisikilin ang ating mga panalangin. Paano natin aasahan na ibubuhos sa atin ng Diyos ang Kanyang pagpapala sa atin na mga hindi karapatdapat kung nagtatanim tayo ng poot at may kapaitan ang ating puso para sa iba? Ang prinsipyong ito ay inilarawan ng napakaganda sa talinghaga ng alipin na hindi marunong magpatawad sa Mateo 18:23-35. Ang kuwentong ito ay nagtuturo sa atin na pinatawad tayo ng Diyos sa ating mga utang (ating mga kasalanan) at inaasahan niya tayo na patatawarin din naman natin ang mga nagkautang sa atin. Ang hindi pagpapatawad sa mga nagkasala ay hadlang sa mabisang panalangin.
Ang isa pang hadlang sa epektibong panalangin ay ang kakulangan ng paniniwala at pagaalinlangan. Hindi ito nangangahulugan, gaya ng paliwanag ng iba na kung lalapit tayo sa Diyos na may malakas na pananampalataya ay makasisiguro tayo na diringgin Niya ang ating mga panalangin dahil obligado Siyang gawin iyon. Ang pananalangin ng hindi nagdududa ay nangangahulugan na nananalangin tayo na may tiyak na paniniwala at pangunawa sa Kanyang karakter, kalikasan at layunin. "At hindi kinalulugdan ng Diyos ang hindi nananalig sa kanya. Sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat maniwalang may Diyos, at siya ang nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa kanya" (Hebreo 11:6). Kung lalapit tayo sa Diyos sa panalangin na nagdududa sa kanyang mga katangian, layunin at mga pangako, lubha natin Siyang iniinsulto. Ang ating pagtitiwala ay sa Kanyang kakayahan na tugunin anuman ang ating kahilingan na ayon sa Kayang kalooban at layunin para sa ating buhay. Dapat tayong manalangin na may pangunawa na ang Kanyang kagustuhan ang pinakamaganda para sa atin. "Subalit ang humihingi'y dapat manalig at huwag mag-alinlangan; sapagkat ang nag-aalinlangan ay parang alon sa dagat na itinataboy ng hangin kahit saan. Huwag umasang tatanggap ng anuman mula sa Panginoon ang taong pabagu-bago ang isip at di alam kung ano ang talagang ibig" (Santiago 1:6-8).
Sa karagdagan, ang hindi pagkakasundo sa tahanan ay isa ring tiyak na hadlang sa mabisang panalangin. Partikular na binanggit ito ni Pedro bilang hadlang sa pananalangin ng isang lalaki na may hindi maayos na pagtrato sa kanyang asawang babae. "Kayo namang mga lalaki, pakitunguhan ninyong mabuti ang inyu-inyong asawa, sapagkat sila'y mahina, at tulad ninyo'y may karapatan din sa buhay na walang hanggang kaloob sa inyo ng Diyos. Sa gayon, walang magiging sagabal sa inyong panalangin" (1 Pedro 3:7). Kung may seryosong problema sa relasyon sa pamilya at ang asawang lalaki ay hindi nagpapakita ng mga katangian na binanggit ni Pedro, ang pananalangin ng lalaki sa Diyos ay nahahadlangan. Gayundin naman, ang mga asawang babae ay dapat ding sumunod sa mga Biblikal na prinsipyo ng pagpapasakop sa pamumuno ng asawang lalaki kung nais niyang hindi mahadlangan ang kanilang panalangin (Efeso 5:22-23).
Ang kagandahan sa kabila ng lahat ng ito, ang mga hadlang na ito sa mabisang pananalangin ay maaaring mabigyang solusyon sa pamamagitan ng paglapit sa Diyos, pagpapahayag ng kasalanan at pagsisisi. Tinitiyak sa atin ng 1 Juan 1:9 na "Kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, maaasahan nating ipatatawad sa atin ng Diyos ang mga ito at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasamaan sapagkat siya'y matuwid." Matapos nating gawin ito, makakamit na natin ang isang malinaw at bukas na komunikasyon sa Diyos at hindi lamang Niya pakikinggan at tutugunin ang ating mga panalangin kundi mapupuspos din tayo ng malalim na kagalakan.
https://www.gotquestions.org/Tagalog/
https://www.gotquestions.org/Tagalog/