Thursday, 2 March 2017

Ako ay isang Muslim, kailangang pa ba akong maging Kristyano?


Marahil ang pinakamahalagang kaugnayan ng Islam at Kristiyanismo ay ang sinasabi ng Koran tungkol kay Hesus. Ayon sa Koran, ipinadala ni Allah si Hesus at Kanyang tinulungan sa pamamagitan ng Espiritu Santo (Sura 2:87), itinaas ni Allah si Hesus (Sura 2:253), si Hesus ay matuwid at walang kasalanan (Sura 3:46; 6:85; 19:19), si Hesus ay muling binuhay mula sa mga patay (Sura 19:33-34), inutusan ni Allah si Hesus na magtayo ng relihiyon (Sura 42:13), at si Hesus ay bumalik sa langit (Sura 4:157-158). Dahil dito, dapat alamin at sundin ng mga tapat na Muslim ang mga itinuturo ni Hesus (Sura 3:48-49; 5:46).

Detalyadong isinulat ng mga alagad ang mga aral ni Hesus sa unang apat na aklat ng Bagong Tipan. Ayon sa Sura 5:111, ang mga alagad ni Hesus ay tinulungan ni Allah na maniwala kay Hesus at sa kanyang mensahe. Ayon naman sa Sura 61:6, 14, si Hesus at ang kanyang mga alagad ay mga katulong ni Allah. At bilang mga katulong ni Allah, siguradong tama ang pagkakasulat nila sa mga turo ni Hesus. Inuutos ng Koran sa mga Muslim na paniwalaan at sundin ang Torah at ang unang apat na aklat sa Bagong Tipan (Sura 5:44-48). Dahil walang kasalanan si Hesus, katotohanan lahat ang kanyang itinuro. At dahil ang mga alagad ni Hesus ay mga katulong ni Allah, tama ang kanilang mga isinulat na katuruan ni Hesus.
Itinuturo ng Koran na dapat pag-aralan ng mga Muslim ang mga aklat sa Bagong Tipan tungkol kay Hesus. Hindi ito iuutos ni Allah kung hindi mapagkakatiwalaan ang mga aklat na iyon. May mga bahagi ng Bibliya tungkol kay Hesus na isinulat 450 taon bago pa isulat ang Koran. Napakaraming kopya na ang nagawa mula sa apat na aklat ng Bagong Tipan. Kung ikukumpara ang lumang kopya sa mga kopya sa panahon ni Muhamad at sa mga kopyang ginawa pagkatapos ng panahon ni Muhamad ay makikita natin na halos walang pagkakaiba ang mga sinasabi nila tungkol kay Hesus at sa kanyang mga turo. Walang kahit anong ebidensya na may pinalitan o idinagdag sa mga aklat. Dahil dito, nakatitiyak tayo na totoo ang lahat ng turo ni Hesus at walang anumang mali sa pagkasulat sa unang apat na aklat ng Bagong Tipan. Patunay ito na iningatan ni Allah ang tamang pagkakasulat sa mga aklat na naglalaman ng Mabuting Balita tungkol kay Hesus.

Ano nga ba ang mga bagay tungkol kay Hesus na nakasulat sa unang apat na aklat ng Bagong Tipan? Sinasabi sa Juan 14:6, “Sumagot si Hesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” Itinuturo ni Hesus sa talatang ito na siya lamang ang tanging daan patungo sa Diyos. Sa Mateo 20:19, sinabi ni Hesus ng ipapako siya sa krus, papatayin at muling mabubuhay mula sa mga patay pagkatapos ng tatlong araw. Nangyari ang mga pangyayaring ito ayon mismo sa sinabi ni Hesus bago pa sila maganap sa kasaysayan. Maliwanag na nakasulat ang mga ito sa Mateo 27-28, Marcos 15-16, Lukas 23-24, at Juan 19-21. Ngunit bakit pumayag si Hesus, na isang dakilang propeta ni Allah, na patayin ng mga tao? At bakit pinayagan din ito ni Allah? Ayon kay Hesus, wala ng mas dakila pang pag-ibig sa paghahandog ng buhay para sa isang kaibigan (Juan 15:13). At sinasabi rin sa Juan 3:16 na dahil sa laki ng pag-ibig ng Diyos sa atin, isinugo niya si Hesus upang maging handog para sa ating mga kasalanan.

Bakit kailangang ihandog ni Hesus ang kanyang buhay para sa tao? Ito ang pinakamalaking kaibahan ng Islam at Kristiyanismo. Ayon sa turo ng Islam, hahatulan ni Allah ang mga tao base sa kanilang mga gawang mabuti. Ngunit ayon sa turo ng Kristiyanismo, walang sinumang tao ang maliligtas dahil sa mabubuting gawa. At kahit gumawa ang tao ng mabubuting gawa, hindi maaaring pahintulutan ni Allah na pumasok sa langit ang sinumang nakagawa ng kahit isang kasalanan, sapagkat siya ay banal, perpekto at matuwid. Kung gayon, tayong lahat ay tutungo sa impiyerno. Dahil sa kabanalan ni Allah, kailangang patawan niya ng hatol na parusa ang nagkasala. Iyan ang dahilan kung bakit kailangang ihandog ni Hesus ang kanyang buhay para sa atin.

Ayon sa turo ng Koran, si Hesus ay banal at hindi nagkasala kailanman. Pero paano mabubuhay ang isang tao sa buong buhay niya sa mundo na hindi man lamang magkakasala ni minsan? Imposible. Paano iyon nagawa ni Hesus? Ito ay sa dahilang si Hesus ay hindi isang pangkaraniwang tao. Ayon sa kanya, Siya at ang Ama ay iisa (Juan 10:30). Sinabi niya na Siya ang Diyos na tinutukoy sa Torah o aklat ng kautusan (Juan 8:58). Itinuro sa Juan 1:1, 14 na siya ang Diyos na naging tao. Sinabi ng Diyos na nagkasala tayong lahat kaya hindi tayo makapapasok sa langit. Sinabi din niya na ang tanging paraan upang tayo ay mapatawad ay kailangang bayaran ang parusa para sa ating mga kasalanan. Alam din ng Diyos na Siya lamang ang may kakayahang magbayad sa ating malaking pagkakautang. Kaya nagkatawang tao ang Diyos sa pamamagitan ni Hesu Kristo. Nabuhay siya sa mundo na matuwid at walang kasalanan (Sura 3:46; 6:85; 19:19), itinuro niya ang katotohanan at namatay para sa atin, upang bayaran ang kaparusahan ng kasalanan. Ginawa ito ng Diyos dahil mahal niya tayo, at dahil nais niya tayong makasama sa Langit.

Ano ngayon ang ibig sabihin nito? Si Hesus ang naging ganap at buhay na handog para sa ating mga kasalanan. Iniaalok ng Diyos ang kapatawaran at ang kaligtasan sa lahat ng tao. Ang kailangan nating gawin ay tanggapin ang Kanyang iniaalok sa atin (Juan 1:12). Ilagak natin ang ating pananampalataya kay Hesus bilang sariling tagapagligtas, sapagkat inialay niya ang Kanyang buhay alang-alang sa atin. Kung mananalig tayo kay Hesus bilang ating Tagapagligtas, mayroon tayong katiyakan na mayroon tayong buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa langit. Patatawarin tayo ng Diyos sa ating mga kasalanan, lilinisin at bubuhayin Niya ang ating espiritu. Paano natin matatanggihan ang ganito kadakilang kaloob? Paano natin matatalikuran ang Diyos na nagmamahal sa atin at ibinigay ang kanyang sariling Anak bilang kaloob na pambayad sa ating mga kasalanan.

Kung hindi ka pa sigurado sa iyong pananampalataya, maaari mong bigkasin ang panalanging ito: “O Diyos, tulungan mo akong malaman ang katotohanan. Tulungan mo rin akong makita ang aking mga pagkakasala laban sa Iyo. Gabayan mo po ako upang malaman ko ang tunay na daan patungo sa kaligtasan. Amen!” Hindi mahalaga na ganitong ganito rin ang sasabihin mo. Kung taos puso kang mananalangin sa Diyos, diringgin niya ang iyong panalangin.

Kung nais mong ilagak kay Hesu Kristo ang iyong pagtitiwala bilang iyong Tagapagligtas upang makamtan ang kapatawaran mula sa Diyos, narito ang isang modelong panalangin na maaari mong sabihin sa Diyos ng iyong buong puso. Tandaan mo lamang na walang panalangin ang makapagliligtas sa iyo kundi ang Diyos lamang sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu. “O Diyos, inaamin kong nagkasala ako laban sa iyo at nararapat lamang na ako ay Iyong parusahan. Salamat po na inako ni Hesus ang aking kasalanan at tiniis ang parusang dapat na ako ang magdanas upang ako’y Iyong mapatawad. Tinatalikuran ko ang lahat ng aking mga kasalanan at nagtitiwala ako ngayon kay Hesus para sa aking kaligtasan. Salamat po sa iyong kahanga-hangang biyaya at kapatawaran. Salamat po sa buhay na walang hanggan. Amen.”

https://www.gotquestions.org/Tagalog/

The Bible prophesy a one-world government and a one-world currency in the end times.

The Bible does not use the phrase "one-world government" or "one-world currency" in referring to the end times. It does,...