Ang konsensya ay ang sangkap ng ating pagkatao na umuusig sa ating budhi sa tuwing atin itong nilalabanan at nagdudulot naman sa atin ng kasiyahan at magandang pakiramdam kung ang ating mga gawa, pagiisip at pananalita ay sumasang ayon sa ating pananaw sa moralidad o sa ating sariling pamantayan ng mabuti at masama. Ang salitang Griyego sa bagong Tipan na isinalin sa salitang ‘konsensya’ ay ‘suneidēsis’ na nangangahulugang ‘kaalaman sa moralidad’ o ‘kamalayan sa moralidad.’ Ang konsensya ay gumagana kung ang gawa, pagiisip at pananalita ng isang tao ay sumasang-ayon o sumasalungat sa kanyang pamantayan ng mabuti at masama.
Walang salitang Hebreo sa Bagong Tipan na katumbas ng salitang Griyegong ‘suneidēsis’ sa Bagong Tipan. Ang kawalan ng salitang Hebreo para sa salitang konsensya ay maaaring dahilan sa pananaw ng mga Hudyo na maka-komunidad sa halip na maka-indibidwal. Itinuturing ng mga Hudyo ang kanilang sarili bilang miyembro ng isang komunidad na may kaugnayan sa kanilang Diyos at sa kanyang mga Kautusan sa halip na bilang mga indibidwal. Sa ibang salita, ang mga Hebreo ay nagtitiwala sa kanilang sarilng katayuan sa harapan ng Diyos kung ang Israel o mga Hebreo ay may magandang pakikisama sa Diyos sa kabuuan bilang isang bansa.
Ang konsepto ng Bagong Tipan ay mas pumapabor sa pagiging indibidwal ng tao at kinasasangkutan ito ng tatlong pangunahing katotohanan. Una, ang konsensya ay ang kakayahan na ibinigay ng Diyos sa tao upang magsuri ng kanilang sarili. Binanggit ni Pablo ang kanyang sariling konsensya ng ilang beses na ‘malinis’ o ‘malinaw’ (Gawa 23:1; 24:16; 1 Corinto 4:4). Siniyasat ni Pablo ang kanyang sariling pananalita at mga gawa at natagpuan ang mga iyon na sumasang-ayon sa kanyang pamantayan ng moralidad at pagpapahalaga na ayon sa pamantayan ng Diyos. Tinitiyak ng konsensya ni Pablo ang katapatan ng kanyang puso.
Ikalawa, inilalarawan ng Bagong Tipan ang konsensya bilang isang saksi. Sinabi ni Pablo sa mga Hentil na ang kanilang konsensya ang sumasaksi sa presensya ng kautusan ng Diyos na nakasulat sa kanilang mga puso bagamat hindi nila alam ang tungkol sa Kautusan ni Moises (Roma 2:14-15). Inilarawan din niya ang kanyang sariling konsensya bilang saksi sa kanyang pagsasabi ng katotohanan (Roma 9:1) na namuhay siya ng may kabanalan at buong katapatan sa kanyang pakikitungo sa mga tao (2 Corinto 1:12). Sinabi din niya na ang kanyang konsensya ang nagpapatunay sa kanya na ang kanyang mga gawa ay hayag sa Diyos at siya ring saksi sa konsensya ng ibang tao (2 Corinto 5:11).
Ikatlo, ang konsensya ay alipin ng pananaw sa moralidad at pagpapahalaga ng isang indibidwal. Ang isang taong may mali o mahinang pagpapahalaga sa moralidad ay mayroon ding isang mali at mahinang konsensya habang ang isang taong may malinaw na pagpapahalaga sa moralidad ay nagbubunga ng isang matibay na pagpapahalaga sa tama at mali. Sa pamumuhay Kristiyano, ang konsensya ay maaaring itinutulak ng mababaw na pangunawa sa mga katotohanan ng Kasulatan at maaring magbunga sa paguusig ng budhi at pagkapahiya sa sarili. Ang paglago sa pananampalataya ay nakapagpapatibay at nakapagpapalakas ng konsensya.
Ang huling gawain ng konsensya ay ang tinutukoy ni Pablo sa kanyang katuruan tungkol sa pagkaing inihandog sa mga diyus diyusan. Itinuro niya na dahil ang mga diyus diyusan ay hindi tunay na Diyos, walang problema kung ang mga pagkain man ay inihandod sa diyus diyusan o hindi. Ngunit may ilang miyembro ng iglesya sa Corinto na mahina pa ang pangunawa at naniniwala na totoong ‘diyos’ o talagang umiiral ang mga diyus diyusang iyon. Ang mga mananampalatayang ito na may mahinang pananampalataya ay nanghihilakbot na isipin man lamang ang tungkol sa pagkain ng mga pagkaing inihandog sa diyus diyusan dahil sa ang kanilang konsensya ay alipin ng mga pamahiin at maling pananaw. Dahil dito, hinimok ni Pablo ang mga may malawak na pangunawa na huwag gamitin ang kanilang kalayaan sa pagkain na maaaring magdulot ng pagkatisod sa pananampalataya ng mga kapatiran na may mahinang konsensya. Ang aral ay ito: kung malinis ang ating konsensya dahil sa ating lumalagong pananampalataya at pangunawa, hindi tayo dapat maging sanhi ng pagkatisod ng mga mananampalatayang may mahinang konsensya.
Ang isa pang pagtukoy sa Bagong Tipan sa salitang konsensya ay tungkol sa isang ‘manhid’ na konsensya o konsensyang walang pakiramdam na tila baga tulad sa nagbabagang bakal na may tatak (1 Timoteo 4:1-2). Ang ganitong klase ng konsensya ay matigas na tulad sa kalyo at hindi na nakakaramdam ng anumang paguusig. Ang taong may ‘manhid’ na konsensya ay hindi na nakikinig sa paguusig ng kanyang budhi at maaaring magkasala ng hindi nababagabag sa konsekwensya ng kanyang ginawa at dinaya na ang kanyang sarili na walang problema ang kanyang kaluluwa at tinatrato ang ibang tao ng walang habag at walang pakialam sa kanilang pakiramdam.
Bilang mga Kristiyano, dapat nating panatilihing malinis ang ating konsensya sa pamamagitan ng pagsunod sa Diyos at sa pagpapanatili ng ating maayos na relasyon sa Kanya. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagsasapamuhay ng Kanyang mga salita at sa patuloy na pagpapanibago at pagpapalambot ng ating mga puso. Isaalang-alang nating ang mga kapatiran na may mahinang konsensya at tratuhin natin sila ng may pag-ibig at kahabagan.
https://www.gotquestions.org/Tagalog/
https://www.gotquestions.org/Tagalog/