Ang pitong Iglesya na inilarawan sa Pahayag 2-3 ay pitong literal na Iglesya sa panahon na isinulat ni Apostol Juan ang Aklat ng Pahayag. Bagamat literal silang Iglesya sa panahong iyon, mayroon ding espiritwal na kahalagahan ang mga sinabi ni Juan sa mga Iglesya at mananampalataya sa ating kapanahunan. Ang unang layunin ng aklat ay upang makipagugnayan si Juan sa mga literal na Iglesya at katagpuin ang kanilang mga pangangailangan ng panahong iyon. Ang ikalawang layunin ni Juan ay upang ipakilala ang pitong iba't ibang uri ng indibidwal na mga Iglesya sa kasaysayan at turuan sila ng mga katotohanang mula sa Diyos.
Ang posibleng ikatlong layunin ay upang gamitin ang pitong Iglesya sa paglalarawan sa pitong iba't ibang yugto sa kasaysayan ng Iglesya. Ang problema sa interpretasyong ito ay hindi tumutugma ang mga isyu na inilarawan sa pitong Iglesya sa Pahayag sa kasaysayan ng Iglesya. Kaya, bagamat may ilang katotohanan sa mga kalagayan ng pitong Iglesyang ito ang naglalarawan sa pitong yugto sa kasaysayan ng Iglesya, masyadong malayo ang ganitong interpretasyon. Ang ating pagtutuunan ng pansin ay kung ano ang mensahe ng Diyos para sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mga sinabi sa pitong Iglesya. Ang pitong Iglesyang ito ay ang mga sumusunod:
(1) Efeso (Pahayag 2:1-7) - ang Iglesyang tinalikdan ang kanyang unang pag-ibig (2:4).
(2) Esmirna (Pahayag 2:8-11) - ang Iglesya na daranas ng paguusig (2:10).
(3) Pergamus (Pahayag 2:12-17) - ang Iglesya na kinakailangang magsisi (2:16).
(4) Tiatira (Pahayag 2:18-29) - ang Iglesya na may mga bulaang propetisa (2:20).
(5) Sardis (Pahayag 3:1-6) - ang natutulog na Iglesya (3:2).
(6) Filadelfia (Pahayag 3:7-13) - ang Iglesyang matiyagang nagtitiis (3:10).
(7) Laodicea (Pahayag 3:14-22) - ang Iglesya na may mala-hiningang pananampalataya (3:16).