Sa panahon ngayon, marami na tayong mapagpipilian - iba't ibang klase ng pagkain, inumin, damit, bahay, kotse at kung anu-ano pa. Kadalasan, nahihirapan tayong pumili kung ano ang tama dahil sa sobrang dami ng ating pagpipilian.
Baka ganito rin ang nararanasan mo sa relihiyon. Sa dami ng mga relihiyon sa panahon ngayon, mahirap magdesisyon kung alin ang pipiliin. Mayroon kayang relihiyon na hindi ka makokonsensiya, walang istriktong kautusan at walang anumang ipinagbabawal? Maaaring may relihiyong kagaya nito. Malaya kang makapipili ng gusto mo. Pero ang relihiyon ba ay isang bagay na maaari mo ring piliin gaya ng pagpili mo ng kakainin?
Maraming relihiyon ang nakatatawag sa ating pansin ngayon. Bakit pa natin pipiliin si Hesus? Hindi nga ba't sabi ng iba, lahat naman ng relihiyon ay patungo sa Diyos? Hindi ba't pare-pareho lang naman ang lahat ng relihiyon? May kasabihan nga “Maraming daan, ngunit isa lang ang patutunguhan.” Pero ang totoo, hindi patungo sa langit ang lahat ng relihiyon katulad din ng mga daan, na hindi lahat ay patungong Maynila.
Si Hesus lamang ang nagturo nang may kapangyarihan mula sa Diyos sapagkat siya lang ang muling nabuhay mula sa kamatayan. Ang mga labi nina Mohammad, Confucius at iba pa ay nasa kanilang mga libingan pa hanggang ngayon. Ngunit si Hesus, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, ay bumangon mula sa kanyang libingan tatlong araw pagkatapos niyang mamatay sa krus. Mas dapat nating pakinggan ang sinumang may kapangyarihan laban sa kamatayan.
Napakaraming ebidensiya na totoong nabuhay na mag-uli si Hesus. Una, may 500 tao ang nakakita kay Kristo pagkatapos niyang mabuhay na mag-uli. Hindi maaaring bale-walain ang patotoo ng 500 taong iyon na nakakita sa Kanyang nabuhay na mag-uling katawan. Naroon din ang pinaglibingan sa Kanya na wala ng laman. Napigilan sana ng mga kalaban ni Hesus ang usap-usapan na muli Siyang nabuhay kung naipakita nila ang nabulok Niyang bangkay, ngunit wala silang naipakita dahil wala ng laman ang libingan. Ninakaw kaya ng mga alagad ni Hesus ang Kanyang bangkay? Imposible dahil may mga sundalong Romano na nagbabantay sa libingan at may tatak pa ng pinuno ang takip nito upang hindi basta-basta mabuksan ninuman. Isa pa, takot na takot sila noong dakpin at ipako si Hesus, kaya hindi magagawang pumunta ng mga alagad sa libingan dahil sa mga sundalong Romano na nagbabantay doon. Kaya hindi maaaring pasinungalingan na si Hesus ay tunay na nabuhay na mag-uli.
At dahil siya'y muling nabuhay, patunay iyon na nagapi Niya ang kamatayan. Kaya nararapat lamang na pansinin natin ang kanyang mga sinabi. Ayon sa kanya, siya lang ang tanging daan para maligtas ang tao (Juan 14:6).
Nanawagan Siya sa mga tao at sinabi “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatan sa inyong pasanin, at bibigyan ko kayo ng kapahingahan” (Mateo 11:28). Namumuhay tayo ngayon sa mundo na punong-puno ng mga paghihirap at problema. Marami sa atin ang dumanas na at patuloy pang dumaranas ng mga ito. Ano ngayon ang pipiliin mo? Ang kapahingahang inaalok ni Hesus o relihiyon? Si Hesus na buhay na tagapagligtas ba o ang mga “propeta” o tagapagtatag ng relihiyon na nangamatay ngunit hindi muling nabuhay? Ang buhay ba na may relasyon sa Diyos o ang walang saysay na mga ritwal ng relihiyon? Piliin natin si Hesus. Siya lamang ang karapat dapat.
Si Hesus ang tamang “relihiyon” kung naghahanap ka ng kapatawaran (Mga Gawa 10:43). Siya rin ang sagot kung naghahanap ka ng makahulugang relasyon sa Diyos (Juan 10:10). Kung ang hanap mo ay walang hanggang tahanan sa langit, sumampalataya ka kay Hesus at ilagak sa Kanya ang iyong pananampalataya (Juan 3:16). Kapag ginawa mo ito, hindi ka mabibigo at hindi ka magsisisi kailanman.
Kaya kung nais mong ilagak kay Hesu Kristo ang iyong pagtitiwala bilang iyong Tagapagligtas upang makamtan ang kapatawaran mula sa Diyos, narito ang isang modelong panalangin na maaari mong sabihin sa Diyos ng iyong buong puso. Tandaan mo lamang na walang panalangin ang makapagliligtas sa iyo kundi ang Diyos lamang sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu. “O Diyos, inaamin kong nagkasala ako laban sa iyo at nararapat lamang na ako ay Iyong parusahan. Salamat na inako ni Hesus ang aking mga kasalanan at tiniis ang parusang dapat na ako ang magdanas upang ako’y Iyong mapatawad. Tinatalikuran ko ang lahat ng aking mga kasalanan at nagtitiwala ako ngayon kay Hesus para sa aking kaligtasan. Salamat po sa iyong kahanga-hangang biyaya at kapatawaran. Salamat po sa buhay na walang hanggan. Amen.”