Friday, 24 March 2017

Nasa huling panahon na ba tayo ngayon?

Sa isang banda, nabubuhay na tayo sa “mga Huling Panahon/Araw” sa loob ng ilang siglo. Tinukoy ni Pedro ang panahon kung kailan nabubuhay na siya noon pa sa mga “huling panahong ito” (1 Pedro 1:20; Hebreo 1:2), at binanggit din ni Pablo na ang mga Iglesya sa kanyang panahon ay “nabubuhay ngayong mga huling araw” (1 Corinto 10:11). Sa dispensasyong ito ng panahon dumating ang Salita (Juan 1:14), tiniyak ang ating kaligtasan (Hebreo 9:26), at ibinuhos ang Banal na Espiritu (Gawa 2:16–18). Nabubuhay tayo sa huling yugto ng panahon bago hatulan ng Diyos ang sangkatauhan. 

Ngunit kadalasan, sa tuwing binabanggit ng mga tao ang tungkol sa mga “huling panahon,” o mga “huling araw,” tinutukoy nila ang panahon bago o kasama ang pitong taon ng kapighatian kung kailan magaganap ang mga pangyayari bago dumating ang wakas na inilalarawan sa Aklat ng Pahayag. Nagumpisa na ba ang kapighatian? Hindi pa, habang isinusulat ang artikulong ito. Hindi pa dinadagit ang iglesya, at hindi pa nagumpisa ang pitong taon ng Dakilang Kapighatian. Nabubuhay ba tayo sa panahon bago ang pagdagit at dakilang kapighatian? Posible. Inihula sa Bibliya ang maraming pangyayari na magaganap sa mga Huling Panahon/Araw. Ang mga pangyayaring ito ay maikakategorya sa lima: sa natural, sa sosyedad, sa espiritwal, sa teknolohiya at sa pulitika. Habang maaaring hindi natin makita ng direkta ang mga magaganap, maaari nating makita ang pasimula ng mga pangyayaring ito. Gaya ng mahihinang pagyanig bago ang malakas na lindol, maaaring nararamdaman na sa mundo ngayon ang mga maliliit na kaganapan bago ang mga aktwal na pangyayari sa Huling Panahon/Araw.
Inilista sa Lukas 21:11 ang ilan sa mga pangyayari bago ang muling pagparito ni Kristo: “Magkakaroon ng malalakas na lindol, taggutom at mga salot sa iba't ibang dako. May lilitaw na mga kakaibang bagay at mga kakila-kilabot na kababalaghan buhat sa langit.” Nakaranas na ang makasalanang mundong ito ng maraming lindol at iba pang kalamidad. Inihula ni Hesus na lalala ang mga kalamidad na ito habang paparating ang wakas. Sa loob ng labintatlong (13) taon, sa pagitan ng 1991 hanggang 2004, nakaranas ang Estados Unidos ng 5 sa pinakamatinding bagyo sa kasaysayan, tatlo sa apat na pinakamalaking tornado at siyam sa sampung pinakamalalaking kalamidad ayon sa FEMA. Sa mga nagdaang taon, nasaksihan natin ang bagyong si Sandy, na tinatawag ng iba na isang “perpektong bagyo.” Para sa mga dakilang tanda mula sa langit, noong 2013, sumabog ang meteor na pinangalanang Chelyabinsk sa Rusya at nagpakawala ng malakas na shock wave na ikinapinsala ng may isanlibo at limandaang (1,500) katao. Ang lahat ng mga pangyayring ito ay maaaring pasimula pa lamang ng mga magaganap sa huling panahon – ang tinutukoy ni Hesus na “pasimula ng mga paghihirap na tulad sa isang babaing nanganganak” (Mateo24:8).

Inilista sa Bibliya ang positibo at mga negatibong tanda sa espiritwal. Sa 2 Timoteo 4:3-5, nalaman natin na maraming tao ang susunod sa mga bulaang guro. Nakikita natin ngayon ang pagdami ng mga kultong grupo, mga hidwang aral, pandaraya at okultismo, at marami ang piniling sumunod sa kilusang New Age o mga paganong relihiyon. Sa positibo naman, inihula sa Joel 2:28–29 na ipagkakaloob ang Banal na Espiritu. Ang hula ni Joel ay natupad noong araw ng Pentecostes (Gawa2:16), at nakikita pa rin natin ngayon ang epekto ng pagpapanibagong sigla sa pananampalataya ng mga Kristiyanong kilusan sa udyok ng Espiritu, ang pandaigdigang pangangaral ng Ebanghelyo, at ang muling pagbangon ng pananampalataya sa Mesiyas para sa mga Hudyo. 

Kabilang sa mga tandang ito sa natural at espiritwal na aspeto, mayroon ding tanda sa sosyedad o kultura. Laganap ang imoralidad sa sosyedad sa kasalukuyan, na sintomas ng paglaban ng sangkatauhan sa Diyos. Ang pagpatay sa sanggol sa sinapupunan o aborsyon, kabaklaan at pagiging tomboy, ang pagkagumon sa droga, at pagmolestya sa mga bata ay katibayan na ang “masasama ay lalo namang magpapakasama at ang manlilinlang ay patuloy na manlilinlang” (2 Timoteo 3:13). Namumuhay tayo ngayon sa isang mundo na hinahanap ng tao ang kasiyahan sa mga bagay na materyal. Iniibig ng mga tao ang kanilang sarili —“na hinahangad lagi ang maging una sa lahat —at ginagawa ang anumang kanilang maibigan.” Makikita natin ang lahat ng ito at marami pang iba sa ating paligid araw-araw (tingnan ang 2 Timoteo 3:1–4).

Ang katuparan ng ilan sa mga hula sa Huling Panahon/Araw ay tila imposible hanggang sa dumating ang panahon ng makabagong teknolohiya. Ang ilan sa mga parusa sa Pahayag ay madaling maunawaan sa panahong nukleyar. Sa Pahayag 13, kokontrolin ng Antikristo ang kalakalan sa pamamagitan ng pagpwersa sa mga tao na magpatatak ng marka ng halimaw, at dahil sa makabagong teknolohiya ng computer chips, ang mga kasangkapan na gagamitin ng halimaw ay nasa kanya ng mga kamay

May mga tanda rin sa pulitika. Ang muling pagtatatag ng Bansang Israel sa sarili nitong lupain noong 1948 ay ang nagiisa at pinakakahanga-hangang natupad na hula na nagpapatunay na ang lahat ng bagay ay nangyayari na para sa pagdating ng huling araw. Sa pagdating ng ika-dalawampung siglo, walang sinuman ang nagaakala na makakabalik ang Israel sa sarili nitong lupain, at ookupahin nitong muli ang Jerusalem. Ang Jerusalem ang sentro ng pulitika ng buong mundo at nakatayong mag-isa laban sa maraming kaaway. Kinumpirma ito ni propeta Zacarias: “Ang Jerusalem ay gagawin kong parang isang mangkok na puno ng alak upang ang sinumang maghangad lumusob dito ay maging parang lasing na susuray-suray. Ang pagkubkob sa Jerusalem ay pagkubkob na rin sa buong Juda.” Hinulaan ni Hesus sa Mateo 24:6–7 na bago ang pagwawakas ng panahon, “Makakarinig kayo ng mga labanan at makakabalita ng mga digmaan sa iba't ibang dako.” “Ang mga labanan at balita ng digmaan” ay tiyak na katangian ng kasalukuyang panahon. 

Ilan lamang ang mga ito sa mga tanda na papalapit na tayo sa mga Huling Panahon/Araw. Ibinigay sa atin ng Diyos ang mga hulang ito dahil hindi Niya nais na mapahamak ang sinuman, at lagi Siyang nagbibigay ng sapat na babala sa tao bago Niya ibuhos ang Kanyang poot (2 Pedro 3:9).

Nabubuhay na ba tayo sa mga Huling Panahon/Araw? Maaaring maganap ang pagdagit sa mga mananampalataya sa anumang sandali. Paparating na ang Huling paghuhukom at parurusahan ng Diyos ang kasamaan ng mundong ito. Hanggang sa dumating ang sandaling iyon, ay ang panahon ng biyaya. Sinasabi sa Juan 3:36, “Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan. Ngunit ang hindi sumusunod sa Anak ay hindi magkakaroon ng buhay. Sa halip, mananatili sa kanya ang poot ng Diyos.” Yaong mga hindi tumanggap kay Kristo bilang kanilang tagapagligtas ay nananatili sa ilalim ng poot ng Diyos. 

Ang Mabuting Balita ay hindi pa huli ang lahat upang piliin ang buhay na walang hanggan. Ang tanging kinakailangan ay pagtanggap sa pamamagitan ng pananampalataya sa libreng kaligtasan na kaloob ng Diyos. Wala kang magagawa upang bayaran ang biyaya; binayaran na ni Hesus ang kaparusahan para sa iyo (Roma 3:24). Handa ka na ba sa muling pagparito ng Panginoon? O mararanasan mo ang Kanyang poot?

https://www.gotquestions.org


The Bible prophesy a one-world government and a one-world currency in the end times.

The Bible does not use the phrase "one-world government" or "one-world currency" in referring to the end times. It does,...