Nakatutuwang malaman na mas maraming tao ang naniniwala sa langit kay sa mga taong naniniwala sa impiyerno. Ngunit ayon sa Biblia, ang impiyerno ay kasing-totoo ng langit. Ang Biblia ay maliwanag na nagtuturo na ang impiyerno ay isang tunay na lugar kung saan inihahatid ang mga masasama/hindi-manampalataya pagkatapos ng kanilang kamatayan. Lahat tayo ay nagkasala laban sa Dios (Rom. 3: 23). Ang nararapat lamang na kaparusahan sa kasalanan ay kamatayan (Roma 6: 23). Dahil ang lahat ng ating kasalanan ay laban sa Dios (Awit 51:4), at dahil ang Dios ay banal at walang hanggan, ang kamatayan na siyang kaparusahan sa kasalanan ay kinakailangang wala ring hanggan. Ang impiyerno ay ang hanggang kamatayan at ang pagpaparanas ng walang hanggang poot ng Diyos sa mga makasalanan.
Ang impiyerno ay inilarawan sa Bibliya na "apoy na di mamamatay" (Mateo 25:41), "apoy na di mamamatay kailanman" (Mateo 3:12), "kaparusahang walang hanggan" (Daniel 12:2), isang dako na ang "apoy ay hindi namamatay" (Markos 9:44-49), isang dako ng "paghihirap" at isang dako ng "apoy" (Lukas 16:23-24). "walang hanggang kapahamakan" (2 Tesalonica 1:9). Isang dako na "ang usok mula sa apoy na nagpapahirap sa kanila ay paiilanlang magpakailanman" (Pahayag 14:10-11) at "lawang apoy at asupre" na kung saan ang mga masasama ay "pahihirapan, araw at gabi, magpakailanman" (Pahayag 20:10).
Ang kaparusahan ng mga masasama sa impiyerno ay walang katapusan katulad din ng walang hanggang kagalakan naman ng mga matuwid sa langit. Si Hesus mismo ang nagsabi na ang kaparusahan sa impiyerno ay walang hanggan tulad ng buhay sa langit na walang hanggan din naman (Mateo 25:46). Ang masama ay sasailalim magpakailanman sa matinding galit at poot ng Dios. Tatanggapin ng mga nasa impiyerno ang lubos na katarungan ng Dios (Awit 76:10). Malalaman ng mga nasa impiyerno na makatwiran lamang na sila'y parusahan at sila lamang ang dapat sisihin kung bakit sila napunta doon (Deuteronomio 32: 3-5). Totoo na ang impiyerno ay katotohanan. Totoo na ang impiyerno ay dako ng paghihirap at kaparusahang walang hanggan. Ngunit purihin ang Dios, dahil kay Hesus, maaari nating matakasan ang walang hanggang paghihirap sa apoy ng impiyerno.
https://www.gotquestions.org/Tagalog/