Si Hesu Kristo ay hindi nagka-asawa. May sikat na sabi-sabi ngayon na naging asawa daw ni Hesus si Maria Magdalena. Ang sabi-sabing ito ay isang kasinungalingan at walang kahit anumang basehan sa teolohiya, kasaysayan o sa Bibliya. Habang ang dalawa sa Gnostic (o huwad) na ebanghelyo ay binabanggit ang pagkakaroon ng relasyon ni Hesus kay Maria Magdalena, wala isa man sa kanila ang partikular na tinukoy na asawa ni Hesus si Maria Magdalena o nagkaroon man siya ng sekswal na relasyon dito. Ang pinakatanging suhestyon sa maling palagay na ito ay noong hagkan ni Maria Magdalena si Hesus na maituturing na “halik” bilang kaibigan o isang alagad. At kung sakali mang direktang sinabi sa Gnostic na ebanghelyo na asawa ni Hesus si Maria Magdalena, ang ebanghelyong ito ay walang awtoridad dahil ang mga ebanghelyong ito ay napatunayan na inimbento lamang upang lumikha ng maling pananaw tungkol kay Hesus.
Kung si Hesus ay nagka-asawa, sasabihin ito sa atin ng Bibliya o kaya naman ay may mababanggit na kahit anong talata tungkol dito. Hindi mananahimik ang Kasulatan sa bagay na ito. Binanggit ng Bibliya ang ina ni Hesus, ang kanyang ama-amahan na nagpalaki sa Kanya at ang Kanyang mga kapatid na lalaki at babae. Bakit naman hindi babanggitin ng Bibliya kung totoo na may asawa si Hesus? Ang mga nagtuturo na si Hesus ay nagka-asawa ay gustong gawing karaniwang tao lamang si Hesus gaya ng lahat ng tao. Hindi nila mapaniwalaan na si Hesus ay Diyos na nagkatawang tao (Juan 1:1, 14; 10:30). Kaya nagimbento sila at nag tagni-tagni ng mga kuwento na si Hesus ay may asawa at nagkaanak na gaya ng karaniwang tao.
Ang ikalawang tanong ay, “Maaari bang si Hesus ay mag-asawa?” Hindi kasalanan ang magkaroon ng asawa. Hindi rin kasalanan ang magkaroon ng sekswal na kaugnayan sa isang asawa. Kaya, maaaring mag-asawa si Hesus at manatiling Banal na Kordero ng Diyos at Tagapagligtas ng sanlibutan. Gayunman, walang dahilan upang mag-asawa si Hesus. Hindi iyan ang punto ng usaping ito. Ang mga naniniwala na nagka-asawa si Hesus ay ayaw maniwala na si Hesus ay Banal at Siya ang Tagapagligtas. Ang pag-aasawa at pagkakaroon ng mga anak ay hindi layunin ng Diyos kung bakit Niya isinugo si Hesus. Sinasabi sa atin ng Markos 10:45 kung bakit nagkatawang tao si Hesus, “Sapagka't ang Anak ng tao rin naman ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang kaniyang buhay na pangtubos sa marami.”