Ang salitang "vicar" ay nagmula sa isang salitang Latin na "vicarius" na nangangahulugang "kahalili" o “kinatawan.” Sa simbahang Katoliko, ang vicar ay ang kinatawan ng isang opisyal na mataas ang ranggo, ngunit may kapantay na kapangyarihan at kapamahalaan na gaya ng mataas na opisyal na iyon. Sa pagtawag sa Papa bilang "kinatawan ni Kristo" o "Vicar of Christ," nangangahulugan ito na ang Papa ay may kaparehong kapangyarihan at awtoridad na gaya ni Kristo sa iglesya. Ang titulong ito ay nagmula sa mga pananalita ni Kristo kay Pedro sa Juan 21:16-17, "Pakainin mo amg Aking mga tupa.... Alagaan mo ang Aking mga tupa." Ang mga salitang ito, ayon sa pangangatwiran ng Simbahang Katoliko ay nagsasaad na si Pedro ang Prinsipe ng mga apostol, ang unang papa, at siyang gumanap sa mga salita ni Hesus sa Mateo 16:18-19, (kung saan tinawag ni Hesus si Pedro na bato kung saan Niya itatayo ang Kanyang iglesya).
Upang maunawaan kung ayon ba sa Bibliya na karapatdapat tawagin na kinatawan ni Kristo o hindi ang isang tao, tunghayan natin ang mga pahina ng Bibliya upang malaman kung ano ang paliwanag nito tungkol sa ginagawa ni Hesus sa ating mga buhay, noong Siya ay naging tao sa lupa at kung ano ang Kanyang patuloy na ginagawa para sa atin ngayon. Ikinumpara sa Aklat ng Hebreo si Hesus kay Melquisedec, isang Dakilang saserdote sa Genesis kabanata 14, at gayundin sa pagkasaserdote ng mga Levita sa Lumang Tipan. Ang katanungan ngayon ay ito: kung ang kaligtasan at kabanalan ay makakamit sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, bakit kailangan pa na dumating ang isang saserdote? (Hebreo 7:11)?